Habang tinitipa ang piyesang ito ay kasalukuyang napapailalim ang Metro Manila sa unang gabi ng month-long curfew dahil sa coronavirus disease (COVID-19). Kakaiba ang katahimikan ng hatinggabi, lalo na sa kung saan kami nakatira. Para sa akin ay mas mahirap makatulog dahil alam kong tatagal ang kakaibang pagbabagong ito sa buong Kamaynilaan sa susunod na mga araw.
Para sa marami, may dulot na panic at paranoia ang paghihigpit sa pangkaraniwang kilos at gawi ng mga naninirahan at nagtatrabaho sa Kalakhang Maynila. Pero kung ako ang tatanungin, mas nagtataka ako kung bakit ganito tayong mga Pinoy sa gitna ng sitwasyong ito. Hindi ko sinasabing hindi ako nangangamba o natatakot sa mga nangyayari, pero mas nananaig sa akin ang napakaraming pagtatanto sa kung paano tayo rumeresponde sa virus na pumipinsala sa buong mundo at sa iba pang virus na sumasabay na nampepeste sa ating mga Pilipino.
Una: Nararamdaman natin ang tunay na kapasidad ng mga lider para siguraduhing may nasasandalan tayo sa mga ganitong delikadong panahon.
May isang pahayag si Duterte kung saan ginawa niyang komedya ang COVID-19 na hahanapin niya at sasampalin niya. Sa kanyang national address, lantaran niyang sinabi na wala siyang alam at walang maitutulong ang mga hindi doktor na tulad niya laban sa COVID-19. Ang magagawa lang niya: i-mobilize ang pulis at militar sa community quarantine ng buong Kamaynilaan kung saan isa sa mga hakbang ay ang pagpapatupad ng curfew.
Malaki ang pagkakaiba ng mga sinasabi ni Duterte sa pagtugon ng dalawang babaeng umaangat sa pag-aksyon sa sitwasyong ito: si DOH Assistant Secretary Dr. Maria Rosario Vergeire at si Vice President Leni Robredo.
Marami ang humanga, kasama na ako, sa kung paano ilahad ni Dr. Vergeire ang mga importanteng detalye ukol sa sitwasyon ng COVID-19 sa ating bansa. Tinig ng isang may otoridad at kredibilidad ang mga pahayag ni Vergeire, lalo na kapag sinasagot niya ang media nang malinaw, walang alinlangan at may pakiramdam na mapagkakatiwalaan natin ang mga datos na binibigay niya sa atin.
Wala mang maliwanag na mandato ay hindi tumitigil ang tanggapan ni VP Leni sa napaka-produktibong paggamit ng social media sa pagpapakalat ng mga paalala sa kung paano tayo makakaiwas sa COVID-19, kahit pa maraming troll ang walang tigil na naninira sa kanya. Marami lalo ang humanga sa kanya noong ilabas ng Office of the Vice President ang dalawang video kung saan si VP Leni mismo ang nagtatanong sa mga eksperto tungkol sa mga pwedeng gawin ng iba’t ibang sektor para manatiling ligtas sa COVID-19 at kung saan nanawagan siyang magkaisa ang lahat laban sa COVID-19 dahil aniya, “walang paraang malagpasan ito kundi ang isaisip ang kapakanan ng lahat”.
Pangalawa: Ngayon natin nakikita kung sino ang tunay na pinapaboran at prayoridad ng mga nasa kapangyarihan.
Bago pa tuluyang maisailalim ang bansa sa Code Red Sublevel 2 ay maraming mga kababayan natin, lalo na sa social media, ang naghihinalang pinapaboran ni Duterte ang China kaya hindi agad nagdeklara ng seryosong aksyon ang ating bayan laban sa COVID-19. Bago rin nito ay may mga pahayag siyang hindi niya pipigilan ang operasyon ng POGO kung saan ang kikitain daw ng Pilipinas dito ay gagamitin sa COVID-19 fund. Pero ang gobyerno rin mismo ang umamin na imbes na kumita ay tayo pa mismo ang lugi sa mga ito dahil hindi napapatawan ng buwis ang mga banyagang trabahador sa mga establisimyentong ito. At parang kabastusan na sa mismong live televised presidential address tungkol sa COVID-19 ay pinasalamatan niya ang China dahil sa alok daw na tulong kung hihingiin natin. Nakakatawang nakakainis na marinig ang papuri ng isang mataas na lider ng bansa ang isang tulong na hindi pa naibibigay at lalong hindi pa natin nagagamit. Tutang-tuta ba ang dating!
At speaking of tuta, sa parehong live televised address ni Duterte ay pinagmalaki niya ang “napakasipag” daw na si Bong Go dahil sa “pagtatrabaho” sa gitna ng COVID-19 scare. Pare-pareho nating alam na ang tanging magandang ginawa ni Bong Go kay Duterte ay sundan-sundan lang siya, patuloy na maging alalay at magsabi ng kanyang magic response na “Ipaparating ko po kay Pangulong Duterte blah blah blah.” Nakakabaliw din na dapat ay sabay silang magpa-test para malaman kung positibo o negatibo sila sa COVID-19. Malamang din na pare-pareho tayo ng mga tanong ngayon kung ano ba talaga si Bong Go sa buhay ni Digong: tuta, kerida… o ang tunay na nagpapatakbo ng Pilipinas?
Hindi ang China at si Bong Go ang dapat na bida ng ating bayan. Tulad ng maraming bansa, mas dapat nating kilalanin ang mga taong araw-araw na humaharap sa peligro para lang pangalagaan at pagalingin ang mga posibleng kaso ng COVID-19 at sila ring mga gumagawa ng paraan para mapabagal ang virus na kumalat sa ating bayan. Sila ang ating medical front liners at medical professionals na sa kabila ng kakulangan ng personal protective equipment (PPE) ay nagsisilbi nang walang humpay para mailigtas ang mga kababayan nating nahawaan ng COVID-19. Sila ngayon ang prayoridad ng maraming pribadong institusyon, kabilang na si Vice President Leni Robredo na ginamit ang social media upang tumulong na makalikom ng pondo para pambili ng PPEs ng mga front liner.
Pangatlo: Kung may aksyon na mas maaga ay posibleng hindi tayo naghahabol sa paglaban kontra COVID-19.
Sa hearing ng House of Representatives tungkol sa COVID-19 ay nilantad ni Bayan Muna Party-List Representative Carlos Zarate ang isang probisyon sa batas na nagbibigay ng pahintulot kay Health Secretary Francisco Duque III na magdeklara ng emergency kapag nagpapakita na ng banta ang isang epidemya, dito man sa Pilipinas o maging sa ibayong-dagat. Napaamin si Duque na kahit World Health Organization ang dapat na unang magdeklara nito ay may ligalidad siya na ipatupad ito nang mas maaga kung kinakailangan.
Sabihin na nating magdudulot ng panic ang maagang deklarasyon, pero Enero pa lang ay nasaksihan na natin kung gaano naging malaganap ang COVID-19 sa mga katabing bansa natin. Doon pa lang, dapat ay may paghahanda na ang mga kinauukulan sa posibleng pagpasok nito sa kanilang hurisdiksyon. Noong katapusan ng Enero ay nagsalita ang DOH tungkol sa unang confirmed case na galing mismo sa Wuhan, China kung saan nagsimula ang pagkalat ng virus, pero mahigit isang buwan pa ang lumipas bago ideklara ang state of national health emergency ng Malakanyang.
Mahirap ikaila ng pamahalaan ang hindi pagkahanda sa COVID-19. Isang halimbawa na talagang nagpalungkot sa akin ay ang Facebook post ng Philippine General Hospital (PGH) na nanghihingi ng donasyon ng alkohol at PPEs para sa kanilang mga staff. Walang masama na manghingi ng tulong, pero kung may maagang direktiba ang DOH ay pihadong maaga ring makakapaghanda ang PGH at iba pang public hospital para rito.
Pang-apat: Tayo mismo ay nawawalan ng tamang paghuhusga at walang malawak na pag-unawa kapag inuuna ang panic.
Sabihin na nating natural sa tao ang mag-panic sa mga ganitong sitwasyon. Pero kung tutuusin ay pinalala ng social media ang ugali nating ito. Mula bilang ng namatay hanggang sa mga pekeng gamot, nagkalat sa mga news feed natin ang fake news at mga twisted information tungkol sa datos na nilalabas ng mga otoridad at marami pa rin talagang napapaniwala ng mga ito. Isa pa sa mga kumakalat ay mga shame campaign sa mga taong ang ginagawa ay tumutulong na labanan ang pagkalat ng COVID-19. Ang iba pa sa mga sinisiraan ay mga public health expert na nagbabahagi ng mga tamang impormasyon ngunit binabanatan ng mga bayarang troll dahil tinatamaan ang pinapanigan nilang mga tao o grupo. Hindi na tayo lalayo, mga ka-DDS!
Sa kabilang banda naman ay hindi nagagawa ng marami intindihin ang sitwasyon bago umaksyon. Marami ang umubos ng 70% ethyl alcohol sa mga supermarket sa pag-aakalang maililigtas sila ng “pagligo” nito. Sabihin na nating bahagi ng paglilinis ng katawan ay disinfection na nagagawa ng paggamit ng alkohol. Pero ayon sa mga eksperto, ang disinfection ay ginagawa hindi lang sa sarili kundi sa mismong tahanan natin. May mga iminungkahing pamamaraan at mga produkto ang Center for Disease Control and Prevention ng Estados Unidos para sa disinfection na ligtas gamitin para sa kalusugan at para sa kapaligiran dahil importante rin na malinis ang tahanan, opisina, paaralan at lahat ng pampublikong lugar para hindi mabilis makahawa ang COVID-19.
Malungkot din na sa pagpa-panic natin ay may ilan tayong mga kababayan ang nakakalimutan natin na mas nangangailangan ng mga partikular na produkto. Ilan sa mga ito ang mga senior citizen na mas madaling mahawaan ng COVID-19. Nakakalimutan din ang mga walang tahanan na sana’y napagtutuunan din ng pansin ng mga ahensya ng gobyerno kung sila ay nakatuon sa home quarantine.
Ang kailangan natin ay pagiging alerto pero dapat tayo manatiling kalmado. Lalo lang palalalain ng pagpa-panic ang sitwasyon natin at, kung mamalasin, dahil dito ay magkakaroon pa ang gobyerno na tagalan ang kanilang community quarantine.
Panglima: Ayaw man natin masamain pero tila may naamoy tayo na isang hindi magandang senaryong pulitikal.
Alam kong hindi ito ang tamang panahon para tingnan ang pagkakaiba-iba ng ating paniniwalang pulitikal o panlipunan. Pero kung hindi lang ako ang nakakaisip na may mali sa pagpapatupad ng community quarantine, siguro nga ay tama ang nahihinuha ko.
Sa televised address ni Duterte ay inutos niya na paganahin ang militar at pulis para mapabuti ang implementasyon ng community quarantine sa buong Metro Manila. Pero hindi rin niya napigilan gamitin ang salitang lockdown sa prosesong ito. Tila OA ang paglalatag sa napakaraming armado sa lahat ng sulok ng Kamaynilaan na para bang nagsasabi na kapag hindi ka sumunod ay kamay na bakal ang dadampot sa iyo. Mismong si Justice Secretary Menardo Guevarra na ang nagpaliwanag na maaaring arestuhin ang isang tao kung ito ay magtatangkang pumasok o lumabas ng Metro Manila nang may dahas, pananakit o panunuhol sa mga otoridad.
Ganito rin ang sentimiyento ng ating Woke Lolo na si human rights lawyer Chel Diokno na sinasabing maaaring pilitin na sa puntong ito na naaayon sa batas, hindi PNP ang may direktiba kundi ang DOH. Maaari nilang harangin ang sinumang magpupumilit o piliting manatili sa quarantine area ang tatangging magpa-quarantine, pero hindi dapat arestuhin na parang humuhuli ng kriminal.
Bagaman itinatanggi ni Duterte na hindi martial law ang lockdown ng Metro Manila, may mga taong hindi mapigilang tawagin ito na “de facto martial law” dahil pilit nilalagay ni Duterte sa gitna ng kontrol ang pulis at militar, kahit pa sa kanya rin mismo nanggaling na si Duque bilang kalihim ng kalusugan ang puno ng kampanya kontra COVID-19. Tayo na rin mismo ang sumiguro na ang paglilinis ng ating rehiyon kontra sa virus ay hindi magiging daan para sa mga mapang-abuso na gamitin ang sitwasyon para dalhin tayo sa sitwasyong nagpahirap sa atin, 48 taon na ang nakakaraan.
Pang-anim at huli: COVID-19 pa ang nagturo sa atin ng tunay na pagmamalasakit bilang tao at pagiging makatao.
Aminin man natin o hindi, may mga pagkakataong galit na galit tayo sa mga Chinese dahil sa bansa nila nagmula ang COVID-19. Simula nang umingay ang balitang ito, kahit sinong singkit na yata, kahit pa mga Chinese Filipino ay kinokondena natin sa pagkalat ng virus dito sa ating bansa.
Oo, maraming iligal na Chinese nationals sa Pilipinas ngayon gawa ng maluwag na polisiya ng gobyernong Duterte sa rehimen ni Xi Jinping. Oo, sila yung mga bigla na lang pumasok sa ating bayan nang walang kaukulang dokumento at mga hindi sumusunod sa mga regulasyon, lalo na pagdating sa buwis. Oo, may ilan sa kanila na dinadala ang kagaspangan ng ugali dito sa atin at sila pa ang siga, maingay, maarte at mayabang gayong sila ang dayuhan.
Aminin man natin o hindi, dahil sa galit natin sa COVID-19, nakakalimutan natin maging tao at magpakatao. Tawagin nyo na akong ipokrito pero hindi natin dapat isisi sa isang buong lahi ang kasalanan ng iilan sa kanila. Sila man ay nahihiya sa nagawa ng kanilang mga kababayan at ginagawa ang lahat para makatulong sa atin kahit hindi natin hinihingi, mapatunayan lang na tulad natin, sila rin ay tao na apektado ng mga pagkakataong ito.
Maaaring magtagal pa ang pandemyang ito, pero harinawa, sa kabila ng lahat, ipakita natin ang kabutihan ng pagiging Pilipino. Hindi masamang punahin ang mga pagkakamali ng kahit sino, lalo na ng gobyerno. Pero hindi tamang gumawa ng mga gawa-gawang naratibo para lang siraan ang mga tao o grupong sinsero ang pagtulong. Matatapos natin ito nang sama-sama at tulong-tulong. Manatiling malusog, malinis, mahinahon, matino at matalino laban sa #COVID19.
Para sa latest update: i-follow ang Facebook page ng Department of Health.