Ilang araw na naming napag-uusapan ng isang kaibigan ang aming mga buhok. Nag-aalala siya sa paglagas nito na pwedeng resulta ng kanyang diet at ng stress. Sharing to her my own experience, stress din sa nakaraang tatlong taon ang naging dahilan ng paglagas ng buhok ko. Pero sa awa ng tadhana ay, kahit papaano, pagkatapos ng napakaraming stress na ginawa ng pandemya ay unti-unti nang bumabalik sa pagkapal ang buhok ko. At para mapatunayang malusog na ulit ang anit ko ay pinaplano kong magpahaba ulit ng buhok hanggang matapos ang nakakapraning na taong ito.
Mahal na mahal ko ang aking buhok. Hindi ko alam kung saang side ng pamilya ko nakuha ang magandang bagsak nito, kaya noong nagkaroon ng pagkakataon noong 2006 ay sinubukan ko itong pahabain. Kung mukha akong tomboy kapag maikli ang buhok ko, marami ang nagkamaling babae ako noong pinahaba ko ito. Sa loob ng 13 years ay napakaraming beses na hinayaan ko siyang tumubo at nagawa ko pang magpakulay nang isang beses, noong mga bandang 2009 to 2011 kung saan nakita ko kung gaano kaganda ang nag-iisang parte ng katawan ko na sobra kong ipinagmamalaki.
Pero noong naramdaman ko na ang stress dahil sa trabaho at sa nilabanan kong depresyon bago pa ang pandemic ay nagsimulang mawala ang sigla ng buhok ko. Dumating sa puntong ayaw ko na siyang pahabain dahil lalong lumulutang ang nipis nito. Maraming may gusto ng maikli dahil mas pormal daw akong tingnan, pero may mga iilan na nag-request na ibalik ko ang mahabang buhok dahil ito raw ang nagde-define sa pagkatao ko. Noong una ay hindi ko alam kung anong klaseng definition of character ang tinutukoy nila, hanggang nagsalita ang isang kaibigang namatay, ilang taon na ang nakalilipas.
Natatandaan ko ang mga salita ni Inang Hitaro. Sa isang event, sinabi niya nang may kanyang pagkamangha: “Bagay sa’yo ang mahabang buhok. Hindi siya perpekto pero matapang. Walang hiya. Palaban.”
Noong panahong iyon ay sobrang haba ng buhok ko at natural na kumukurba, na kapag pino-ponytail ko ay nagkakaroon ng sariling porma. Sa totoo lang ay hindi ko rin batid kung nagbibiro siya o nangbobola. Pero sa klase ni Inang Hitaro, alam ko kung kailan siya nang-o-okray at kailan siya prangka. Habang sinusulat ko ito ay nakikita ko ulit ang sinseridad ng kanyang ngiti. Pakiramdam ko na taos-puso ang kanyang pagpuri.
Ngayon ay bumabalik ang kumpyansa ko sa buhok ko. Oo, tumatanda na rin ako at alam kong may mga pagbabagong darating, lalo na rito. Pero sana man lang, bago ko makitang nahihiyang na ang dating rocker emo kong crowning glory ay matikman sa isa pang pagkakataon ang masigla kong buhok.