Maraming binago sa atin ng COVID-19 pandemic. Pero para sa akin, hindi lahat ay pagbabago. Minsan, isa itong pagbabalik.
Dalawang buwan pa bago matapos ang 2020, pero dahil sa nangyayari sa atin ngayon ay parang isang habambuhay na ang leksyon na natutunan natin ngayong taon. Needless to say, maraming buhay ang pinahinto ng krisis na ito. Sa kabilang banda, pinuwersa tayo ng pandemya na ibalik ang mga bagay na nakaligtaan nating gawin, gusto nating gawin pero hindi nagawa o yung dapat na ginawa natin pero may iba tayong prayoridad dati.
Naniniwala ako na ang buhay ng halos lahat sa atin ay lumiko sa direksyong hindi natin aakalain na makikita. Pero ang iba sa mga ito ay loop pabalik sa square one.
Isa ako sa mga iyon.
May mga nawala, may mga iniwan, may mga sinaradong pintuan sa nakaraang dalawang buwan. Ngunit may isang pagkakataon na nagpa-realize sa akin ng mga makabuluhang bagay na hindi ko sinasadyang maiwan pero dapat kong balikan para ituloy ang mga dapat kong matutunan sa buhay.
Marami siguro ang hindi sasang-ayon sa akin, pero may katiting akong paniniwala na ang pandemyang ito ay itinadhanang mangyari sa atin para subukin kung gaano tayo kahandang bumalik sa mga pagkakataong nalimot natin. Pero kung katulad kita na dinala ng pandemyang ito sa isang nakakagulat pero nakakamanghang pagbabalik, mahirap man pero tanggapin natin ito bilang magandang misyon. Hindi natin masasabi, baka isa itong bagong umaga para sa atin.
Welcome back. I am back.