Tatakbo dapat akong mayor ng Maynila. Pero…

2015-category-title-tambuli copy2018-post-tambuli-10-27

Hindi masamang mangarap, lalo na kung may oportunidad para gawin ito. Lahat ay posible. Lahat ay maaaring mangyari, lalo pa kung alam nating kaya natin itong gawin.

Hindi naging madali para sa inyong lingkod ang mga nakaraang buwan. Nasa punto ako ng pag-iwan sa mga pinuhunan kong pangarap para sa lungsod ng Maynila. Napagod na ako na hanggang imahinasyon na lamang ang mga gusto kong pagbabago sa kinalakihan kong siyudad. Ayoko nang iasa sa mga trapo ang kapakanan ng aking mga kapwa Manileño, lalo na’t sunog na sunog na ang mga pangakong bubuti ang buhay nila. Kahit unti-unti lang, kahit hindi biglaan o malakihan.

Ilang beses akong nag-post sa aking social media accounts na gusto kong tumakbong mayor ng Maynila. Matagal nang biruan ng mga kaibigan ko na ang pagpasok lang sa pamahalaan ang tanging paraan. Ibig sabihin, kailangan kong pumasok sa daigdig ng pulitika. Alam na alam ko kung gaano kadugyot ang larangang ito.

Pero ang biro ay may hating katotohanan. Bukas ang pintuan ng mga posibilidad at isang papel lang ang susi para rito: certificate of candidacy. Batid kong may mga pwedeng tumulong kung sakaling ituloy ko ito. Hindi man kasing-bigatin ng mga beteranong pulitiko sa Maynila pero sa kani-kanilang kakayahan, kampante akong itutulak nila ang kampanya ko sa mas moderno at mas malikhaing paraan.

Ngunit sa umaga ng huling araw ng filing ng CoC, dinatnan ako ng kakaibang panaginip. Pwedeng praning lang ako o gumana ang utak ko habang wala akong malay, pero sumulpot dito ang tatlong taong namayapa na – isang dating mayor, isang matalik na kaibigang lubos na naniwala sa akin, at ang tatay ko. Ang daming napag-usapan sa panaginip na iyon pero ang natandaan ko lang sa lahat ay ang sinabi ng tatay ko.

“Ituloy mo… pero hindi ngayon.”

Sumang-ayon ang dalawa sa aking panaginip. Nagising ako’ng magaan ang pakiramdam.

Hindi nangialam ang tatay ko sa buhay ko. Ni hindi siya nagkaroon ng opinyon sa mga panahong nasa gitna ako ng tagumpay o kahit ng kabiguan (maliban sa kaisa-isang beses na nagalit siya dahil nawalan ako ng pagkakakitaan dahil sa “pride” ko). Sa panaginip lang na iyon, nagsalita ang tatay ko sa gusto kong tahakin.

Maaaring mababaw itong dahilan. Maaaring sinampal lang ako ng katotohanang hindi para sa tulad ko ang pulitika. Maaaring napangunahan ako ng takot. Maaaring mahina kasi ang loob ko.

Matagal nang wala ang tatay ko, pero kailangan kong gawin ang obligasyon ng anak sa kanyang ama. Alam kong naniniwala siya sa kayang gawin ng kanyang bunso, pero isang kakaibang larangan ang pulitika at alam niyang hindi pa ito para sa akin ngayon.

Sa panahong burado na’ng tuluyan ang karangalan ng kasaysayan ng Maynila, kailangan ay may humakbang na sa henerasyong ito. Maaaring ako, maaaring ibang taong kaedad ko. Pero sa ngayon, gagawin ko ang nakasanayan kong gawin at mga bagay na alam kong kaya kong talunin ang mga tradisyunal na pulitiko. Mahal ko ang Maynila at kasama niya pa rin ako sa kanyang laban.

 

 

cropped-article-stoper.png

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s