Kakaiba ang pulitika ng Pilipinas. Lumalagpas sa banggaan ng ideolohiya ang pagtatanggol ng mga Pilipino sa kani-kanilang pinaniniwalaang tao. At madalas, nagiging mayabang ang iba sa puntong nasa bilang ng mga naiambag sa lipunan ang karapatan mong magsalita para sa bayan.
“May nagawa ka ba?”
“Akala mo may naitulong kung makapagbatikos!”
May pinagkuhanang ideya ang ganitong pag-iisip, pero tama bang gawing batayan ang dami ng nagawa para makapagpahayag ng pananaw sa mga isyu sa lipunan?
Ang kalayaang magsalita, pabor man o laban sa institusyong tulad ng gobyerno ay walang natural na limitasyon. Bagaman may mga regulasyon upang hindi makasakit o makasira ng pagkatao o reputasyon, ang pagbibigay ng opinyon sa mga nangyayari sa ating paligid ay isang bagay na hindi pwedeng ikulong sa loob ng kahon. Ito ay basikong karapatang pantao at walang sinuman ang pwedeng magkait nito sa kapwa niya.
Maraming dahilan kung bakit walang magawa ang mga tao para sa lipunan, pero walang dahilan para pigilan ang sinuman para batikusin ang mga sinumang nanumpa ng maayos, tapat at makataong paglilingkod bilang opisyal ng pamahalaan.