Walang dapat na asahan sa buhay na ito. May expectations tayo, pero hindi lahat ay nangyayari o dumarating. Pero kahit ganoon ay may mga biglaang pangyayari sa buhay natin ang hindi natin malilimutan. Hindi ko maitatangging nagbigay ng mga markadong biglaan ang 2018 sa akin.
Wala akong dahilan para hindi ipagpasalamat ang mga ito, maging ang mga biyayang patuloy na umaapaw sa isang buong taon ng saya, lungkot, kilig, nerbiyos at kung ano-ano pang emosyon.
Biglaang palit ng karera
Matapos ang ilang taon sa lokal na gobyerno ay pinili kong tahakin ang isang karerang gustong-gusto ko – ang larangan ng komunikasyon. Kumportable man sa pagtulong sa opisina ni Manila 1st district councilor Niño dela Cruz, dumating ang isang oportunidad na walang dahilan para hindian.
Ang bagong karera palang ito ang magbibigay ng mas marami pang biglaan sa inyong lingkod. Kumbaga, ito ang naging pinto sa mga sorpresang hindi ko inaakalang mararanasan ko agad-agad.
Biglaang “Makatizen”
May mga kaibigan ang nakakaalam na ayokong magtrabaho sa kahit anong lugar sa Makati. Elitistang siyudad para sa akin ang Makati at lagi kong nararamdaman na hindi ako para sa mga ganoong klaseng propesyon.
Pero dahil sa bagong trabaho ay, sa wakas, naging Makati boy na ako. Pero akala ko ay hanggang doon lang yun. Pahirap na nang pahirap para sa akin ang bumyahe mula Maynila, kahit pa ikompromiso ko ang mahal ng pamasahe sa Grab. Pagkalagpas ng ikaanim na buwan ko sa trabaho, nagdesisyon ako, kasama ang ilang mga kaopisina na mag-renta ng dorm na malapit doon.
Sa unang pagkakataon, naranasan kong intindihin ang lahat sa akin. Magdesisyon sa sarili kong pagkain, maglinis ng aking espasyo, magbayad ng renta at magpalaba sa hindi ko nanay.
Biglaang paglisan sa paglilingkod sa Panginoon
Lubos kong inihingi ng paumanhin sa Diyos ang pansamantala kong pagtigil bilang lector/commentator sa Basilika ni San Lorenzo Ruiz o kilala ng lahat bilang Binondo Church. Masakit para sa akin na iwan ang serbisyo pero dahil sa hirap ng biyahe at trabaho ay kinailangan kong isantabi ang sa palagay ko’y pinaka-dakilang kaya kong gawin para sa aking pananampalataya.
Biglaang pagbibitiw sa adbokasiya
Malaking bagay ang 2018 sa akin bilang youth leader dahil pinagkatiwalaan ako ng Millennials PH na maging national executive vice president ng organisasyon. Pagkakataon ito upang maging mas marami pang kabataan ang magabayan ko ng aking maraming taon na karanasan sa youth volunteerism.
Ngunit para sa larangang nag-aambag din nang sobrang laki sa isang dambuhalang misyon, masakit kong binitiwan ang posisyon at iwan ang MPH bilang isa sa mga aktibong miyembro nito. Maraming buwan din ang lumipas na ang tanging balita ko lang sa kanila ay sa social media at ang tangi ko lang magagawa ay mga kakapiranggot na payo sa ilan sa mga ginagawa nila.
Pero hindi rin ito nagtagal dahil ngayong kalkulado ko na ang responsibilidad ko ay nakabalik din ako bago matapos ang taon. Laging karangalan ang pangalagaan, paglingkuran at bigyang-karunungan ang ating mga kabataan.
Biglaang “all-access”
Nakakatuwa na mabigyan ng pagkakataon sa mga importanteng pangyayari sa ating bansa. Ngayong taon ay nakakilala ako ng maraming prominenteng tao, mga bagong kakilala mula sa iba’t ibang grupo at nakapunta sa iba’t ibang mahahalagang aktibidad.
Isa sa mga ito ang Cinemalaya. Sa tinagal-tagal kong tinatangkilik ang taunang indie film festival ay ngayong 2018 ko magagawang makapag-purchase ng all access pass. Kumpleto kong napanood ang halos lahat ng competing at exhibition films sa taong ito. Buti na lang at pinayagan akong mag-leave nang halos isang linggo sa trabaho para magawa ang napakasayang viewing experience na ito.
Biglaang Tingloy
Sa huling pagkakataon ay nakasama ako ng mga dating kaopisina sa Manila City Hall sa isang bakasyon sa Tingloy, Batangas. Bilang mahilig sa dagat ay tuwang-tuwa talaga ako sa malinaw na tubig doon at sa unang pagkakataon ay nagawa kong mag-snorkling kahit saglit. May konting takot dahil hindi ako makahakbang nang maayos sa lantsa galing sa dagat pero nagawan naman ng paraan.
Biglaang Baguio
Umpisa ng 2018 nang sumama ako sa mga kaibigan ko pa-Baguio. Isa rin ito sa mga biglaang bakasyon na hindi ko makakalimutan. Pero akala ko ay isang beses lang din ako makakapunta sa summer capital ngayong taon.
Pagkatapos ng 11 buwan ay nakabalik ako sa Baguio, kasama naman ang aking mga kaopisina. Kung limitado ang naging paglilibot noong unang punta ko doon ay halos nahilo naman ako sa sumunod. Pero kahit pagod at ubos ang pera, ang pangalawang biyahe sa Baguio ay nakakamangha.
Biglaang level up ni Aurora Metropolis
Para sa isang matagal nang blog site, mahirap para sa manunulat na ito ang gawing pormal na website ang Aurora Metropolis. At nang dumating ang pagkakataong makapundar ng pondo para maisakatuparan ito ay ginawa ko ang dapat gawin ng isang blogger: ang tuluyang gawing website ang Aurora – ang aurorametropolis.blog.
Gawa ng trabaho at maraming ganap sa buhay kung bakit sa kabila ng pagiging website ng Aurora ay hindi pa rin ako aktibo sa pagsusulat. Kung ako lang ang masusunod ay araw-araw ko siyang lalamanan ng mga bagay na natutunan ko. Pero walong taon na ang Aurora at nananatili siyang nasa paningin ng maraming tao, kilala ko man o hindi, na tumatangkilik sa kanya. Hangga’t nasa sistema ko ang pagsusulat, hindi mawawala ang Aurora Metropolis sa aking buhay.
Hindi biglaang pasasalamat
Kahit nakakabigla ang taong 2018 ay taos sa puso ang pasasalamat ko sa lahat:
Salamat kina Sir Boom Enriquez, Geil Hernandez-Lonsania, Biboy Davila at mga kasama ko sa trabaho. Masaya akong maging parte ng ating napakasayang opisina.
Salamat kina Konsehal Niño dela Cruz, Christine dela Cruz, Cheryl dela Cruz at Missy Villaruel sa inyong masusing pag-unawa at pagsuporta sa naging bagong kabanata ng aking karera.
Salamat kina Rizza Duro, David Renn Santos, Harvey John Padilla, Marjon Fenis, Jhayee Ilao at sa lahat ng namumuno at bumubuo ng Millennials PH sa patuloy na pagtanggap sa kabila ng abalang oras sa trabaho. Tuloy-tuloy pa rin tayong mag-aambag ng ating kaalaman at kakayahan para sa bayan.
Salamat sa mga kaibigang nariyan kapag kailangan ng inyong lingkod ng makikinig, makakasama at makakakwentuhan: Cherry Aggabao, Rio Iwasaki, Mikaela Burbano, Diego delos Reyes, Dale Albores, Melody Aroma-Escalada at marami pang iba. Hindi ko man kayo nabanggit ay buong puso ko kayong minamahal dahil sa pagmamahal nyo sa akin.
Salamat sa Direk Pepe Diokno at Abe Diokno sa paniniwala sa aking kakayahan para tumulong bilang isang “campaign volunteer” kay Atty. Chel Diokno.
Salamat sa mga idolong hinahangaan ko dahil sa kanilang tunay na paglilingkod sa ating bansa, lalong lalo na kay Vice President Leni Gerona Robredo.
Salamat sa aking pinakaiirog na siyudad. Dear Manila, alam kong may kaunti kang pagtatampo sa akin. Pero alam mo rin na hindi ka mawawala sa puso’t isip ko. Darating ang panahon ng aking laban para sa iyong karangalan. Kailangan ko lang mamuhunan ng lakas ng loob upang mapagtibayan ito. Walang bibitiw, irog ko.
Sa iyo – “G” – salamat sa patuloy na inspirasyon at mahaba-habang pasensya. You know what I mean. 😉
Salamat sa aking pamilya na walang sawang sumusuporta sa kahit anong gawin ko: kay Nanay, Kuya Jojo, Kuya Ramon, Kuya Abet, Ate Airine, Rmon, Bruce Liit (ang bunso naming aso) at kay Tatay, Baby Bunny at kay Bruce na nasa piling na ng ating Maykapal.
Higit sa lahat, lubos ang aking pasasalamat sa ating Panginoong Hesukristo, Inang Maria, Poong Santo Niño de Tondo at San Lorenzo Ruiz de Manila sa pagbibigay ng walang hanggang pagpapala. Biglaan man o hindi, ang inyong biyaya ay tunay na makahulugan sa paghubog ng aking buhay ngayon. Lahat po ng biyayang aming natanggap ay aming ibinabalik sa Inyo dahil ang lahat ng ito’y naging posible dahil sa Inyong Karangalan at Kadakilaan. Amen.
Alam kong marami pang parating para sa akin. Bagyo man ito ng blessings o unos ng mga pagsubok, sa aking kakayahan at paniniwala ay kakaharapin ko ang mga ito nang may positibong pananaw at kaisipan. Tuloy ang buhay, tuloy ang paglalakbay.
Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2019!