Tensyonado ang araw na ito para sa buong bansa. Tumambad ang mga tarpaulin na nakasukbit sa maraming overpass ng MMDA. Ang nakasulat:
Welcome to the Philippines, PROVINCE OF CHINA.
Mixed emotions — natawa, natakot, nagtaka, nainis, nagtanong.
Daan-daang taon nang kapiling natin ang mga Tsino. May bahid sila ng ating kultura at tayo mismo ay tinuring na natin itong bahagi ng ating buhay. Isa sila sa mga iilan na malayang nakakapasok sa atin na para bang bakasyunan lang nila ang Pilipinas. Kahit hindi kayo pumunta sa Binondo ay maraming patunay na marunong man silang mag-Tagalog o hindi, nakakagala sila sa kung saan-saan sa ating bansa.
Nakakatawang isipin na sa maraming siglo ng pinagsamahan ng dalawang bansa, pwede nang ituring na de facto province ng China ang Pilipinas. Magandang pakinggan sa aspeto ng turismo, pero hindi sa pulitikal na aspeto natin ngayon.
Ngayong araw ang ikalawang anibersaryo ng makasaysayang arbitral ruling pabor sa Pilipinas sa isyu ng mas karapat-dapat nating kilalanin ngayon na West Philippine Sea. Dalawang taon na sanang inaako ng ating pamahalaan ang dagat sa kaliwa natin pero parang nagpalutang-lutang na lang siya sa laot dahil hindi siya ipinapatupad.
May malalim na pag-ibig si Rodrigo Roa Duterte kay Xi Jinping at resulta ng “ispesyal na relasyon” nila ay ang pagiging panatiko ng Estado sa mga Tsino. Sa sobrang ispesyal, ang Palasyo na mismo ang nagsisilbing abugado ng China sa mga insidente ng pambu-bully ng Chinese Coast Guard sa ating mga mangingisda sa Panatag Shoal.
Hindi na marahil uso ang kolonyalismo sa ating panahon, ngunit malaki ang takot ng marami na sa mas kumplikadong paghanga ng pamahalaang Pilipinas sa China, soberenya, seguridad at ekonomiya natin ang lubos ding magdurusa. Pumasok sa malaking kasunduan ang Pilipinas kasama ang China na ang tawag ay Belt and Road Initiative na magtataguyod sa ambisyosong Build, Build, Build infrastructure program. Ang economic adventure na ito ay nagmitya ng pag-alala sa maraming ekonomista dahil may mga senaryo sa ibang parte ng daigdig na posibleng kahantangan ng bansa: bumuhos ang puhunan, hindi nabayaran, nabaon sa utang, nakompromiso ang kontrol ng pamahalaan sa sarili niyang bansa.
Sa agresibong pagpasok ng Beijing sa Maynila, nagtataka ang marami sa tagilid na trato ng gobyernong Duterte sa kanyang mga dayuhang “best friend”. Ito ba ay purong pagmamalasakit o paraan upang mabakuran ng China ang Asya sa impluwensya ng Kanluran at ng Estados Unidos?
Ang mga tarpaulin na kumalat sa Kamaynilaan ay may pulitikal na motibo — aminin man nila o hindi. Nagtuturuan ang mga Dilawan at mga DDS sa kung sino ang nagkabit ng mga iyon para takutin ang bayan sa hindi malayong posibilidad ng pagiging mas maimpluwensiya ng China sa Pilipinas.
Sa kabilang panig ng mga pangyayari ay may malilinaw na hinuha:
1. Nagsimulang lumutang ang pagiging “probinsya ng China” ang Pilipinas dahil sa biro ni Duterte kay Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua. Komedyante si Duterte, pero muli, sa klase ng kanyang pagmamahal sa China, hindi ba malabong mangyari iyon?
2. Matamlay si Duterte pagdating sa mga insidente ng pagtuntong ng Chinese Coard Guard sa ating teritoryo at militarisasyon ng mga maituturing nating sakop sa West PH Sea at mga inaangking isla sa Spratlys. Kaya ba ayaw niyang pumalag dahil ayaw niya ng gulo o talagang wala siyang pakialam kung angkinin ito ng China?
3. Maraming transaksyon ang mga Chinese corporation ngayon sa Pilipinas. Walang masama dito hanggang sa dumating ang isyu ng pagpayag nila sa construction firms na banned ng World Bank na sumali sa Marawi rehabilitation at ang kwestiyonableng pagpasok ng isang Chinese casino resort sa ngayo’y saradong Boracay. Marami pang bahagi ng Pilipinas ang may bago’t kaduda-dudang presensya ng Chinese firms at hindi rito nakikinabang ang ating mga kababayan. Ito ba ay lehitimong mga negosyo o mga transaksyong hinayaan lang dahil sa pabor ng gobyerno ng China?
Kumbaga sa tao, sumakit ang ulo ng Pilipinas sa pasabog ng mga tarpaulin sa buong araw. Parang migraine ko na nagpauwi sa akin nang maaga mula sa trabaho. Kahit namimintig ang ulo ko ay hindi mawala sa isip ko ang mga nangyari ngayon.
Umuwi akong ang ulam ay misua — isang pagkaing Tsino na inampon na ng ating panlasa. Napaisip ako at natawa: paano kaya kung ang bantang iyon ay totoo? Okay lang ba na pasakop ang Pilipinas dahil “best friend” naman tayo ng China, sabi ni Duterte? O kung hindi, kailan tayo magpapahayag ng pagtutol sa pambu-bully at pangunguha ng oportunidad ng China sa Pilipinas dahil masyadong nahuhumaling ang gobyerno natin sa kanila?