Sa panahong mas kailangan ng pagkakaisa at maayos na ugnayan para makatulong sa pangangailangan, bakit mas piniling magmaktol ng isang lider sa ginawang pag-aksyon ng iilang nasa gobyerno sa panahon ng kalamidad?
Hindi nakakagulat ang pagbanat niya sa Bise Presidente, pero imbes na magpakita ng simpatiya sa mga biktima ng sunod-sunod na bagyo, kaliwa’t kanang kasinungalingan at pag-a-alibi ang pinagsasabi niya para pagtakpan ang kanyang mga kakulangan at kapalpakan.
Pero ang isa sa mga pinakanakakatawang sinabi niya ay kapag hindi tumigil ang Pangalawang Pangulo na magtrabaho at ipakitang ginagampanan niya ang sinumpaang tungkulin para sa lahat, magsisilbi siyang bangungot sa kanya kung pipiliin nitong tumakbo sa 2022.
Tama ang nabasa, narinig at napanood ninyo. Nagbabanta siya. Nananakot. Pinapakita ang “kapangyarihan” na hindi niya magamit para makatulong sa mas maraming nangangailangan. At ngayon ay ginagamit niya ito para manindak sa taong mas presidente pang umasta kaysa kanya.
Pero hindi ba niya naisip (o sadyang wala siyang isip) na mula pa noon ay isa na talaga siyang malaking bangungot sa Pilipinas? At gusto kong ipaalala kung nakakalimot kayo: Noon pa tayo binabangungot ng tatay nilang tamad! Libo-libo ang pinatay, pinakulong ang mga taong hindi sang-ayon sa kanya, pinakawalan ang pinakamasasamang personalidad sa lipunan, pinatay ang malawakang outlet ng media, nagkalat ng samu’t saring kasinungalingan at nagtatago sa panahong kailangan ng taumbayan ang presensya niya?
Bago siya maging malaking bangungot sa Bise Presidente, tayo mismo ang unang ginimbal ng bangungot na ito. At nasaan tayo ngayon? Nasa kadiliman ng kawalan na napipilitang makinig sa kanyang kabastusan, pagmumura at mga walang kakwenta-kwentang pagpapakita ng kayabangan, lalo na sa gitna ng pandemya.
Ang inaasahan ng marami na magsusulong ng bayanihan ang siya mismong nagwawatak ng ating bayan. Kung hindi pa sapat ang maglilimang taon nang bangungot na ibinigay niya sa lahat, gaano kalalang bangungot pa ang mararanasan natin bago tayo kumilos at mamulat?
Hindi natin deserve ang pinunong magdudulot ng takot at magsisilbing halimaw sa ating pagtulog. Ang kailangan natin ay pinunong tuturuan tayong managinip at inspiradong bumangon sa isang magandang umaga.