Para sa isang manunulat, ang isang araw na hindi nakakapagsulat ng kahit ano ay isang mortal na kasalanan.
Pang-personal man o para sa trabaho, o kahit pa komentaryo sa mga isyu, ang tinta sa pluma ng manunulat ay dapat gamitin at abusuhin upang maubos at mapunan ng panibago. Kumbaga sa paghahalintulad, ang manunulat–tulad ng mga pusa–ay may siyam na buhay na kahit anong mangyari ay magbabalik sa paglalahad ng saloobin gamit ang mga letra.
Siyam na taong gulang na ang Aurora Metropolis ngayong buwan na ito. Nung una, hindi ko alam kung dapat pang ipagdiwang ng inyong lingkod ang sandaling ito dahil una, kahit pa may sarili nang domain name ay nanatili pa rin itong inactive. Para sa akin, malaking kasalanan ang mapabayaan ang Aurora na maaari sanang mag-ambag nang mas malaki pa hindi lang sa akin bilang manunulat kundi sa ating bansang nahihilig magbasa ng kung ano-ano. Lalo itong naging malaking kasalanan mula nang mapasok ako sa hanapbuhay na nalalapit sa pagsusulat pero mismong platform ko ay hindi ko masulatan para sana pwedeng pagkunan ng kabuhayan.
Ngunit sa kabila nito, naisip kong bigla na kahit pala maraming oras na natahimik ang Aurora ay napagtanto kong hindi pa siya patay, hindi rin naghihingalo. Hangga’t patuloy akong nagsusulat, para man sa aking social media accounts at para sa aking trabahong may kaakibat na mga adbokasiya, ang Aurora ay buhay at nakakapaghatid ng inspirasyon sa kahit sino nang walang humpay.
Ang mga katotohanang ito ang aking mga dahilan upang ipagdiwang ang ikasiyam na kaarawan ng aking pinakamamahal na tahanan bilang manunulat. Muli, hindi ko maipapangako na magiging aktibo muli ang Aurora, pero kukunin ko ang mga libreng pagkakataon para makapagsulat para dakilain ang Diyos, para magsilbing alternatibong tinig ng Inang Bayan at para bigyang-lakas ang damdamin ng mga Pilipino para sa kanilang kapakanan at para sa kanilang kinabukasan.
Maraming salamat sa mga kaibigan na patuloy na nagpapalakas ng loob sa akin na magsulat. Maraming salamat sa mga estrangherong nakaka-appreciate ng aking mga sulat at nanghihikayat na patuloy lang na magsulat. Higit sa lahat, maraming salamat sa Panginoon dahil pinapaalala Niya na ang talentong pahiram Niya ay mananatili kung gagamitin sa mga bagay para sa magagandang dahilan — lumagpas man ng siyam ang nagamit kong buhay bilang manunulat.