Sa bawat taon na nabubuhay tayo sa mundong ito, binibigyan tayo ng tadhana ng mga tao, bagay, lugar at pangyayaring hindi natin makakalimutan. Bahagi ng ating pagiging tao ang mga alaalang binabalik-balikan natin kung tayo ay nakakaramdam ng lungkot, tuwa at kahit ng galit o pagkamangha. Bahagi man sila ng ating nakaraan, nakatanim lamang ito sa ating puso’t isipan para siguraduhing hindi natin sila makakaligtaan.
Sigurado akong walang tututol kapag sinabi kong walang sinuman ang hindi makakalimot sa taong 2016. Mapa-personal na karanasan man o mga balita sa lipunan, niyanig ng 2016 ang mga buhay natin na dumating pa sa puntong nagkagulo-gulo ang relasyon natin sa mga taong malalapit sa atin. Sa kaso ko, tila na-barbecue ng mga isyu sa pulitika, relihiyon at kung ano-ano pa ang paraan kung paano ako magsalita, kumilos at mag-isip sa pang-araw-araw na pamumuhay. May mga nakapalagayan ng loob at meron ding mga di-inaasahang makasamaan ng loob. Pero kahit ganoon, masaya pa rin ako dahil binuksan ng 2016 ang mga pinto para mas maipakita ko ang aking pagmamahal at pag-aaruga, hindi lang para sa minamahal kong Maynila kundi para sa ating bansa.
#LabanLeni, #EDSA30, #BBMTalo, #NeverAgain
Mula nang magsimula akong pumasok sa serbisyo publiko noong 2011 ay nagsimula na rin akong maging mulat sa pulitika. Nakakilala ako ng mga personalidad na nabubuhay at bumubuhay sa mundo ng pulitika, panlokal man o pambansa. Pero ngayong 2016 ay mas lumaki ang ikot ng buhay ko sa loob ng sistemang ito nang pasukin ang kumplikadong kampanya para maluklok ang susunod na bise presidente ng bansa.
Ngunit bago sumabak sa kampanya ay nagkaroon ako ng pagkakataong maging parte ng makasaysayang selebrasyon ng ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa mismong People Power Monument. Ngunit hindi pala ito ang pagkakataong makakapunta ako sa lugar na iyon dahil naging bahagi rin ako ng mga nag-welga laban sa historical revisionism noong November 30 na pinamagatang Siklab Bayan.
Balik tayo sa eleksyon. Masuwerte akong magkaroon ng tsansa na mapabilang sa Team Leni, ang grupong tumulong sa kandidatura ng noo’y Camarines Sur representative Leni Robredo. Nakapunta sa kung saan-saang sulok ng Metro Manila at nakaabot pa ng Baguio, Benguet at Pangasinan para tulungang ipakilala ang isang bagong pulitiko sa mga taong maituturing na kababayan ng kanyang katunggali na si dating Senador Bongbong Marcos. Nakita ko’t naramdaman ang init ng kampanya na nakaapekto sa pakikitungo sa iilang kaibigan at kahit sa mga kamag-anak. Galing ako sa lahi ng mga Ilokano kaya para sa iba, kumplikadong hakbang ang ginawa kong pagbubulgar ng suporta kay Leni laban kay Bongbong sa pagka-pangalawang pangulo. Hindi kaila sa akin ang posibleng kahinatnan ng kampanya pero ang naisip ko lang noon ay ibinibigay ko ang kakaunting kakayahan ko upang hindi na makabalik sa pwesto ang pamilyang sa palagay ko ay nagdala sa Pilipinas sa kawalan. Hindi ko naitatanong pero naniniwala akong naiintindihan ng nanay ko at, sana, ng tatay ko (pareho silang “loyalista”) ang paglaban ko sa mga Marcos. Naniniwala akong naiintindihan nila kung saang punto ako nanggagaling sa prinsipyo ko at masuwerte akong may mga magulang akong tulad nila.
Sa kalakaran ng kampanya ay nakilala ko nang lubos ang simpleng si Leni. Ang minsang minaliit ng mga tao ay mas nakilala dahil sa prinsipyong ibang-iba sa mga matagal nang nasa publiko at paglilingkod-bayan. Mapalad ang tulad kong nakausap, napakinggan at nakatawanan ng tulad niyang ang turing sa lahat ay hindi lang kababayan at tagasuporta kundi isang parte ng pamilya. Ang tulad niya ang pinaniniwalaan kong kailangan ng bayan para maging kahalili sa pag-unlad ng Pilipinas… at hindi naman ako binigo ng 14 na milyong bumoto sa kanya.
Naging ika-14 na bise presidente ng Republika si Leni, pero hindi dito natatapos ang presensya ng mga Marcos. Nagtuloy-tuloy ang ingay na kanilang ginawa hanggang makuha nila ang isa sa mga pinakamatagal na nilang hinangad – ang mailibing “nang may karangalan” ang dating pangulong Ferdinand Marcos. Hinati ng pangyayaring ito ang sambayanan na humantong sa konklusyong maaaring magtagumpay ang pamilya na muling makabalik sa pinakamataas na luklukan ng pulitika. Pero ako, bilang simpleng mamamayan ay hindi rin tumigil sa panawagang sinimulan ko noong sumama ako sa kampanya noon – HINDI DAPAT MAKALIMUTAN ANG GINAWA NG PAMILYA NIYA SA PILIPINAS AT HINDI NA SILA DAPAT MAKABALIK PA SA KAPANGYARIHAN. Mula social media hanggang sa kalsada, sumama ako sa libo-libong mga kababayan, karamihan ay mga kabataan, na tumututol sa paglilibing ng diktador sa tabi ng mga kinikilalang bayani. Para sa akin, isang malaking karangalang lumakad para tulungang mamulat ang mga nakakalimot kaysa isiping wala akong pakialam at maupo sa kasinungalingan. Ang 2016 ay umpisa pa lang at magtutuloy-tuloy ito hanggang manaig muli ang bayang kumikilala sa kasaysayan.
#RethinkChange
Matagal na akong nagsasalita sa harapan ng maraming tao. Marahil, eto na talaga ang isa sa mga nakatadhana kong gawin sa buhay. Hindi ako namili ng dami ng audience dahil ang importante sa akin ay maibahagi ko ang mga bagay na dapat malaman, lalo na ng mga kabataang tulad ko ay gustong makatulong sa bayani sa simpleng pamamaraan. Para sa akin, ang pagbibigay ng kaalaman at inspirasyon ay isang hakbang upang maging bahagi ng makabuluhang pagbabago.
Regalo ng Bagong Taon ang pagkakataong makapagsalita sa isa sa mga pinakakilalang speaking engagements, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Noong January 23, isa ako sa siyam na napiling magsalita sa ikalimang edisyon ng TEDxXavierSchool, ang kauna-unahang TEDx conference na inorganisa ng isang basic education institution sa Asya-Pasipiko. Ilan sa mga naging kilalang speakers ng mga nakalipas na TEDxXS ay sina Gary Valenciano, Karylle, Megan Young, Gloc 9 at Tony Meloto.
Isa itong mahalagang oportunidad upang maibahagi ang ganda ng Maynila at ng minamahal kong Calle Escolta sa mga kabataang ang hilig na puntahan ay mga lugar na halos walang bakas ng marangyang kultura at kasaysayan ng punong kabisera ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng mga kwentong nakalap ko sa maraming taon ng pagbo-volunteer at pagkuha ng mga litrato, ipinakita ko sa kanila ang ganda, mysteryo at maging pangit na aspeto ng lungsod na nagbigay sa akin ng lakas ng loob upang mas mahalin pa ang siyudad na sinusuka ng iba. Dahil sa TEDxXS, naiparamdam ko sa parte ng henerasyon ngayon na ang Maynila ay karapat-dapat pa ring mahalin at dakilain.
#HogarShortFilm
Bago ako umalis sa aking tungkulin sa Escolta noong 2015 ay nag-iwan ako ng isang proyektong pakiramdam ko’y makakatulong sa aming adbokasiya para mas makilala pa ng mga tao ang kasaysayan at halaga ng dating central business district ng Pilipinas. Isa itong short film na nabuo sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga volunteers at ilang personalidad na nagmamahal sa Escolta. Noong una ay inakala kong hindi siya mailalabas dahil sa aberya sa oras at pagkakataon pero alam ko rin namang magkakamali ako ng akala. Matapos ang halos isang taon pagkatapos naming magawa ang pelikula, noong August 27 ay ipinakita namin sa publiko sa kauna-unahang pagkakataon ang “Hogar”.
Pinili naming ilunsad ang Hogar sa isang art studio sa First United Building bilang pagpupugay sa unang pagpapalabas ng pelikula sa Pilipinas sa Escolta noong 1897. May pagkakataong maipalabas siya sa medyo malaking lugar ngunit ninais kong ialay muna sa Escolta ang ginawa naming pelikula. Para sa Escolta at sa mga taong naniniwala sa kanyang muling pagkabuhay ang Hogar at nararapat lang na sila ang unang makapanood nito.
Nasundan pa ang screening na ito nang isang mas malaki pa nang iorganisa ng Heritage Conservation Society-UST Chapter ang kauna-unahang Lost In Translation: Architectural Film Festival ng University of Santo Tomas. Hogar ang nagsilbing opening film ng aktibidad na ito at halos pinuno ng mga Tomasinong nagmamahal sa kultura, sining, kasaysayan at arkitektura ang Beato Angelico AVR upang mapanood lamang ito. Muli, isang karangalan na sa pamamagitan ng Hogar ay nadala namin ang Escolta papalapit sa España.
#APBig5
Isa sa pinakamahalagang parte ng aking buhay ay ang college life. Bagaman hindi naging perpekto ang lahat noon, masaya ako na magkaroon ng mga kaibigang hindi nakakalimot sa lungkot man o saya.
Walang perpektong barkadahan. Minsan ay may mga nawawala, bumabalik at nawawala na naman. Ganito kami sa Big 5, ang tinawag namin sa grupo naming mga naging editor ng Ang Pamantasan, ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Hindi lang kami lima pero dahil noon ay sikat ang Big 4 ng Pinoy Big Brother ay naging ganoon ang pangalan ng aming samahan. May mga iilang taon ang nagdaan nang makumpleto kami ng maligaya, makulit at may pagkamaldito. (Haha!) Pero nitong taon ang masasabi kong pinakamagandang taon sa amin dahil muli kaming nakumpleto at nangyari ito sa unang screening ng aking Hogar.
Alam nila kung gaano ako kasaya sa muling pagbubuklod ng Big 5. Sana ay tuloy-tuloy na.
#TeamNDC
Inakala ko na pagkatapos ng Halalan 2016 ay matatapos na rin ang direktang koneksyon ko sa kahit anong sangay ng gobyerno. Bagaman nasa Escolta ang trabaho ko sa nakalipas na dalawang taon, isa sa mga tungkulin ko noon ay makipag-ugnayan sa pamahalaan para sa mga adbokasiya namin sa muling pagpapaganda nito. Pero mukhang ayaw ng tadhana na ilayo ako sa mundo ng pulitika, at dahil doon, taos puso ko siyang tinatangggap at gagawin.
Kasalukuyan akong nagtatrabaho ako bilang legislative staff officer ni Konsehal Niño dela Cruz ng Unang Distrito ng Maynila. Sa tingin man ng iba ay maliit ang responsibilidad na ito, ang mahalaga sa akin ay nakakapaglingkod ako sa mga kapwa ko Manileño sa pamamagitan ng pagtulong kay Konsehal Niño sa kanyang mga gustong isakatuparan bilang lokal na mambabatas ng lungsod.
Sa aking pagbabalik sa loob ng Manila City Hall ay muli kong nakasama ang mga dating kaibigang nawalay sa akin noong 2013. Masarap din sa pakiramdam na makasama sa iisang barko ang mga bagong katrabahong nagbibigay ng bagong kulay sa inyong lingkod bilang taong gobyerno. Tinatawag namin ang aming grupo na Team NDC at ang taong ito ang nagsilbing pundasyon ng mga mas makabuluhang pagtatrabaho sa mga susunod pang taon.
#BondingMoments
Tuloy-tuloy ang paggala ko sa kung saan-saan kasama ng mga luma’t bagong mga kaibigan. Kung may masasabi akong humulma sa aking sarili ngayong 2016, ito ay mga lugar at mga aktibidad na dinaluhan ko.
Nariyan ang pagkakape sa kung saan-saang coffee shop, malasing sa iba’t ibang klase ng inuman, mag-videoke sa kung saan-saan, first time na mag-videoke sa loob ng umaandar na bus, maging panelista sa mga thesis defense, mag-tour sa Intramuros at Luneta kasama ng mga estudyanteng Hapon, maging Escolta tour guide ulit para sa mga high school student, matulog sa bangketa, sumakay nang regular sa PNR tuwing rush hour, manood ng mga magagandang theater plays at indie films, gumawa at magdisenyo ng election paraphernalia, makapagsulat ulit ng press release na na-publish sa isang dyaryo, makapunta sa Baguio ng dalawang beses, makita sa Bandila sa gitna ng pagche-check ng Twitter sa phone, at higit sa lahat, ang magkaroon ng mga selfie sa isang vice president-elect at maka-attend sa kanyang inagurasyon na itinuturing na kauna-unahang solong inagurasyon ng bise presidente sa kasaysayan noong Hunyo 30.
May iba pang mga “ganap” ang hindi ko na masabi dahil sa “privacy” nito. (Paki-intindi po. Haha!) Pero lahat ng iyon, kasama ng mga nabanggit ay paniguradong masaya at nag-iwan ng guhit sa puso at isipan na lagi kong mababalikan sa hinaharap.
#ThankYouForTheLove
Tulad ng dati ay hindi ko papalampasin ang espasyong ito para magpasalamat sa mga taong nagbigay ng kahulugan ng aking 2016. Ang ilan sa kanila’y humubog sa aking kamalayan sa mga susunod pang panahon.
Salamat kina Ms. Erica Borja, Ms. Mardi Suplido, Ria Mendoza, Ced Rodriguez at lahat ng mga nakasama ko sa ilang araw ng Philippine Alternative Tours ng International Students Association-Japan (ISA-J) at nagbigay ng masasayang alaala kasama ang mga kaibigang Hapones.
Salamat sa mga kapatid ko sa Escolta Volunteer Arm na sina Mikaela Burbano, Hans Madula, Ivana Biong, Miguel Bacaoco, Yves Briones at sa iba pa na patuloy na kumayod para matuloy ang pagpapalabas ng pinakamagandang produkto ng EVA na Hogar.
Salamat kina Juan Marcus Luna at Mona Sheilette Martinez sa pagiging parte ng kasaysayan ng Hogar. Salamat sa pagbibigay-buhay sa mga bayani ng Escolta sa larangan ng pelikula.
Salamat kina Vince Africa at Reymart Cerin ng The Public School Manila at Tin Manzano ng Heritage Conservation Society-UST Chapter sa pagbibigay ng tahanan sa Hogar.
Salamat sa mga kaibigan natin sa Heritage Conservation Society-Youth, lalo na sina Stephen John Pamorada, Clara Buenconsejo, Johhan Joseph Ararao at Kat Candelaria sa patuloy na pagyakap sa akin sa tuwing bibisita ako sa Escolta.
Salamat sa magkapatid na Nini at Geil Hernandez na naging susi kung bakit ako napasok sa magulo ngunit walang kasing-sayang bonding sa Manila Ops at Pipol’s Campaign.
Salamat kina Ms. Marian Pastor Roces, Sir Jess Lorenzo, Sir Boom Enriquez, Ms. Vina Vargas-Enriquez, Ms. Tina Maramba, Sir Boyet Dy, Biboy Davila, Joie Ortega, Von Yacob, Darren Cheng, Marvin Bautista, Pen Prestado, Jayson Maulit, Jaycel Moreno at buong Team Leni sa ilang buwan ng makabuluhan at makatotohanang kampanya.
Salamat kina Vberni Regalado, Jessica Pag-iwayan, Justin Bandong, Arch. Joel Rico, Ms. Elsa Magdaleno, Atty. Kay Isberto, Kagawad Ariel Sierda, Prof. Ludz Labagnoy at Arch. Dunhill Villaruel sa patuloy na pagtitiwala sa aking kakayahan.
Salamat sa buong TEDxXavierSchool team, lalong lalo na kina Joddi Edwards Chua, Christian Robert Cheng, William Alonzo, Kester Wee at Leonard Lim sa pagkakataong mapasama sa hanay ng kasaysayan ng TEDx sa Pilipinas.
Salamat sa aking mga bagong kapamilya sa bago kong kwarto sa Manila City Hall na sina Ma’am Beck dela Cruz, Ma’am Tin Villaruel-dela Cruz, Sir Paul dela Cruz-Almario, Tita Zen Cruz, Ate Missy Villaruel, Jeorna Cantilado, Kiko Go, Mimi Silva, Aeros Laderas at sa iba pang bumubuo ng Team NDC.
Salamat sa mga kaibigang noon pa lang ay sumusuporta na sa kagalingan at kalokohan. Wala si Lem na baliw kung wala kayo: Ma’am Cely Sibbaluca, Ma’am Tess Manapat at Sir Benny Manzano ng First United Building Corporation; ang AP Big 5 and friends na sina Diane Daseco, Rommel Lontayao, Randolph Perez, Kevin Milner de Vera, Katrina Paula Catugas, Risa Gale Guillermo, Atty. Eileen Cabrera at Raena Mae Jauco (plus beshies Clark and Jacques haha); ang mga ka-Ang Party na sina Cherry Aggabao, Florence Rosini, Macky Macarayan at Nona Bracia; at siyempre, ang Kabalun-balunan na sina Marian Galera, Jocyn Gaño, Susan Milan at Miguel Hernandez. Sa mga hindi nabanggit, please, huwag pong magtampo. I love you all!
Salamat sa dalawang kampiyon ko ngayong taon na tunay namang tinitingala ko bilang mga huwarang lingkod bayan: sina Konsehal Niño dela Cruz at Vice President Leni Gerona Robredo.
Salamat sa lubos kong minamahal, ang siyudad ng aking pag-ibig, ang nag-iisang Reynang Lungsod ng aking buhay. Dear Manila, bigyan mo ako ng mas marami pang inspirasyon. Bawal sumuko dahil tulad ng ipinangako ko sa’yo noon pa, hinding-hindi kita susukuan.
Salamat sa aking pamilya na nananatili ang paniniwala sa akin kahit ano pa ang mangyari: kay Nanay Belen, sa aking Kuya Abet, Kuya Ramon at Kuya Jojo, sa aking sister-in-law na si Ate Airine, sa aking pamangkin na si Rmon at sa aking Tatay Rico, Bruce at Baby Bunny na masaya na sa piling ng Maykapal.
At ang pinakahuli’t pinakamahalaga: ang ating Panginoong Hesukristo, ang ating Inang Maria at Mahal na Sto. Niño de Tondo na walang sawang nagbibigay ng sorpresa sa buhay na Kanyang ipinahiram. Bukod sa aking pamilya, patuloy po Ninyong biyayaan ang mga mas nangangailangan at ang bansa naming dumadaan sa pagsubok ngayon. Lahat po ng biyayang aming natanggap ay aming ibinabalik sa Inyo dahil ang lahat ng ito’y naging posible dahil sa Inyong Karangalan at Kadakilaan. Amen.
#NeverGiveUp
Nasa isip ko ngayon na mas marami pa ang mangyayari sa susunod na taon. May pananabik, may kaba, may takot at may pag-asa ang laman ng aking utak at pintig ng aking puso sa maaaring kahinatnan ng 2017. Ngunit tinuruan tayo ng 2016 na huwag makalimot sa Kanya at sa mga bagay na natutunan sa lahat ng ating dinanas. Tuloy lang ang buhay at muli, hindi nawa natin makalimutan ang mga pagsubok na nagpapatatag natin sa susunod na taon at sa mas marami pang panahon at pagkakataon.
Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2017!