Dear 32-year-old Lem,
Apat na taon ang nakaraan nung huli kitang sulatan. Ang daming nangyari, at ang pareho nating hindi namamalayan ay marami na palang pagbabago sa buhay nating pareho.
Truth be told… wala ka na sa kalendaryo!
Pero akalain mo yun, narating mo pa rin ang malayo-layong edad na ito.
Oo, marami. Pero hindi mo na maalala ang lahat ng mga iyon, maliban na lang kung na-post mo sa Facebook o Instagram na lahat ay taon-taong ipinapaalala sa’yo dahil sa Facebook Memories. Siguro, kung hindi na binabalikan ng social media ang nakaraan mo, malamang ay hindi mo na rin talaga gugustuhing sariwain ang iba rito.
Alam nating pareho kung gaano mo kamahal ang kasaysayan ng bayang ito, lalo na ng ating pinakamamahal na Maynila. Marami tayong sinakripisyo para lang mapagbigyan ang iilan dahil alam nating makakatulong sila para makaahon ang ating siyudad. Alam kong hindi mo sila pinagsisisihan, pero kung ako ang tatanungin, masakit mang sabihin pero kung nasunod lang ako, mas maaga mong nakuha ang kapalarang para sa’yo.
Ngunit magkaiba ang kapalaran at tadhana.
Siguro nga ay hindi ikaw ang pinakaswerteng tao, pero itinadhana ka sa mas mahirap pero mas dakilang bagay. Hindi man dakila sa pananaw ng marami, pero sa lahat ng nagawa mo, lantad man o lihim, sobrang proud ako sa ‘yo.
Ngayong 32 ka na, naniniwala akong may mga kaya ka pang gawin. Hindi ka marunong mapagod sa pag-iisip ng mga pwedeng magawa, maliban na lang sa mas madali ka nang antukin. Pero naalala ko na sinabi mo ilang taon na ang nakaraan na gusto mo na ring magpahinga sa mga oportunidad na mas nararapat para sa mga mas bata sa atin. Nabanggit mo rin na tutulong ka lang kapag hinihingi nila ang paggabay, talento o opinyon mo. Gusto mo ng mas tahimik na buhay para sa sarili mo at lahat ng mga patungkol sa iba ay ituturing mong trabaho. Muli, kung ako lang ang tatanungin, mas gusto ko iyon dahil iniisip mo ang makakabuti para sa’yo.
Ngunit parang hindi ka mapigilan. At hindi mo rin mapanindigan ang iyong mga pinangako.
Hindi ko sinasabing hindi ka marunong tumupad sa pangako. Naintindihan ko na sinubukan mong maging makasarili sa aspetong kailangan mo nang ayusin ang sarili mong buhay para sa kapakinabangan mo. Ngunit hindi mo talaga kayang maging “makasarili”, at kung pagiging makasarili ang paglingkuran sa pinakamaliit na paraan ang iba, nananalig man sila sa kakayahan mo o hindi, siguro ay wala nang dahilan para ibahin ang pananaw na ito. Yan ay ikaw, at sa dugo at utak mo, hindi na natin siguro matatanggal ito. Simpleng tao ka lang, hindi ka kikilalanin ng kasaysayan tulad ng mga taong hinahangaan at tinitingala mo, pero maswerte ang bayang ito na may tulad mo na naging makasarili para sa karangalan ng kanyang tinatanging siyudad at para sa tinatangi niyang bansa.
At tulad ng iyong laging sigaw ng paninilbihan: Para sa Panginoon, Para sa Inang Bayan, Para sa Kinabukasan.
Wala ka na kalendaryo, pero hindi ito dahilan para mawala ka sa ikot ng mundo.
Happy 32nd birthday, Lem.
Nagmamahal,
The Unloveable Lem.