Bahagi na ng buhay ko ang Cinemalaya.
Ito ang nagsisilbing homecoming ko taon-taon sa tahanan ng ating napakatingkad ngunit mapanghamong sining ng pelikula. Pinaglalaanan ko ito ng pera at panahon dahil sa panahong ang ideya ng pinilakang-tabing ay nagkakaroon ng kalabuan, ang Cinemalaya ay tanglaw na marami pang magaganda’t may saysay na pelikula para sa kasalukuyang henerasyon. Mag-isa man o kasama ang mga kaibigan, ang Cinemalaya ay may ekstraordinaryong puwang sa aking kamalayan bilang Pilipino.
Dito sa Aurora Metropolis, nagkaroon din ng ispesyal na sandali ang Cinemalaya. Apat na pelikulang tampok sa ikapitong edisyon nito noong 2011 ang hinimay ko gamit ang aking sapat na kaalaman sa pelikula at binigyan ng sariling pananaw na may kaugnayan sa ating lipunan. Ang tinawag ko rito ay “Cinemalaya sa Aking Mata”.
Tatlong taon ang nagdaan, sa selebrasyon ng unang dekada ng Cinemalaya, napili ang inyong lingkod bilang isa sa mga kauna-unahang set ng peer reviewer sa Cinemalaya Campus, isang film education program na nagtuturo sa high school students at mga mag-aaral ng pelikula sa kolehiyo kung paano sumulat ng movie review. Ang pagkakataong ito ay tunay na karangalan dahil hindi lang nito nabigyang-kilala ang kakayahan kong mag-rebyu kundi ang kakayahan kong magbigay-inspirasyon gamit ang pagsusulat.
Dalawang taon din akong hindi nakapunta sa CCP para sa Cinemalaya dahil sa trabaho. Kaya ngayong 2018 ay nangako akong babawi sa naging tahanan ng pagmamahal ko sa pelikula. Muling papagaspas ang aking mga pakpak patungo sa pugad ng Cinemalaya sa CCP at tangkilikin ang mga magagandang obra ng ating panahon.
At pitong taon pagkatapos ng una nitong lathala, bubuhayin din ng inyong lingkod ang Cinemalaya sa Aking Mata at susulat muli ng maraming review para sa taong ito sa abot ng aking makakaya. Ito ay bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-14 na anibersaryo ng Cinemalaya at ng aking ika-13 anibersaryo bilang fanboy ng Cinemalaya.
Ang 14th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival, na may temang “Wings of Vision” ay magaganap mula August 3 hanggang August 12, 2018 sa Cultural Center of the Philippines at sa mga piling Ayala Cinemas sa buong bansa. Para sa schedule, i-click ito.