Sa Araw na Nawala ang isang Kapamilya

2020-AURORA-post-featured-image-abscbn

 

Kapag namamatayan tayo ng isang miyembro ng pamilya, natural sa atin ang umiyak, ang magluksa, ang kwestyunin kung bakit kailangang mangyari ang mga nangyari. Yung dinudurog ang kaluluwa natin at sinasakal ang puso natin sa sobrang hinagpis. Ganito ako habang nakaharap sa aming TV, habang pinapanood ang paghihingalo ng isa sa tinuring kong kapamilya.

Hindi ako nag-iisa. Sigurado akong may libo-libong Pilipino — at marahil ay milyon-milyon pa — na nalulungkot sa pagsasara ng ABS-CBN sa gabi ng May 5. May ilang henerasyon ng Pilipino ang nahubog ang pagkatao, pananaw sa mundo at klase ng pamumuhay dahil sa mga palabas at serbisyong binigay ng kumpanya, lalo na sa mga higit na nangangailangan. Hindi na dapat nakakagulat ang pagsasara ng Channel 2, dzMM at lahat ng free TV at radio broadcast outlets ng ABS-CBN, pero sa panahong kailangang-kailangan ng ating bansa ng pinakamalawak na plataporma ng balita, impormasyon at entertainment sa panahong nahaharap tayo sa isang laban kontra COVID-19 pandemic, ang utos na patahimikin ang presensya ng himpilan ay isang malaking katarantaduhan.

Isang mahabang “kwaresma”

Kung batang 90s ka, alam mong mahirap ang buhay kapag walang Channel 2 tuwing Huwebes Santo, Biyernes Santo at Sabado de Gloria. Walang palabas sa TV at hindi mo makikita ng ilang araw ang mga paborito mong artista. Mas dama mo ang kwaresma dahil lahat ng nagpapaligaya sa’yo sa telebisyon ay hindi mo nasisilayan. At tulad sa TV ay wala ring tao sa mga kalsada dahil nga nagluluksa tayo sa pagkamatay ni Hesus.

Matagal nang hindi ganoon ang sitwasyon ng telebisyon sa mga nakalipas na Mahal na Araw dahil buong araw nang bukas ang mga channel sa TV. Nandiyan na rin ang mga palabas sa cable, internet at sa Netflix. Pero binago ng COVID-19 pandemic ang kalakaran ng telebisyon, gawa ng hindi makakapag-shoot ang mga regular na programa sa TV. Wala ang mga inaabangan nating teleserye, variety show, game show, talk show at kung ano-ano pa. Karamihan ay replay ng mga dating sikat na telenovela tulad ng May Bukas Pa, On the Wings of Love at, ang ngayon ko lang nasubaybayan nang buo na Wildflower. Dahil sa COVID-19, ang dating tatlong araw na Holy Week specials ay umabot na ng dalawang buwan ngayon.

Pero hindi pa pala ito ang sorpresa ng mala-kwaresmang COVID-19. Ang pagkawala sa ere ng Channel 2 ang nagparamdam sa akin ng mas humahaba, mas nakakainip at mas nakakapanghinang kalbaryo sa ating bayan.

Nagparamdam ang Martial Law

Masuwerte raw ang henerasyon natin na hindi natin naranasan ang epekto ng Batas Militar na ipinatupad noong rehimeng Marcos. Sa mga unang araw ng Martial Law, September 1972, isa ang ABS-CBN sa mga ipinasara ng gobyerno dahil sa mapangahas nitong pagbabalita ng mga kakulangan, kapalpakan at karahasan ng diktador at kanyang mga crony. Natahimik ang ABS-CBN sa loob ng humigit-kumulang na 14 na taon.

Naniniwala lagi ako na umuulit nang kusa ang kasaysayan, pero hindi ko akalain na sa lahat ng mauulit, ang pinakaayoko pang bahagi ng istorya ng ating demokrasya ang bumalik sa ating panahon. Bigla kong napagtanto na hindi pala talaga masuwerte ang henerasyon ko.

Halos pareho ang sitwasyon noong 1972 at ngayong 2020. Walang kasiguraduhan ang kondisyon ng bansa, bagaman walang pandemya noon pero nahaharap tayo sa napakaraming paglabas ng karapatang pantao, pambabalewala sa kapakanan ng mga maralita at pagpabor sa pansariling interes ng mga nasa kapangyarihan. At halos pareho rin kung paano sikilin ni Marcos at ng kasalukuyang diktador ang kalayaan sa pamamahayag. Walang Martial Law (daw) ngayon, pero dahil nasa ilalim tayo ng tinatawag na “enhanced community quarantine”, ginagamit ng pamahalaan ang kanyang military force at strict law enforcement para kontrolin ang anumang bagay na sa tingin nila ay “hindi tama”. Kinuha ng mga tao ni Duterte ang pagkakataong mahina ang lipunan para maselyuhan ang bibig, maitali ang kamay at patraydor na barilin ang kalayaan sa pamamahayag.

At muli, ang unang biktima, ang ABS-CBN.

Wala pa raw Martial Law, pero nangyari ito. Paano pa kaya kung meron?

Na-Tokhang ang kapamilya

Nababasa ko lang dati sa mga balita o napapanood sa dokumentaryo ang pagdurusa ng mga namatayan dahil sa extrajudicial killings o mas kilala bilang “Tokhang”. Libo-libo ang napatay, karamihan ay mga tinawag nilang “nanlaban” o di kaya’y nadamay o pinagbibintangan lang. Ang iba nama’y nagkasala pero hindi na nagawang magkaroon ng pagbabagong-buhay o hindi man lang naipagtanggol ang sarili sa hukuman dahil inunahan ng mga berdugo sa katauhan ng mga iskalawag. Sa ating kultura na nagpapahalaga sa buhay ng lahat, ang mga may maysala ay may karapatang ibangon ang dignidad niya habang pinagbabayaran ang kasalanan. Pero nagbago ito sa panahon ni Duterte, at hindi na lang basta mga nanlaban o nadamay lang ang nato-Tokhang.

Kung ako ang tatanungin ay parang tinokhang ang ABS-CBN. May mga bintang sa kanya na may mga nilabag daw siyang reglamento at dapat niyang pagbayaran ang mga ito sa pamamagitan ng hindi pagre-renew ng kanyang prangkisa. Hindi perpekto ang ABS-CBN, pero may mga parusa o multa o obligasyon kung mapapatunayang lumabag ito sa mga batas ng bansa. Sa kabilang banda, hindi ito katumbas ng pwersahang pagsasara dahil hindi lang naman may-ari ang mawawalan ng kita kundi pati ang mga empleyado niya at ang industriya at ekonomiyang kanyang kinabibilangan. Ginipit ang ABS-CBN at pinaabot sa puntong expired na ang prangkisa niya bago aksyunan. May punto si Cong. Edcel Lagman na kung sana lang ay inaprubahan ng Kongreso ang prangkisa niya ay hindi tayo aabot sa delubyong ito. Pero pinaasa ang ABS-CBN sa nalalabing buwan ng kanyang natitirang buhay, at sa pag-asang iyon ay isa palang sorpresang pagpaslang.

Pinatay ang ABS-CBN nang talikuran. Nanlaban sa hukuman pero hindi binigyan ng akmang hustisya. Maraming naulila. Marami ang lumuluha. Parang tokhang.

New normal: Without ABS-CBN

Mainit na pinag-uusapan ngayon ang terminong “new normal”. Ito ay isang sistema umano kung paano tayo mamumuhay sa isang bagong mundo pagkatapos ng pandemic. Isa sa mga posibilidad ay mas istriktong pagpapatupad umano ng mga batas upang mapanatiling masusunod ang social distancing o maiwasan ang anumang aktibidad na magpapakalat umano ng virus. Pero sa nakalipas na mga araw mula nang simulan ang ECQ ay nakikita na natin ang palpak na pamimigay ng ayuda at makataong pagpapatupad ng batas sa mga napilitang lumabag dahil wala nang makain o kailangang maisalba ang pamilya sa duamraming araw ng paghihikahos. Ang kabagalan ng pamahalaan ay tila isang pangit na senyales ng mas mahirap na new normal, lalo na sa mga mahihirap.

Ngunit ang ikinabigla ng marami ay isang bagong normalidad na wala ang isang institusyong nagpaparamdam ng ating pagkanormal na Pilipino — ang ABS-CBN. Hindi lang dahil nawala ang ating mga paboritong palabas at sikat na personalidad kundi nawala na ang tagapaghatid sa atin ng mga balita at impormasyon na tumtulong sa ating bumuo ng mga pananaw sa araw-araw. Sang-ayon man sa atin o hindi ang komentaryo ng kanilang mga mamamahayag o artista, ang presensya ng ABS-CBN ay maliwanag na presensya na tayo ay nabubuhay sa demokrasya. At sa paglapit ng new normal, biglang nawala sa ere ang ABS-CBN.

Parang noong ipatupad lang ang “bagong lipunan”. Pamilyar ba?

Ang kapamilya, kapag nawawala, hinihintay

May personal na espasyo sa buhay ko ang ABS-CBN. At sa biglaan niyang pagkawala ngayong gabi ay hindi ko mapigilan na maging emosyonal. Sa totoo lang, mas naramdaman kong kapamilya ko ang ABS-CBN sa loob ng maraming taon kaysa sarili kong mga kamag-anak. Dumating ang mga panahon na buong araw at buong magdamag ko siyang kasama, sa paggising man o pagtulog, pag-aaral man o sa trabaho o kahit sa panahon ng pahinga. Tinulungan ako ng ABS-CBN na hubugin ang pangarap ko, ang desisyon kong mag-Mass Communication noong college at kahit noong pasukin ang public relations ay naging parte siya nito. Siya ang nagsilbing guro, bantay at gabay ng aking buhay kahit pa ngayong naghahanapbuhay ako.

Nadudurog ako sa kanyang pagkawala, pero sa kabila ng hapis at poot, may bahagi ng puso ko na naniniwalang babalik siya. Noong Martial Law ay walang nag-akalang mabubuhay ang ABS-CBN. Sa panahong ang pag-asa na lamang ang kaya nating gawin, masakit man kapag mabigo, aasa akong muli siyang kikindat sa malayang himpapawid. At tulad ng isang tunay na kapamilya, hindi ako magsasawang maghintay na sa muli, tutunog ang anim na nota habang naririnig ang boses ni Peter Musngi sa Channel na nagsasabing…

“ABS-CBN. In the service of the Filipino… worldwide.”

Laban para sa malayang pamamahayag

Pero ang paghihintay ay may kaakibat na pagkilos. Ang nangyari sa ABS-CBN ay hindi rin malayong mangyari sa iba pang himpilan ng radyo at telebisyon. Ang gobyernong ito ay puno ng poot na kahit anong gustuhin niya ay kaya niyang gawin dahil lang gusto nila. Mahirap protektahan ang press freedom sa panahong kalat ang mga troll at fake news, pero sa pagsasara ng Channel 2, siguradong mas marami na ang mamumulat sa tunay na kalagayan ng ating kalayaan at karapatan.

At bilang mga kapamilya, kapuso, kapatid at kung ano-ano pang “ka”, dapat tayong magkaisa na isabuhay ang ABS-CBN at ng press freedom sa pamamagitan din ng ating malayang pamamahayag ng saloobin sa anumang paraan at anumang pagkakataon.

#WeStandWithABSCBN
#DefendPressFreedom

 

cropped-article-stoper.png

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s