Paano ba masasabi kung tumatanda ang isang tao? Kapag madali nang antukin? Kapag mahina nang uminom ng beer? Kapag hindi na maka-relate sa gala ng mga mas bata sa kanya?
Kung ang pagbabasehan ay ang batas, ang edad na trenta ay preparasyon pa lang ng tunay na adult stage. 35 years old ang limitasyon ng kabataan. Sa kabilang banda, sa bilis ng mga pangyayari ay mas madaling maramdaman ang pagtanda at napupwersa ka nito na maging mature sa mga ginagawa mo sa buhay.
Marahil ay may iba’t ibang sintomas ng pagtanda ang mga tao. Pero isa lang ang sigurado ako: may mga dapat bitawan kapag tayo ay tumatanda na.
Isa rito ay ang pagiging bata. May points of argument sa sinabi ko pero aminin man natin o hindi, habang nadaragdagan ang edad natin, nababawasan ang kabataan natin. Maaaring alam natin ang trends ng bagong henerasyon pero may mga pagkakataon na hindi na natin siya masabayan. Pwedeng kaya pa nating suotin ang porma nila pero pwedeng hindi na natin kayang dalhin. Masyadong mabilis ang panahon ngayon na kahit tayo ay naiiwanan na nang hindi na natin namamalayan.
Pero talaga bang dapat na nating tuluyang bitawan ang pagkabata?
Naisip ko yan noong nakaraang linggo noong dumapo sa isip ko ang pagod. Trenta anyos na ako. Oo, bata pa rin kung tutuusin at marami pa akong nakakasalamuhang mas bata sa akin dahil sa klase na rin ng mga ginagawa ko sa buhay. Pero tinanong kong bigla ang sarili ko kung dapat pa ba akong umastang bata? Dapat ko pa ba silang samahan sa mga ginagawa nila? Dapat ko pa bang malaman ang mga alam nila na hindi ko na dapat inaalam?
25 pa lang ako, taong 2013, ay sinubukan ko nang mamaalam sa pagkabata ngunit hindi siya naging matagumpay dahil kinailangang kong magpakabata para sa mga ipinaglalaban ko. Ngunit sa pagtuntong ng 30th birthday ko nitong Marso, muling dumapo ang ideyang ito at alam kong hindi ko na siya dapat palampasin. Nagsimula na akong kumalas sa mga dati kong ginagawa, mas iniisip na ang mga bagay na nakalinya sa pagiging mas responsableng matanda at nakaibabaw sa pilosopiya para gumabay na lamang sa mga mas nakababata.
Hindi na ako bata. Tumatanda na ako. Iyan ang lagi ko nang bukambibig.
Pwedeng hindi kayo sang-ayon sa akin pero mas mabuti nang handa ako nang mas maaga kaysa magulat na lang ako na matanda na ako at nakahinto pa rin sa malaking kasinungalingan na hindi tumatanda ang tao.
Hindi na ako bata. Tumatanda na ako.