There’s Hope with Lolo Joe

2015-category-title-tambuli copy2020-AURORA-post-featured-biden

Hindi ako Amerikano o botante ng Amerika, pero dalawang araw na akong puyat sa pagsubaybay sa #Roadto270 ng Payaso ng Amerika na si Donald Trump at ni Democratic candidate Joe Biden.

Sabihin na nating walang personal na epekto sa akin kung sinuman ang mananalo, pero para sa bansang patuloy na nakadepende sa pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig, naniniwala akong bilang ordinaryong Pilipino ay batid ang kaganapang ito sa Estados Unidos.

Halos ganito rin ako noong 2016. Walang duda namang Hillary Clinton ang manok ko at gusto ko na sa kanyang pagkapanalo ay kaisa ako sa puso ng mga Amerikano sa pagdiriwang ng pagkakaroon nila ng kauna-unahang babaeng pangulo. Pero hindi nga talaga inadya kay Hillary ang White House. Pero hindi naman namamatay ang paniniwala ng buong mundo sa isang superwomen ng isang superpower. At nagiging totoo ito sa pagluluklok ni Biden sa isang babaeng ka-tandem sa katauhan ni Kamala Harris na nakatakdang maging kauna-unahang babaeng pangalawang pangulo ng Amerika. Kasaysayan ang naging bunga (at magiging bunga) ni Harris sa Estados Unidos na tila magiging susi sa tuluyang pagyakap ng bansa sa ambag ng kababaihan at mga immigrant sa kanilang lipunan.

Pero bakit nga ba mas palagay ang loob ko sa isang Amerika sa ilalim ng administrasyong Biden? Kilala si Biden na moderate. Para sa isang liberal na tulad ko, kailangang laging may kompromiso sa bawat polisiya, lalo’t kapakanan ng ekonomiya at ng tao ang pag-uusapan. Sa sitwasyon ng mundo natin ngayon, mahalaga na pinangangalagaan ng mga pinuno ang mamamayan habang binibigyang-balanse ang halaga ng polisiya sa implementasyon ng bawat programa. At bilang nakatatanda, may appeal si Biden ng isang lolo na anuman ang partidong kinabibilangan o ideolohiyang pinaniniwalaan ay papakinggan niya ito at igagalang. Naalala ko nga bigla sa kanya ang namayapang Mayor Alfredo Lim. Hindi man sa pagiging mambabatas pero sa klase ng malasakit na pinapakita niya sa kahit sino. Kung may Lolo Lim tayo sa Maynila ay may Lolo Joe tayo sa Amerika.

Sa mga oras na ito ay kumplikado pa ang karera. Pero sa maaaring nalalapit na tagumpay ni Lolo Joe bilang ika-46 na pangulo ng Amerika ay magkaroon ng panibagong pag-asa sa Estados Unidos na maaaring makaapekto sa polisiya at ugnayan ng Pilipino sa kanila at sa maraming bansang matagal na nating kasama sa alyansa. Karugtong na ng buhay natin ang ating dating mananakop kaya kung itakda man ang isang Lolo Joe ay walang dudang panalo rin ang mga Pilipino.

2020-headline-feature-fb-aurora-10-cropped.png