Friendly reminders for SK winners

2015-category-title-dear-manila2018-dearmanila-post-image-05-08-01

Nasa campaign period pa lang habang sinusulat ko ang post na ito. Alam kong maaga pa para ipagbunyi ang mga bagong Sangguniang Kabataan leaders ng ating mga barangay, pero mas magandang mas maaga kung masasabi ko na sa inyo ang mga ito.

Bago ko naisipang mag-share, tinanong ko muna ang sarili ko kung may karapatan ba akong magbigay ng paalala sa mga SK officials. Una, hindi ako naging SK chairman o kagawad, o kahit treasurer o secretary. Pangalawa, hindi pa ako bumuboto sa barangay o SK election kahit kailan. Pangatlo, wala talaga akong buong tiwala sa lahat ng barangay officials. Pero naisip ko rin na bilang youth leader at youth volunteer noon, na-realize ko na baka naman pwede akong mag-contribute kahit konti sa mga bagong kabataang community leaders. Baka ito na rin yung chance na magkaroon na ako ng katiting na pakialam sa mas maliit na gobyerno, bilang tapos na akong makigulo sa local at national politics.

Sa mga mananalo sa May 14, 2018, congratulations dahil kayo ang pinili bilang SK officials. Mas challenging ang SK ngayon dahil nga sa mga pagbabago sa sistema nito, gawa ng SK Reform Law. Inaasahan kong alam ninyo ang batas na iyon dahil ito ang batas na gagabay sa inyo sa buong terminong paglilingkuran ninyo ang mga kapwa kabataan.

Pero hindi tungkol sa SK Reform Law ang mga paalala ko. Ito ay mga paalala lang at hindi tips o advices. Maaaring alam nyo na ang mga ito at mapapasabi pa kayo ng “siyempre naman”, ngunit minsan, kung ano pa ang mga alam natin, yun pa ang nakakalimutan o kinakalimutan natin. Kaya hayaan ninyong ipaalala ko sa inyo ang ilan sa mga dinadasal kong maalala ninyo:

 

  1. Ang SK officials ay mas bata. Kung ano ang klase ng pamumulitika ng mga nakakatandang barangay officials, huwag nyo na silang gayahin. Ang SK ay barkadahan, katipunan ng mga kabataan, government community organization. Hindi ito partido o alyansang pulitikal.
  1. Ang obligasyon ng SK, pulitikal man, ay hindi nangangahulugang magiging pulitikal kayo. Hindi dapat nadungisan ang SK noon bilang “stepping stone” ng pagka-trapo kung aware ang lahat na ang SK ay isang unique brand ng paglilingkod sa komunidad.
  1. Gusto nyo pa ng pa-liga ng basketball o volleyball? Gusto nyo pa ng beauty contest? Gusto nyo pa ng feeding program? Sa totoo lang, walang masama sa mga ganitong proyekto. Pumapangit lang ang mga ito dahil hindi nito nahuhubog nang tuloy-tuloy ang mga kabataan. Gawing continuous ang mga programa kung ang target nito ay mas ma-engage ang mga bagets sa sports, sa personality development o sa socio-civic engagement.
  1. Hindi nyo na kailangang magpa-tarp ng mga mukha ninyo para masabing may proyekto kayo. Kung talagang may ginagawa kayo sa barangay, presensya nyo lang ay sapat na para mapatunayang ang SK team nyo ay may nagagawa.
  1. Use your budget responsibly, not wisely. Sa SK Reform Law, lahat ng gastusin ay recorded at dapat ninyong matutunan ang accountability sa lahat ng gagawin nyo. Kung galit kayo sa mga corrupt, huwag ninyo silang gayahin. Wala kayong karapatang mamuhi sa kanila kung ngayon pa lang, marunong na rin kayong mag-magic ng pera ng bayan.
  1. Ang SK ay para sa mga kabataan, obviously. Pero kung sa oras na kailangan ng barangay ang inyong lakas, tumulong tayo nang may pagkukusa. Ipakita natin na mahalaga ang volunteerism para maging maayos at maganda ang ating mga komunidad.
  1. Sabi nila na kapag SK ka raw ay bawal kang uminom. Kung ako ang tatanungin, hindi yan totoo. Ang pag-inom ng alak, tulad ng pag-aaral o pagtatrabaho, ay isang responsibilidad. Tulad ng laging sinasabi ng mga dalubhasang tomador at tanggero: ang alak ay diretso sa tiyan, hindi sa ulo.
  1. Maging modelo ka sa mga kabataan, pero huwag mong gawing peke ang lahat para magmukha kang huwaran. Ipakita mo ang totoong ikaw ngunit ipakita mo na ang pagiging modelong kabataan ay yung kabataang responsable, hindi huwad, hindi plastik.
  1. Ang SK ay dapat kasing-sipag ng mga tambay sa paglilibot, pangungumusta, pakikipagkaibigan at tamang pakikisama. Sa kabilang banda, ang SK ay dapat kasing-marangal ng mga boy scout o girl scout sa mga oras na ang batas ay dapat ipatupad nang patas, ang kaayusan at kalinisan ay kailangang panatilihin at ang kaligtasan ng mga kabataan ay laging isaisip.
  1. Huwag ipagdamot sa lahat ng kabataan ng barangay ang iyong talino at talento. Hindi nakukulong sa maliit na grupo ang paghubog ng mga susunod na leader. Hangga’t kayang ituro sa lahat ang mga bagay na alam mo, gawin mo, kung sa tingin mo ay makakatulong ito sa kanila bilang mga tao at bilang mga Pilipino.

 

Sa pagbabalik ng Sangguniang Kabataan, hangad ng marami ang mas maayos, mas masipag, mas maaasahan at mas huwarang SK officials. Kung hindi magbabago ang ihip ng hangin, iboboto ko sa kahuli-hulihang pagkakataon ang pipiliin kong SK chairman at mga kagawad sa aming barangay. Sana ay hindi nila biguin ang mga tulad kong mawawala na sa edad ng kabataan pero patuloy na lilingon sa mas masiglang kinabukasan para sa mga pag-asa ng ating bayan.

 

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s