Kung may ituturing akong hindi nagbago sa buhay ko, ito ay ang Aurora Metropolis.
Hindi ako tumigil sa pagsusulat sa labas ng blog na ito. Pagsusulat ang ikinabubuhay ko, pero noon pa man ay sa pagsusulat ako nabubuhay at sa pagsusulat ko nararamdaman na buhay ako. Sa lahat ng trabahong pinasok ko at adbokasiyang kinabilangan ko, hindi nawala ni isang sandali na hindi ako sumusulat gamit ang kamay, gamit ang keypad sa smartphone of keyboard sa laptop. Kahit sa maraming panaginip ay nagsusulat ako. Sa pagsusulat ko laging naaalala ang nakaraan at nakikita ang personal kong kinabukasan. Ang pagsusulat ay paalala na may katapusan ang buhay, pero pagsusulat din ang paalala kung bakit kailangang magtuloy-tuloy ang buhay.
Pero hindi magiging malaking bahagi ng buhay ko ang pagsusulat kung hindi dumating ang Aurora sa akin. Ito ang nagpausbong ng pangarap kong makapagsalita sa mas maraming tao gamit ang aking mga titik. Ito ang naging kanlungan ng mga kakaibang kuwentong binubuo ng aking imahinasyon at susi kung bakit may pananaw akong magagamit ng mga kabataan para sa kanilang masusing pag-aaral ng mundo. Ito ang naging paaralan ko para sanayin ang sarili na magsulat para sa sarili at iro rin ang naging pahayagan ko para hubugin ang sarili na magsarili para sa iba at para sa bayan.
Hindi ako naging masyadong active sa Aurora dahil sa tatlong rason:
– Busy sa trabaho
– Mas nahikayat sa social media
– Museo ang tingin ko rito.
Museo ang turing ko sa Aurora Metropolis. Dahil gusto na ang bawat ititipa ko rito ay mga natatangi kong lathala. Hindi na ako sumusulat dito dahil gusto ko lang. Gusto ko na kapag pinindot ko ang “New Post” ay mabibigyan ko ng sustansya ang aking mga isusulat. Hindi ito sikat na blog at lalong hindi ako sikat na blogger, pero alam ko na may mga taong nakikita ang Aurora na sisidlan ng inspirasyon para sa kani-kanilang obra. Ang Aurora ay anak ko, at minamana niya ang konti pero sobrang personal na makahulugang mga pananaw ko.
Ang Aurora Metropolis at pagsusulat ang mga constant ko sa nagdaang sampung taon. Hangga’t patuloy ako ng naghahabi ng mga kwento at komentaryo ay mananatili siyang buhay, mananatili akong buhay.