2019 YEARENDER: It Happens For A Reason

2015-category-title-tambuli copy2019-YEARENDER

Ito na ang ikasampung beses na magbabalik-tanaw ako sa papatapos na taon dito sa Aurora Metropolis. Bukod sa nagsilbi itong tagapagtala ng personal kong kasaysayan mula noong 2010, nagiging paraan ko na rin ito para ipagpasalamat ang mga napagtagumpayan at pinaglaban ko sa lilipas na panahon.

Kung ikukumpara ko sa nakalipas na 9 na taon ay masasabi kong hindi ganoon karami ang mga nangyari sa buhay ko ngayong 2019. Pero kung ikukumpara sa mga nakaraan, karamihan sa mga ito ay laging “combo” – yung tipong may mangyayaring maganda tapos may sasabay na kamalasan. Nakakatawa na nakakainis pero tulad ng lagi kong paniniwala, lahat ng nagaganap sa atin ay may dahilan na siguradong may iniiwan sa atin sa ating paglalakbay sa buhay.

Ang pagbabalik mula Makati pa-Tundo

Pagkatapos ng anim na buwan ng pananatili sa Makati ay bumalik din ako sa pinakamamahal kong Tundo noong Pebrero. Masarap mamuhay mag-isa pero dahil may mga bagay din na hindi nagwo-work, siguro ay hindi pa rin panahon para magkaroon ng sariling buhay sa labas ng pamilya ko. Ngunit ang hindi ko batid ay may naghihintay palang sorpresa ang pagbabalik na ito.

Ang pagkawala at pagdating nina “Bruce”

Naging masakit para sa akin ang pagpanaw ng shih tzu naming si Bruce na sa humigit kumulang anim na taon ay naging kasiyahan ng aming pamilya. Lalong masakit na hindi na niya ako nakahintay na makabalik sa tahanan bago niya kami iniwan. Pero sa pagkawala ni Bruce ay dumating ang isang bagong miyembro ng pamilya. Isang panibagong shih tzu na pinangalanan ulit namin na Bruce ay kabaligtaran ni Bruce na maingay, aktibo at makulit. Malambing ngunit may pagkamahiyain si Bruce na ang mga titig ay talagang kukuha ng atensyon mo. Pero habang tumatagal ay nagiging kumportable na siya sa aming bahay at magsisilbing bunso ng aming buhay sa maraming panahon.

Ang pagdating ng isang kakaibang pagsasamahan

Hindi ko gawain na sabihin sa marami ang kung anong relasyon meron ako sa isang ispesyal na tao. Dumating si R sa buhay ko sa panahong mas confident ako sa sarili ko. Ang plot twist: hindi naging madali ang naging pagkakaibigan na dumaan sa napakaraming hindi pagkakaunawaan at nauwi rin sa hindi inaasahang paghihiwalay. Another plot twist: sa hindi inaasahan ay bumalik kami sa dati kung paano kami unang nagkakilala. Maaaring dahil naging mabilis ang una kaya hindi talaga nag-work out, pero sa sitwasyon namin ngayon, hindi ko tinatanggal ang isa pang pagkakataon. Sa ngayon, mananatili kaming mabuting magkaibigan habang inaayos ang buhay niya.

Ang pagbabalik ng Nanay ko sa ospital

Akala namin ay tapos na ang isa sa mga hindi ko gustong balikan na pangyayari sa aming pamilya. Nitong Hulyo ay na-confine ulit ang Nanay ko sa ospital sa parehong kondisyon noong 2017. Sa loob ng mahigit 20 araw, puno ng hirap at sakit ang naranasan niya, lalo’t ang natitira niyang paa ang kailangan na ring tanggalin. Alam naming mahirap para sa tulad niyang laging aktibo ang hindi na makakilos nang mas madalas tulad ng dati. Sa kabila nito, gamit ang kanyang artificial leg ay, kahit papaano, ay sinusubukan niyang makapaglakad kahit kaunti at makabalik sa kanyang buhay kahit kaunti.

Ang pagbabalik-telebisyon

Hindi ko akalain na makikita pa ako sa isang programa sa TV para ipagmalaki ang minamahal kong Escolta. Dahil sa I-Juander ng GMA News TV, kahit walang sinabi ay naitampok muli ang Manila’s Queen of Streets kasama ako.

Ang mga paglalakbay

Hindi pwedeng lumipas ang 2019 na hindi ako makakapasyal sa labas ng Maynila. Salamat sa trabaho ay nakapunta ako sa Bauang, La Union at salamat sa mga kaibigan sa trabaho dahil nakapag-relax ako sa mas napakagandang dalampasigan ng Laiya, Batangas.

Ang mga pagkakaibigan

Lagi’t lagi ay mga kaibigan ko ang nagiging dagdag na sigla ng buhay ko. Mula sa Team Unlikain, mga dating kasama sa Ang Pamantasan hanggang sa matatapang na kabataan ng Millennials PH, naging masaya, maharot at makulay ang aking 2019.

Ang mga pagkilala

Nakakataba ng puso ang mga pagkilala na natanggap ko ngayong taon. Ito ay ang mga sinserong papuri, pasasamalamat at rekomendasyon dahil sa mga simpleng bagay na iniambag ng inyong lingkod. Kasama na rito ang naging promosyon ko bago ako tumuntong sa ikalawang anibersaryo sa aking trabaho. Pero ang mas naligayahan ako ay, sa wakas, ay nakumpirma ko na ang paglalathala sa isang Filipino K to 12 textbook ng aking 2011 blog entry na “Ang Spratlys ay Para sa Pilipinas. Sana Maisip Ito ng China”, bagaman wala pa akong personal na kopya dahil nakita ko lang sa display sa Manila International Book Fair noong Setyembre.

Ang pagpapasalamat

Totoo naman na may dahilan ang bawat pangyayari, ngunit dahil sa mga taong dumaan sa aking buhay sa papatapos na taon, hindi magiging mas makahulugan ang Lem na kilala ninyo. Kaya hayaan nyong magpasalamat ako sa inyo:

Salamat, Sir Boom Enriquez at Biboy Davila dahil sa pagtitiwala, pag-unawa at paggabay upang maging makabuluhan ang ating nakakapagod pero exciting na industriya.

Salamat, Geil Hernandez-Lonsania, Nica Cordero, Kevin Magcalas, Rio Iwasaki, Monique Cabais, Hannah Cordero, Josh Umlas at Ate Nini Hernandez dahil sa mga araw at gabi ng kasiyahan, kwentuhan, asaran at pagiging mga kapatid na nagtutulungan sa oras ng kagipitan.

Salamat, Rizza Duro, Meryl Jalani, Harvey John Padilla, Marjon Fenis, Jhayee Ilao, David Renn Santos, Pipay Bisaya, Eden Gutierrez, Cyra Aurelio at sa marami ko pang kaibigan sa Millennials PH dahil patuloy nyo akong binibigyan ng dahilan upang umasa sa lakas at galing ng kabataang Pilipino.

Salamat, Cherry Aggabao, Florence Rosini, Nona Bracia, Dean Ludmila Labagnoy, Ma’am Neriz Gabelo, EJ Bituin, Jolly Calixtro, Dale Albores, Nathan Figueroa, Eunicia Mediodia dahil sa pagkakaibigang hindi nyo nalilimutan sa kabila ng pagkakaroon ng iba’t ibang pinagkakakaabalahan.

Salamat, Dating Councilor Niño dela Cruz at Mr. Robert at Mrs. Lorraine Sylianteng, at sa iba pang piniling huwag magpakilala dahil sa pagbibigay ng tulong para sa hospitalization ng aking nanay.

Salamat sa mga doktor, nurse at staff ng Payward II ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center dahil itinuring ninyong nanay ang aking ina habang siya ay nasa pangangalaga ninyo. Hindi naging mahirap ang kanyang pananatili dyan dahil sa inyong sipag, saya at tunay na malasakit.

Salamat R dahil kahit hindi naging maayos ang lahat ay ipinaramdam mo sa akin ang halaga ng pagmamahal sa oras ng mahihirap na sitwasyon ng buhay.

Sa bagong dating sa buhay ko na si A, sana kayanin nating pareho ang pinapasok nating ito.

Salamat, Nanay, Kuya Jojo, Kuya Ramon, Kuya Abet, Ate Airine, Rmon at sa aming bunsong si Bruce dahil anuman ang mangyari ay naniniwala akong isang matatag pa rin tayo na pamilya.

Salamat, Tatay, Bunny, Bruce at Bruce Liit na nasa piling na ng Maykapal dahil ramdam ko ang inyong gabay at proteksyon sa kahit ano mang gawin ko dito sa lupa.

Salamat, iniirog kong lungsod ng Maynila dahil kahit hindi natuloy ang plano nating paglingkuran ka sa pamamagitan ng pulitika ay ramdam kong ipinapakitang-gilas mo pa rin sa akin ang gandang gustong-gusto kong nasisilayan. Muli akong nangangako na itatanghal kita sa buong bansa at sa buong mundo sa paraang batid nating pareho na kayang-kaya ko.

Higit sa lahat, salamat sa ating Dakilang Lumikha, sa ating Panginoong Hesukristo, sa ating Inang Maria at sa aking mga patron na sina Sto. Niño de Tondo at San Lorenzo Ruiz de Manila dahil sa mga natanggap kong biyaya sa matatapos na taon. Lahat po ng aking natanggap ay buong puso kong ibinabalik sa pamamagitan ng pinakamataas na papuri na posible lamang dahil sa Inyong Karangalan at Kadakilaan. Amen.

Ang pagsulyap sa magwawakas na dekada

Ang pagtawid sa 2020 ay tila paghinga ng marami sa atin ng mas sariwang hangin sa ating buhay. Kung ako ang tatanungin, marami man ang naging pagsubok na dumaan sa akin, ang dekadang matatapos ay nagdulot sa akin ng maraming leksyon bilang Pilipino at bilang tao.

Nawalan ako ng ama, ng mababait na alagang hayop, ng maraming kaibigang naghubog sa aking kakayahan. Sa kabila nito, natamo ang mga tagumpay na sa tanang buhay ko ay hindi ko inakalang makukuha ko. Ang dekadang ito ang masasabi kong naging panahon para makilala ang kontribusyon ng tulad ko sa mga sektor kung saan ako naglingkod. Ang dekada ring ito ang nagpatunay na sa kabila ng lahat ng natatamasa natin, mahalaga pa rin na pahalagahan ang mga taong malapit sa puso natin at totoo sa atin, nasaan man sila naroon. Higit sa lahat, ang dekadang ito ay masasabi kong mas konkretong pundasyon sa pwede pang maiambag ng isang Lem Santiago sa bayan sa mga susunod pang dekada.

Sa pagsasara ng 2019 at ng 2010s ay pagsasakatuparan naman ng unang dekada ng Aurora Metropolis. Bagaman hindi ako naging sobrang active ay may dahilan naman ang pananahimik ko rito. Si Lem bilang si Aurora ay kailangang magkwento gamit ang ibang pamamaraan kaya hindi ko masasabing patay si Aurora Metropolis bilang isang story teller.

Sampung taon ng napakaraming kwento ng tagumpay, kabiguan, tamis, pait, kaligayahan at galit ang naipon na naging dahilan kaya patuloy na nabubuhay ang website na ito. Patuloy kong panalangin na bigyan pa ako ng mas maraming inspirasyon upang mabigyan ng mas magagandang lathala ang Aurora sa pagpasok ng panibagong dekada ni Lem bilang certified blogger.

 Tuloy ang buhay, tuloy ang paglalakbay.

 Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2020!

 

 

cropped-article-stoper.png

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s