2018 YEARENDER: Mga Biglaang Hindi Malilimutan

2015-category-title-tambuli copy2018-YEARENDER

Walang dapat na asahan sa buhay na ito. May expectations tayo, pero hindi lahat ay nangyayari o dumarating. Pero kahit ganoon ay may mga biglaang pangyayari sa buhay natin ang hindi natin malilimutan. Hindi ko maitatangging nagbigay ng mga markadong biglaan ang 2018 sa akin.

Wala akong dahilan para hindi ipagpasalamat ang mga ito, maging ang mga biyayang patuloy na umaapaw sa isang buong taon ng saya, lungkot, kilig, nerbiyos at kung ano-ano pang emosyon.

Biglaang palit ng karera

Matapos ang ilang taon sa lokal na gobyerno ay pinili kong tahakin ang isang karerang gustong-gusto ko – ang larangan ng komunikasyon. Kumportable man sa pagtulong sa opisina ni Manila 1st district councilor Niño dela Cruz, dumating ang isang oportunidad na walang dahilan para hindian.

Ang bagong karera palang ito ang magbibigay ng mas marami pang biglaan sa inyong lingkod. Kumbaga, ito ang naging pinto sa mga sorpresang hindi ko inaakalang mararanasan ko agad-agad.

Biglaang “Makatizen”

May mga kaibigan ang nakakaalam na ayokong magtrabaho sa kahit anong lugar sa Makati. Elitistang siyudad para sa akin ang Makati at lagi kong nararamdaman na hindi ako para sa mga ganoong klaseng propesyon.

Pero dahil sa bagong trabaho ay, sa wakas, naging Makati boy na ako. Pero akala ko ay hanggang doon lang yun. Pahirap na nang pahirap para sa akin ang bumyahe mula Maynila, kahit pa ikompromiso ko ang mahal ng pamasahe sa Grab. Pagkalagpas ng ikaanim na buwan ko sa trabaho, nagdesisyon ako, kasama ang ilang mga kaopisina na mag-renta ng dorm na malapit doon.

Sa unang pagkakataon, naranasan kong intindihin ang lahat sa akin. Magdesisyon sa sarili kong pagkain, maglinis ng aking espasyo, magbayad ng renta at magpalaba sa hindi ko nanay.

Biglaang paglisan sa paglilingkod sa Panginoon

Lubos kong inihingi ng paumanhin sa Diyos ang pansamantala kong pagtigil bilang lector/commentator sa Basilika ni San Lorenzo Ruiz o kilala ng lahat bilang Binondo Church. Masakit para sa akin na iwan ang serbisyo pero dahil sa hirap ng biyahe at trabaho ay kinailangan kong isantabi ang sa palagay ko’y pinaka-dakilang kaya kong gawin para sa aking pananampalataya.

Biglaang pagbibitiw sa adbokasiya

Malaking bagay ang 2018 sa akin bilang youth leader dahil pinagkatiwalaan ako ng Millennials PH na maging national executive vice president ng organisasyon. Pagkakataon ito upang maging mas marami pang kabataan ang magabayan ko ng aking maraming taon na karanasan sa youth volunteerism.

Ngunit para sa larangang nag-aambag din nang sobrang laki sa isang dambuhalang misyon, masakit kong binitiwan ang posisyon at iwan ang MPH bilang isa sa mga aktibong miyembro nito. Maraming buwan din ang lumipas na ang tanging balita ko lang sa kanila ay sa social media at ang tangi ko lang magagawa ay mga kakapiranggot na payo sa ilan sa mga ginagawa nila.

Pero hindi rin ito nagtagal dahil ngayong kalkulado ko na ang responsibilidad ko ay nakabalik din ako bago matapos ang taon. Laging karangalan ang pangalagaan, paglingkuran at bigyang-karunungan ang ating mga kabataan.

Biglaang “all-access”

Nakakatuwa na mabigyan ng pagkakataon sa mga importanteng pangyayari sa ating bansa. Ngayong taon ay nakakilala ako ng maraming prominenteng tao, mga bagong kakilala mula sa iba’t ibang grupo at nakapunta sa iba’t ibang mahahalagang aktibidad.

Isa sa mga ito ang Cinemalaya. Sa tinagal-tagal kong tinatangkilik ang taunang indie film festival ay ngayong 2018 ko magagawang makapag-purchase ng all access pass. Kumpleto kong napanood ang halos lahat ng competing at exhibition films sa taong ito. Buti na lang at pinayagan akong mag-leave nang halos isang linggo sa trabaho para magawa ang napakasayang viewing experience na ito.

Biglaang Tingloy

Sa huling pagkakataon ay nakasama ako ng mga dating kaopisina sa Manila City Hall sa isang bakasyon sa Tingloy, Batangas. Bilang mahilig sa dagat ay tuwang-tuwa talaga ako sa malinaw na tubig doon at sa unang pagkakataon ay nagawa kong mag-snorkling kahit saglit. May konting takot dahil hindi ako makahakbang nang maayos sa lantsa galing sa dagat pero nagawan naman ng paraan.

Biglaang Baguio

Umpisa ng 2018 nang sumama ako sa mga kaibigan ko pa-Baguio. Isa rin ito sa mga biglaang bakasyon na hindi ko makakalimutan. Pero akala ko ay isang beses lang din ako makakapunta sa summer capital ngayong taon.

Pagkatapos ng 11 buwan ay nakabalik ako sa Baguio, kasama naman ang aking mga kaopisina. Kung limitado ang naging paglilibot noong unang punta ko doon ay halos nahilo naman ako sa sumunod. Pero kahit pagod at ubos ang pera, ang pangalawang biyahe sa Baguio ay nakakamangha.

Biglaang level up ni Aurora Metropolis

Para sa isang matagal nang blog site, mahirap para sa manunulat na ito ang gawing pormal na website ang Aurora Metropolis. At nang dumating ang pagkakataong makapundar ng pondo para maisakatuparan ito ay ginawa ko ang dapat gawin ng isang blogger: ang tuluyang gawing website ang Aurora – ang aurorametropolis.blog.

Gawa ng trabaho at maraming ganap sa buhay kung bakit sa kabila ng pagiging website ng Aurora ay hindi pa rin ako aktibo sa pagsusulat. Kung ako lang ang masusunod ay araw-araw ko siyang lalamanan ng mga bagay na natutunan ko. Pero walong taon na ang Aurora at nananatili siyang nasa paningin ng maraming tao, kilala ko man o hindi, na tumatangkilik sa kanya. Hangga’t nasa sistema ko ang pagsusulat, hindi mawawala ang Aurora Metropolis sa aking buhay.

Hindi biglaang pasasalamat

Kahit nakakabigla ang taong 2018 ay taos sa puso ang pasasalamat ko sa lahat:

Salamat kina Sir Boom Enriquez, Geil Hernandez-Lonsania, Biboy Davila at mga kasama ko sa trabaho. Masaya akong maging parte ng ating napakasayang opisina.

Salamat kina Konsehal Niño dela Cruz, Christine dela Cruz, Cheryl dela Cruz at Missy Villaruel sa inyong masusing pag-unawa at pagsuporta sa naging bagong kabanata ng aking karera.

Salamat kina Rizza Duro, David Renn Santos, Harvey John Padilla, Marjon Fenis, Jhayee Ilao at sa lahat ng namumuno at bumubuo ng Millennials PH sa patuloy na pagtanggap sa kabila ng abalang oras sa trabaho. Tuloy-tuloy pa rin tayong mag-aambag ng ating kaalaman at kakayahan para sa bayan.

Salamat sa mga kaibigang nariyan kapag kailangan ng inyong lingkod ng makikinig, makakasama at makakakwentuhan: Cherry Aggabao, Rio Iwasaki, Mikaela Burbano, Diego delos Reyes, Dale Albores, Melody Aroma-Escalada at marami pang iba. Hindi ko man kayo nabanggit ay buong puso ko kayong minamahal dahil sa pagmamahal nyo sa akin.

Salamat sa Direk Pepe Diokno at Abe Diokno sa paniniwala sa aking kakayahan para tumulong bilang isang “campaign volunteer” kay Atty. Chel Diokno.

Salamat sa mga idolong hinahangaan ko dahil sa kanilang tunay na paglilingkod sa ating bansa, lalong lalo na kay Vice President Leni Gerona Robredo.

Salamat sa aking pinakaiirog na siyudad. Dear Manila, alam kong may kaunti kang pagtatampo sa akin. Pero alam mo rin na hindi ka mawawala sa puso’t isip ko. Darating ang panahon ng aking laban para sa iyong karangalan. Kailangan ko lang mamuhunan ng lakas ng loob upang mapagtibayan ito. Walang bibitiw, irog ko.

Sa iyo – “G” – salamat sa patuloy na inspirasyon at mahaba-habang pasensya. You know what I mean. 😉

Salamat sa aking pamilya na walang sawang sumusuporta sa kahit anong gawin ko: kay Nanay, Kuya Jojo, Kuya Ramon, Kuya Abet, Ate Airine, Rmon, Bruce Liit (ang bunso naming aso) at kay Tatay, Baby Bunny at kay Bruce na nasa piling na ng ating Maykapal.

Higit sa lahat, lubos ang aking pasasalamat sa ating Panginoong Hesukristo, Inang Maria, Poong Santo Niño de Tondo at San Lorenzo Ruiz de Manila sa pagbibigay ng walang hanggang pagpapala. Biglaan man o hindi, ang inyong biyaya ay tunay na makahulugan sa paghubog ng aking buhay ngayon. Lahat po ng biyayang aming natanggap ay aming ibinabalik sa Inyo dahil ang lahat ng ito’y naging posible dahil sa Inyong Karangalan at Kadakilaan. Amen.

 

Alam kong marami pang parating para sa akin. Bagyo man ito ng blessings o unos ng mga pagsubok, sa aking kakayahan at paniniwala ay kakaharapin ko ang mga ito nang may positibong pananaw at kaisipan. Tuloy ang buhay, tuloy ang paglalakbay.

Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2019!

 

 

cropped-article-stoper.png

Si Kapamilya Regine sa Puso ng Isang Kapamilya

2015-category-title-tambuli copy2018-post-kapamilya-regine

Sabihin na nating “late” ang post na ito dahil mahigit dalawang buwan na ang nakalipas nang pormal na lumipat sa ABS-CBN ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez.

Hindi ninyo ako masisisi dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwalang katabi niya ang tatlong bilog sa ating mga telebisyon at kumakanta sa programang nakalaban niya ng halos isang dekada. Hindi pa rin ako maka-get over dahil ang hiling na akala ko ay wala nang katuparan ay pumitik sa panahong hindi inasahan. Sa isang iglap, ang bituing nagpatibok sa puso ng mga Kapuso ay isa nang certified, honest-to-goodness Kapamilya.

Lumaki ako sa mga kanta niya

Nasa henerasyon ako na sobrang patok ng casette. Sa bahay namin ay naitabi pa rin namin ang mga casette tapes na nagbigay-musika sa aming pamilya sa mga nagdaang taon. Ilan sa mga ito ay mga album ni Regine.

2018-post-kapamilya-regine-01

Mula Narito Ako at Kastilyong Buhangin patungo sa pinasikat niyang version ng I Don’t Wanna Miss A Thing at I’ll Never Love This Way Again, isa ang tinig ni Regine sa libo-libong musika ng ating pagkabata patungo sa “pagbibinata”. At pwede ko ring sabihin na isa siya sa maliit na rason ng pagbabagong-damdamin ng inyong lingkod pagdating sa pagmamahal.

Markado sa akin ang On The Wings of Love

Para sa isang teenager na nagbabago ang timbre ng boses ay naging pagsubok sa akin ang pagkanta. Noong high school ay naging paborito ko ang On The Wings of Love version ni Regine, ngunit sa kabila niyon ay naging mitsa ito ng panghahamak sa akin ng iilang kaklase. Alam kong kaya ko siyang kantahin ngunit pumipiyok na sa mataas na tono. Nasabihan akong nagpapanggap na magaling kumanta at tumagal iyon ng maraming taon, pero hindi dito tumigil ang pagmamahal ko sa musika ni Regine. Mahal na mahal ko pa rin ang kanyang On The Wings of Love at nakakanta ko siya sa tono niya (lalo na pag ganado ang lalamunan ko o kapag lasing)

Sa simula ng paghahari ng CD ay kasama ko pa rin si Regine

2018-post-kapamilya-regine-02

Tumalon ang teknolohiya ng musika patungo sa compact disc at nauso ang mga portable CD player. Sa pagbabago ng paraan ng paghahatid ng musika ay hindi nagbago ang pagtingin ko sa ginintuang musika ng Asia’s Songbird. Halos magasgas ang CD sa pagpaulit-ulit ng mga pagpapatugtog. Kasama ko si Regine sa aking tainga, lalo na kapag araw ng pahinga mula sa nakakapagod na pag-aaral.

Pero naapektuhan ang pagmamahal na iyon dahil sa network war.

Laking ABS-CBN ako at hindi nito matutumbasan ang kahit anong gawin ng ibang istasyon. Sa mga unang taon ng bagong milenyo, lumakas ang labanan ng dalawang magkaribal na media company at umabot ito sa lalong paghahati ng TV viewers. Ang mga loyalista ng ABS na tulad ko ay mga Kapamilya at ang mga loyalista ng GMA ay mga Kapuso.

Isa sa mga hindi ko makakalimutang hinanakit ay nang kantahin ni Regine ang corporate hymn ng Channel 7 nang i-relaunch nila ang istasyon bilang Kapuso station. “Ang idolo ay naging kalaban ko” – ganoon ko dinamdam ang maraming taong pagtatampo kay Regine at maging sa musika niya.

Bumalik ako sa piling ng kanyang musika noong 2012

Nang mabalitaan ko ang pagkawala ng kanyang boses sa kanyang 25th anniversary concert ay hindi ko maintindihan ang lungkot ko. Sa isip ko noon: ito na ba ang katapusan ng karera ng aking idolo? May pagkabagabag akong naramdaman, at bilang lumaki sa kanyang musika ay hindi ko matanggap ang pagkabagabag kong maagang iiwan ni Regine ang musikang minahal niya at minahal ko nang sobra-sobra. Muling tumunog sa mga tainga ko ang kanyang musika, ngayon, sa pamamagitan ng YouTube at MP3 sa aking cellphone.

Trivia: Natutunan kong tanggapin ang boses niya habang kinakanta ang kanta ng mga Kapuso, at paminsan-minsan ay kinakanta ko na rin ito. Katrayduran bilang Kapamilya pero masaya ako na patuloy na pinagkakatiwalaan ng GMA ang boses ng aking idolo para awitin ang hangarin ng kanilang kumpanya.

2018-post-kapamilya-regine-03.png

Mula MP3 ay tumalon ang hilig ko sa musika papuntang Spotify at isa sa mga unang kantang hinanap ko ay ilan sa mga paborito kong kanta ni Regine. Sa aking mga pinakatahimik na sandali o maging kasama ang mga kaibigan, kasama ko ang musika ng Songbird sa aking tainga.

Matagal na akong excited na makita siya sa ABS-CBN.

Dahil sa ilang mga kaibigan sa bakuran ng network ay nakakatunog akong may mga planong lilipat si Regine sa Kapamilya network. Noon pa lang ay hindi tumitigil ang pag-asa kong makita ang Songbird sa Channel 2 o sa kahit anong platform ng ABS. Pero sabi nga nila ay laging pumapalpak ang mga offer dahil umano ayaw iwanan ni Regine ang GMA at mga Kapuso niya doon.

Walang humpay ang pangarap sa aking puso at utak. Walang tigil ang pag-iisip kung ano ang itsura niya sa screen bilang Kapamilya. Pero tulad ng dati – nakakapagod maghintay.

October 16, 2018. Isang gabi ng sorpresa.

Mula sa nakakapagod ng trabaho ay nagbukas ako ng Facebook para magpaantok. Bumungad sa akin ng post ng isang kaibigan na nagsasabing “Welcome home, Kapamilya Regine!”. Hindi na bago ang mga ganitong parinig sa social media pero ito ay galing sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan na nagtatrabaho sa ABS-CBN. At bukas, October 17, ay pormal na siyang magiging Kapamilya.

Ang October 17, 2018 ay Araw ni Kapamilya Regine

Balisang-balisa ako sa kakahintay online sa pagdating ni Regine sa ABS-CBN. Kahit nagtatrabaho ay hindi mapakali ang mata ko sa smartphone ko para tingnan kung nag-start na ang live video ng kung sino-sino.

Bandang alas-2:00 ng hapon ay nagsimulang mag-LIVE ang Instagram account ni Regine. Mula sa loob ng kanyang van ay papunta nga siya sa ABS-CBN. Doon pa lang ay naramdaman ko ang excitement, at yung totoo, hindi ako makagalaw sa silya ko dahil naluluha ako! At sa natitirang mga oras ng araw na yun, mula sa pagpirma hanggang sa unang press conference niya bilang Kapamilya, siya at ang musika niya ang nasa tainga ko. Walang paglagyan ang kasiyahan ko na sa wakas, matatawag ko na si Regine na Kapamilya.

Dear Songbird, kung mababasa mo ito, maraming salamat dahil isang pangarap ang tinupad mo ito. Sa iyong pagiging Kapamilya, wala na akong hihilingin pa ngayong Pasko.

Welcome home, Kapamilya Regine!

 

 

cropped-article-stoper.png