Si Kapamilya Regine sa Puso ng Isang Kapamilya

2015-category-title-tambuli copy2018-post-kapamilya-regine

Sabihin na nating “late” ang post na ito dahil mahigit dalawang buwan na ang nakalipas nang pormal na lumipat sa ABS-CBN ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez.

Hindi ninyo ako masisisi dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwalang katabi niya ang tatlong bilog sa ating mga telebisyon at kumakanta sa programang nakalaban niya ng halos isang dekada. Hindi pa rin ako maka-get over dahil ang hiling na akala ko ay wala nang katuparan ay pumitik sa panahong hindi inasahan. Sa isang iglap, ang bituing nagpatibok sa puso ng mga Kapuso ay isa nang certified, honest-to-goodness Kapamilya.

Lumaki ako sa mga kanta niya

Nasa henerasyon ako na sobrang patok ng casette. Sa bahay namin ay naitabi pa rin namin ang mga casette tapes na nagbigay-musika sa aming pamilya sa mga nagdaang taon. Ilan sa mga ito ay mga album ni Regine.

2018-post-kapamilya-regine-01

Mula Narito Ako at Kastilyong Buhangin patungo sa pinasikat niyang version ng I Don’t Wanna Miss A Thing at I’ll Never Love This Way Again, isa ang tinig ni Regine sa libo-libong musika ng ating pagkabata patungo sa “pagbibinata”. At pwede ko ring sabihin na isa siya sa maliit na rason ng pagbabagong-damdamin ng inyong lingkod pagdating sa pagmamahal.

Markado sa akin ang On The Wings of Love

Para sa isang teenager na nagbabago ang timbre ng boses ay naging pagsubok sa akin ang pagkanta. Noong high school ay naging paborito ko ang On The Wings of Love version ni Regine, ngunit sa kabila niyon ay naging mitsa ito ng panghahamak sa akin ng iilang kaklase. Alam kong kaya ko siyang kantahin ngunit pumipiyok na sa mataas na tono. Nasabihan akong nagpapanggap na magaling kumanta at tumagal iyon ng maraming taon, pero hindi dito tumigil ang pagmamahal ko sa musika ni Regine. Mahal na mahal ko pa rin ang kanyang On The Wings of Love at nakakanta ko siya sa tono niya (lalo na pag ganado ang lalamunan ko o kapag lasing)

Sa simula ng paghahari ng CD ay kasama ko pa rin si Regine

2018-post-kapamilya-regine-02

Tumalon ang teknolohiya ng musika patungo sa compact disc at nauso ang mga portable CD player. Sa pagbabago ng paraan ng paghahatid ng musika ay hindi nagbago ang pagtingin ko sa ginintuang musika ng Asia’s Songbird. Halos magasgas ang CD sa pagpaulit-ulit ng mga pagpapatugtog. Kasama ko si Regine sa aking tainga, lalo na kapag araw ng pahinga mula sa nakakapagod na pag-aaral.

Pero naapektuhan ang pagmamahal na iyon dahil sa network war.

Laking ABS-CBN ako at hindi nito matutumbasan ang kahit anong gawin ng ibang istasyon. Sa mga unang taon ng bagong milenyo, lumakas ang labanan ng dalawang magkaribal na media company at umabot ito sa lalong paghahati ng TV viewers. Ang mga loyalista ng ABS na tulad ko ay mga Kapamilya at ang mga loyalista ng GMA ay mga Kapuso.

Isa sa mga hindi ko makakalimutang hinanakit ay nang kantahin ni Regine ang corporate hymn ng Channel 7 nang i-relaunch nila ang istasyon bilang Kapuso station. “Ang idolo ay naging kalaban ko” – ganoon ko dinamdam ang maraming taong pagtatampo kay Regine at maging sa musika niya.

Bumalik ako sa piling ng kanyang musika noong 2012

Nang mabalitaan ko ang pagkawala ng kanyang boses sa kanyang 25th anniversary concert ay hindi ko maintindihan ang lungkot ko. Sa isip ko noon: ito na ba ang katapusan ng karera ng aking idolo? May pagkabagabag akong naramdaman, at bilang lumaki sa kanyang musika ay hindi ko matanggap ang pagkabagabag kong maagang iiwan ni Regine ang musikang minahal niya at minahal ko nang sobra-sobra. Muling tumunog sa mga tainga ko ang kanyang musika, ngayon, sa pamamagitan ng YouTube at MP3 sa aking cellphone.

Trivia: Natutunan kong tanggapin ang boses niya habang kinakanta ang kanta ng mga Kapuso, at paminsan-minsan ay kinakanta ko na rin ito. Katrayduran bilang Kapamilya pero masaya ako na patuloy na pinagkakatiwalaan ng GMA ang boses ng aking idolo para awitin ang hangarin ng kanilang kumpanya.

2018-post-kapamilya-regine-03.png

Mula MP3 ay tumalon ang hilig ko sa musika papuntang Spotify at isa sa mga unang kantang hinanap ko ay ilan sa mga paborito kong kanta ni Regine. Sa aking mga pinakatahimik na sandali o maging kasama ang mga kaibigan, kasama ko ang musika ng Songbird sa aking tainga.

Matagal na akong excited na makita siya sa ABS-CBN.

Dahil sa ilang mga kaibigan sa bakuran ng network ay nakakatunog akong may mga planong lilipat si Regine sa Kapamilya network. Noon pa lang ay hindi tumitigil ang pag-asa kong makita ang Songbird sa Channel 2 o sa kahit anong platform ng ABS. Pero sabi nga nila ay laging pumapalpak ang mga offer dahil umano ayaw iwanan ni Regine ang GMA at mga Kapuso niya doon.

Walang humpay ang pangarap sa aking puso at utak. Walang tigil ang pag-iisip kung ano ang itsura niya sa screen bilang Kapamilya. Pero tulad ng dati – nakakapagod maghintay.

October 16, 2018. Isang gabi ng sorpresa.

Mula sa nakakapagod ng trabaho ay nagbukas ako ng Facebook para magpaantok. Bumungad sa akin ng post ng isang kaibigan na nagsasabing “Welcome home, Kapamilya Regine!”. Hindi na bago ang mga ganitong parinig sa social media pero ito ay galing sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan na nagtatrabaho sa ABS-CBN. At bukas, October 17, ay pormal na siyang magiging Kapamilya.

Ang October 17, 2018 ay Araw ni Kapamilya Regine

Balisang-balisa ako sa kakahintay online sa pagdating ni Regine sa ABS-CBN. Kahit nagtatrabaho ay hindi mapakali ang mata ko sa smartphone ko para tingnan kung nag-start na ang live video ng kung sino-sino.

Bandang alas-2:00 ng hapon ay nagsimulang mag-LIVE ang Instagram account ni Regine. Mula sa loob ng kanyang van ay papunta nga siya sa ABS-CBN. Doon pa lang ay naramdaman ko ang excitement, at yung totoo, hindi ako makagalaw sa silya ko dahil naluluha ako! At sa natitirang mga oras ng araw na yun, mula sa pagpirma hanggang sa unang press conference niya bilang Kapamilya, siya at ang musika niya ang nasa tainga ko. Walang paglagyan ang kasiyahan ko na sa wakas, matatawag ko na si Regine na Kapamilya.

Dear Songbird, kung mababasa mo ito, maraming salamat dahil isang pangarap ang tinupad mo ito. Sa iyong pagiging Kapamilya, wala na akong hihilingin pa ngayong Pasko.

Welcome home, Kapamilya Regine!

 

 

cropped-article-stoper.png

 

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s