Kaya ko na (siguro) magsulat ulit

2015-category-title-tambuli copy2018-tambuli-post-image-05-05-01

Nawalan ako ng lakas ng loob para magsulat para sa aking blog — ang Aurora Metropolis. Wala akong maibigay na rason kung bakit. Basta naramdaman ko lang. Marahil, sa mga pangyayari sa Pilipinas noong January 2017 kaya nawalan ako ng amor sa blogging. Sinisi ko ang mga pekeng blogger dahil sinira nila ang reputasyon ng pagba-blog mula sa pagiging free outlet ng mga gustong magsulat hanggang sa pagiging tagapagkalat ng fake news. Maingay ako sa mga social media account ko sa loob ng mga panahong iyon… pero tahimik si Aurora Metropolis sa mga panahong kailangan ng boses nya.

Sa loob ng isang taon at apat na buwang pananahimik, ang tanging laman lang nI Aurora ay ang yearender ko para sa 2017. Kahit blangko ang pagmamahal ko sa blog ay hindi ko ito pinalalagpas dahil tradisyunal na sa akin bilang manunulat ang yearender. Pero bukod doon, wala na. Kahit ako mismo ay naging bisita na lang ng sarili kong blog.

Pero dumating ang isang araw, Mayo a dos, sa karagatan ng Tingloy, Batangas, sa gitna ng aking bakasyon. Habang nakatingin sa isang isla sa malawak na dagat ay biglang pumasok sa isip ko na naghihintay lang si Aurora na magsilbing muli bilang tahanan ng aking boses at kanlungan ng aking mga tinatagong damdamin. Sa panahong ang lahat ay malayang nakakapagsalita, nariyan si Aurora na nauna pa sa ibang blog site na handa ulit na gawing inspirasyon ang lahat ng aking mga sinusulat tulad ng kanyang ginagawa sa loob ng pitong taon.

Kaya ko na bang magsulat ulit gamit si Aurora? Siguro. Pero kagabi, sa pagsulyap sa bawat sulok ng aking blog, alam kong naghihintay lang siya na muling mapunan ng napakaraming kuwento ng karanasan, kuwento ng pag-ibig at kwwento ng inspirasyon.

Marahil ay tapos na akong makibahagi sa kasaysayan ng iba kaya ngayon, sa aking pagbabalik kay Aurora, muli kong ihahabi ang kuwento ng aking sariling kasaysayan.

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s