Kabayaran ng Kalayaan

2015-category-title-tambuli copy2019-headline-feature-kalayaan

Naniniwala ba kayong may katumbas na halaga ang kalayaan ng ating bansa?

Hindi lingid sa ating kasaysayan na binenta tayo ng mga Kastila sa Amerika sa halagang 20 milyong dolyares sa pamamagitan ng Treaty of Paris noong December 10, 1898. Kahit pa idineklara ni Emilio Aguinaldo ang kalayaan sa Kawit anim na buwan bago ang Kasunduan, karamihan pa rin sa mga bahagi ng bansa ang nakapailalim sa Hari ng Espanya at nakompromiso ang Pilipinas pabor sa mga Amerikano para lang matigil ang Spanish-American War.

Ilang dekada ang lumipas, ipinaubaya ng pamahalaang sibil ng Estados Unidos ang kasarinlan sa Pilipinas pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong July 4, 1946. Maaaring nakalaya tayo sa mga dayuhang mananakop pagdating sa pagpapatakbo ng pamahalaan, pero malinaw na nagkaroon pa rin ng kompromiso pagdating sa komersyo, militarisasyon at relasyong diplomatiko.

Muntik nang maging kompromiso ang buhay ng milyon-milyong tao sa EDSA para maipagtanggol ang demokrasya mula sa militar na hawak pa rin noon ng diktador na si Ferdinand Marcos. Sa kabutihan ng tadhana, hindi na kailangang dumaan sa dahas ang rebolusyon at nagkusang umalis ang pamilyang Marcos. February 25, 1986 nang muling lumaya ang ating bansa mula sa diktadura.

Pera, impluwensya, buhay. Anuman ang naging kabayaran ng ating tinatamasang kalayaan ngayon, isipin natin na may responsibilidad tayo bilang mga malayang mamamayan na pahalagahan at pangalagaan ito. Maraming nakompromiso para lang malaya tayong gumalaw, makapagsalita at mamili para sa sarili natin, para sa pamilya natin at para sa bayan natin.

Ngayong ika-121 anibersaryo ng ating kalayaan, paalala sa atin na huwag sasayangin ang pribilehiyo ng kalayaan. Huwag nating hayaang pasindak sa takot, karahasan at panlilinlang para isuko ang ating kalayaan. Gamitin ang kalayaan sa makabayang paraan, pero huwag sosobra para lang masikil ang kalayaan ng iba.

Mabuhay ang kalayaan. Mabuhay ang Republika ng Pilipinas!

#Kalayaan2019

 

 

cropped-article-stoper.png

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s