“Ang boring talaga ng buhay kung wala si Miriam Defensor-Santiago.”

2015-category-title-tambuli copy2016-post-featured-image-senator-miriam-santiago.jpg

“Ang boring talaga ng buhay kung wala si Miriam Defensor-Santiago.”

September 29, 2016, Huwebes ng umaga. Kakasimula pa lang ng isang panibagong araw nang gulatin ang sambayanan ng isang malungkot na balita. Pumanaw na si Miriam Defensor-Santiago matapos ang matagal niyang pakikipaglaban sa sakit na lung cancer. Sa edad na 71, isa siya sa maituturing na pinakamakulay na personalidad sa mundo ng pulitika ng ating kasaysayan.

Marami man ang pumupuna sa kanyang mga “kabaliwan”, hindi maikakailang nasa likod ni Miriam ang napakaraming Pilipinong nagmamahal sa kanya. Para sa karamihan, isa siyang ina na kahit nagbubunganga ay may nadudulot na tama sa mga anak ng bayan. Isa siya sa mga pinagmumulan ng kaalaman at inspirasyon ng marami sa larangan ng pulitika, serbisyo publiko at paggawa ng mga polisiyang gagabay sa lahat sa loob man o labas ng bansa. Higit sa lahat, isa siya sa mga masasabing natitira sa hanay ng mga tunay na halal na bayan na matapang sa paninindigan, popular man ito o hindi sa mata ng kanyang mga pinaglilingkuran.

Laman si Miriam ng mga balita, seryoso man ito o may halong katatawanan. Isa sa mga ito ang show ni Lourd de Veyra na “Word of the Lourd (WOTL)”sa TV5 na inere noong Pebrero 2012. Pinamagatang “Miriam’s Greatest Hits”, isa itong compilation ng mga nakakaaliw na pahayag at patutsada ng senadora mula sa impeachment trial hanggang sa iba’t ibang Senate hearings. Sa huli, sinabi ni Lourd ang mga salitang para sa akin marahil ay isang katotohanan:

“Ang boring talaga ng buhay kung wala si Miriam Defensor-Santiago.”

Maaaring sa perspektibo ng marami ay isang “komedyante” si Miriam pero kung susuriing mabuti, ang talino niyang higit sa ating inaakala ang siyang nagpapanatili ng pagiging matino ng kinakain nang sistema ng bureaukrasya. Sa mga reklamo man niya’y matatawa ka, tangan nito ang matalinong sarkasmo kung saan ang malulupit na patama ay nasa likod ng mga nakakaaliw na mga salita. Iilan lang siya sa mga taong kakainisan mo pero patuloy mong susundan dahil alam mong marami siyang sinasabing may saysay kaysa ibang pulitikong kunwari’y matalino pero ipokrito.

Bukod pa rito, si Miriam ay kasama sa mga mabibilang lang natin sa kamay na beteranong personalidad na kayang makihalubilo sa bagong henerasyon ng mga Pilipino. Patunay nito ang mga survey na ginawa sa iba’t ibang unibersidad kung saan siya ang nanguna sa mga presidentiables noong nakaraang eleksyon. Dulot ito ng kanyang mga pick-up line na nagagawa niyang may sense para ipakita sa lahat na kahit ang humor ay dapat na matalino rin at hindi lang puro paninira. Sa mga ganitong bagay ay napapalapit sa mga kinabukasan ng bansa sa isang lingkod bayang dapat na pamarisan sa mga panahong nauubusan na ng mga pulitikong maikokonsidera nating ama o inang gabay sa tunay na pamahalaan.

Tunay ngang boring kung wala si Miriam sa ating kinalakhang buhay, at ngayong talagang wala na siya, hindi natin matitiyak kung magkakaroon pa sa salinlahing ito ng isa pang Miriam na seryoso sa pagsasaad ng paninindigan ngunit nakakapagbigay pa rin ng tuwa sa akmang pagkakataon. Nakakalungkot ang kanyang pagkamatay pero mas malungkot na pumanaw siya habang ang ating bansa ay hinahanap ang mga taong maaaring magpatuloy ng kanyang iniwanang karakter sa pulitika. Magkagayunman, nawa’y manatili ang kanyang presensya, dunong at legasiya, lalong lalo na sa mga kabataang namumuno at hinahandang mamuno sa ating lipunan.

“Ang boring talaga ng buhay kung wala si Miriam Defensor-Santiago.”

#SalamatMiriam #RIPMiriam

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s