Ang Marcha Filipina Magdalo o Himno Nacional na mas kilala bilang “Lupang Hinirang” (o “bayang magiliw” sa mga nagmamadaling sumagot) ay ipinanganak sa panahong unti-unti nang nagtatagumpay ang hukbo ni Heneral Emilio Aguinaldo laban sa mga pwersang Kastila.
Kung susuriin ang mga pangyayari tungo sa June 12, 1898, ang Pambansang Awit ay maituturing na suma-total ng libo-libong digmaan sa loob ng 333 taong pananakop ng Espanya sa ating arkipelago. Tagumpay man o hindi, taglay ng bawat titik ang talino, tatag at tapang ng milyon-milyong indio upang sa wakas ay makamit ng lahi ang kasarinlan. Sa lahat ng panahon at pagkakataon, ayon sa pananaw ng mga ninuno nating mandirigma, handa dapat tayong mag-alay ng buhay para sa kalayaan ng bayan at para sa kapakanan ng mga kababayan. Ika nga ng pinakahuling linya nito: “aming ligaya na ‘pag may mang-aapi, ang mamatay nang dahil sa’yo”.
Malaya na ang Pilipinas. Natapos na ang malalaking sigalot at ang kalakhan ng bansa ay lumalaban na lamang sa mga pagsubok upang sa araw-araw ay manatiling busog at buhay. Sa pagbabago ng ating lipunan, may saysay pa ba ang linyang “ang mamatay nang dahil sa’yo” ngayon? May dapat pa bang mamatay para sa ating bayan?
Ito ang argumento ng ilang kritiko ng Lupang Hinirang, partikular ng kontrobersyal na huling linya. “Defeatist” diumano ang pakahulugan nito sa puntong hindi akma ang kamatayan upang maging dulo ng bawat paghahangad sa tagumpay. Wala na raw rason para itulak ang pag-aalay ng buhay para sa bansa, bagkus, mas nararapat na lamang itong “mahalin”. Kung tutuusin, mas positibo ang “magmahal” kaysa “mamatay” nang dahil sa Pilipinas sa panahon ngayon.
Hanggang saan ang kaya nating gawin para sa pagmamahal? Kaiba ba ang konsepto ng pagmamahal sa pagitan ng bansa at sa isang tao, hayop o relihiyon? Isang halimbawa ang seremonyas ng kasal kung saan lutang lagi ang katagang “till death do us part”. Handa tayong mamatay para sa pustahan: “peksman, mamatay man” o “cross my heart: hope to die”. Sa paniniwalang Kristiyano, lalo na sa mga Katoliko, bakit natin hinihingi kay Inang Maria ang panalangin “ngayon at kung kami’y mamamatay” o “now and at the hour of our death”?
Ituring nyo na akong konserbatibo sa usapin ng pagka-makabayan ngunit para sa akin, alinmang pagbabago sa alinmang bahagi ng Pambansang Awit ay maituturing na pandaraya sa mga datos ng ating kasaysayan.
Ang planong pagpapalit ng titik ng Lupang Hinirang ay isang porma ng “historical revisionism”.
Nananatili ang Lupang Hinirang bilang pinakamataas na himno ng bayan upang ipagdiwang ang bawat dunong at dugong inalay ng ating mga ninuno para makamtan ang kasarinlan. Nananatiili ang Lupang Hinirang dahil salamin ito ng sakripisyo ng mga nasawi sa gitna ng giyera o sa pakikipaglaban ng prinspyo para sa causa ng demokrasya. Nananatili ang Lupang Hinirang sa ating pambansang kamalayan upang patuloy na ipaalala sa atin na pahalagahan ang bawat layang tinatamasa natin hanggang kasalukuyan.
Walang dahilan para pagdiskitahan ang huling linya ng Lupang Hinirang. Pagbabalik ng kabutihang-asal at hindi pagpapalit ng mga salitang hinabi ng kabayanihan sa Pambansang Awit ang solusyon sa bumababang moral ng ating bansa.