Nagsimula ang hilig ko sa kape noong sinimulan kong mag-quit sa paninigarilyo. College pa lang ako ay coffee person na talaga ako pero humigit ang pagmamahal ko dito noong napadalas ang pagpupuyat ko sa first job ko. Araw-araw ay may nakalaan akong budget para sa kape na parang tulad ng ibang taong may allotment sa isang pakete ng yosi o sa paborito nilang burger. Iba talaga kasi ang sensasyong nadadala nito sa aking isipan. Mainit man o malamig, para bang laging presko sa pakiramdam ang pagdaan ng kape sa aking lalamunan at kalamnan. Alam kong mali ang halos araw-araw na sleepless nights nang dahil sa kape ngunit hindi ko naman ito pinagsisisihan dahil nagiging produktibo talaga ako.
Masasabi kong ang pag-inom nito ay regular nang parte ng araw-araw kong aktibidad. Hindi ito nawawalan ng espasyo sa buhay ko: tuwing may bagong coffee shop, tuwing may bagong variety ng coffee drink, tuwing pupunta sa iba’t ibang lugar, tuwing walang magawa, tuwing maraming ginagawa, tuwing mag-isa o kahit kasama ang aking mga kabarkada. Pero ang hindi ko makakalimutan ay noong naging instrumento ang kape sa isang taong naging “importante” sa akin – si Kira.
Bagong barista si Kira sa pinakamalapit na paborito kong coffee shop na nasa loob ng mall na pinakaaayawan ko. Yun lang ang alam ko sa kanya. Tulad ng ibang barista ay wala namang kakaiba kay Kira. Matangkad, maamo ang mga mata at gwapo kung ikokonsidera nyo ang aking standard. Nag-iba lang ang lahat nang mapansin kong nahuhuli ko siyang nakatingin sa akin kapag kailangang dumapo ng aking mga mata sa paligid. Malakas ang pakiramdam ko lalo na kapag nasa gitna ako ng pagsusulat. Ilang beses ko siyang natitiyempuhang nakatitig dahil nakaupo ako sa sofa na ang katapat ay ang coffee machine kung saan siya nakatoka. Madali akong sumimangot o mabilis tumaas ang kilay kapag may nakatitig sa akin. Ang wirdo lang dahil naaaninagan ko siyang napapangiti kapag nagsusuplado ako. May ilang beses pang siya ang gumagawa ng kape ko dahil siya nga ang nandoon sa coffee machine at napapansin kong may maliit na heart shape sa tabi ng pangalan ko. Ayaw ko sanang bigyan ito ng kahulugan pero nagkakaroon lang ng heart ang coffee cup ko kapag siya ang nag-aabot.
Hindi ko na maipaliwanag ang pakiramdam ko lalo na noong tumagal ng halos dalawang buwan na ganoon ang mga senaryo. Hindi ko na alam ang magiging reaksyon ko at hindi ito dahil sa hindi ko ito nagugustuhan.
Dumaan pa ang isang buwan. Inabot ako ng hatinggabi sa isa pang coffee shop sa mall na iyon dahil doon ko kailangang i-meet ang mga kabarkada ko. Pinauna ko silang pasakayin dahil malapit lang naman ang terminal kung saan ako sasakay. Noong ako na ang sasakay ay biglang nawalan ng jeep at biglang umulan nang malakas. Kakaiba itong malas para sa sunod-sunod kong araw na sinuswerte ako, at siyempre, sa magkahalong inis at antok ko ay dinapuan na naman ako ng moodswing ko.
Ilang minuto ang lumipas nang may nakita akong lalakeng papalapit sa kinatatayuan ko. Basang-basa siya na sumilong sa tabi ko. Pamilyar ang gray polo shirt niya. Bago ako naka-react sa nakita kong nameplate sa dibdib niya ay napansin kong nakatingin na siya sa akin. Si Kira, ang barista.
“Ay sir, hello po,” masiglang bati niya sa akin. Ngumiti siya nang napakalaki na hindi ko kailanman nakita kapag siya ang naghahatid ng order ko.
Mahinahong ngiti lang ang nasagot ko dahil nga nasa kalagitnaan na ako ng moodswing ko. Gustong gusto ko nang umuwi dahil may mga dapat akong i-check na email.
Tahimik ang mga sumunod na minuto at ang tanging naghuhumiyaw lang ay ang napakalakas na ulan at pumipitong hangin. Nakasuot na ako ng sweater pero nararamdaman ko pa rin ang panlalamig. Sinubukan kong pasimpleng tingnan siya at nakita kong halos nakayakap na siya sa kanyang bisig. Mas nanlalamig na siya lalo pa’t basa ang suot niya.
Bigla ko na lang hinubad ang sweater ko at agad kong inabot sa kanya. Pareho kaming nawirduhan sa ginawa ko.
“Shet,” ang nasabi na lang ng utak ko sa ginawa kong hindi ko naman talaga intensyong gawin. Pero nandito na ito. Wala nang atrasan.
“Giniginaw ka na. Gamitin mo muna,” kalmado kong sinabi.
Sinadya kong maging hindi convincing ang statement ko para umayaw siya pero hindi ganoon ang nangyari.
“Thank you po, Sir Renzo.”
Saglit siyang tumalikod at tinanggal ang suot na polo shirt. Lalo akong nanlamig nang humarap sa akin nang nakahubad. Buti na lang at medyo madilim kaya hindi gaanong kita ang itsura kong wirdo. Kinuha niya ang sweater sa kamay ko at sinuot habang nakangiti na parang bata. Hindi ko alam kung bakit nakita ko pa yun na lalong nagpadagdag sa nerbiyos ko. Tamang-tama lang sa kanya ang sweater ko at mukha naman siyang naging kumportable. Piniga niya ang basang polo shirt at hinawakan sa magkabilang dulo ng laylayan na parang nakasampay. Ako naman ay patuloy na nanahimik, tumitingin-tingin sa kung saan-saan at pinipilit na umiwas na makipag-usap sa kanya. Hindi naman ako sobrang introvert pero kapag pakiramdam ko ay ayokong makipag-usap ay hindi talaga ako magsasalita.
“Hindi ko po kayo nakita kanina sa coffee shop, sir,” biglang nagsalita si Kira na talagang kinagulat ko.
“Ano… kasi… nandun ako sa coffee shop sa ground floor. Dun kasi nagyaya yung mga kaibigan ko.”
“Ganun po pala,” nakangiti niyang tugon.
“Masyado na pala akong madalas doon. Namumukhaan mo na pala ako,” isang biro pero may pagka-seryoso kong sabi. Mahina siyang napahagikgik na narinig ko kahit napakalakas ng buhos ng ulan.
“Ayos lang po yun. Lagi naman kayong welcome. Kung hindi po dahil sa mga tulad ninyong loyal costumer e wala po kaming trabaho.”
Sumang-ayon naman sa kanya kahit pa naroon pa rin yung hinala kong hindi lang niya ako basta namumukhaan dahil lagi akong nagkakape doon.
“Sir, alam nyo ba na idol ko kayo?”
Mga salitang bigla na lang bumulalas mula sa kawalan! Noong una’y hindi ko alam kung paano ako magre-react sa sinabi niya. Tinanong ko siya ng bakit sa pinakamahinahon na paraan.
“Kapag nasa shop kayo kasi tapos may kausap kayo, pakiramdam ko ang dami nyo pong alam. Ibig ko pong sabihin, parang ang dami pong gustong matuto mula sa inyo dahil marami po kayong pakialam sa buhay. Ibang klase po kayo, sa totoo lang.”
Hindi ko pa rin alam kung paano ako tutugon sa mga salita niya. Ngumiti na lang ako at nagpasalamat. Pero hindi na naman napigilan ng utak ko na magsalita nang kung ano-ano.
“Kaya pala nahuhuli kitang nakatingin sa akin,” bigla kong nasabi na nagpabigla sa kanya.
Dun na ako nagsimulang matawa at sinundan naman niya ng halakhak.
“Sorry po, sir. Naa-amaze lang talaga ako,” nakangiti niyang paliwanag. “Kapag may kausap po kasi kayo at naririnig ko kayo, pakiramdam ko po ay parang ako na rin ang kinakausap ninyo at nakakatawanan ninyo. Ang weird pero ganun po talaga. Natandaan ko nga na napasimangot kayo nung nahuli nyo akong nakatitig sa inyo.”
“Wow! Talagang natandaan mo yun?!” nagulat kong tanong na nagpatawang muli sa binata.
“Ang memorable lang nun dahil first time kong nasimangutan ng customer sa coffee shop nun. Pero promise po, hindi po suplado ang naging first impression ko sa inyo.”
“Ayos lang naman. Ganun lang kasi talaga ako lalo na ‘pag nakatutok ako sa mga ginagawa ko. Don’t worry, next time, kapag nakita kitang nakatingin, ngingiti na ‘ko.”
Mukhang tanga yung sinabi ko kay Kira pero nakita kong bigla ang maamo niyang mata na nag-compliment sa kanyang labing nakangiti. Lalo akong nagmukhang tanga nung naisip kong nasobrahan yata ako sa titig na sa palagay ko’y napansin niya. Nagsimula na kaming magkaroon ng sariling mundo sa bangketang may silong na napapalibutan ng pabaha nang kalsada. Marami pang palitan ng kwento ang sumunod na isang oras hanggang sa tumila na ang ulan.
Alas-dos na ng madaling araw. Maghihiwalay na kami ng landas nang maalala kong suot pa niya ang sweater ko.
“Ibabalik ko na lang po yung sweater nyo kapag bumisita po kayo ulit sa shop. Lalabhan ko po muna,” wika niya.
“Sige no problem.”
“Thank you po ulit, Sir Renzo.”
“Renzo na lang ‘pag nasa labas tayo ng coffee shop.”
May excitement ang pagsagot niya ng “sige” nung marinig niya iyon. Sana ako lang iyon pero ilang segundo ring nakangiti siya nang ganoon. Hindi ko siya guni-guni at sigurado ako doon.
Apat na araw ang umusad at bumalik ako sa coffee shop dahil may estudyanteng gustong kumonsulta sa akin para sa thesis. Ang swerte dahil walang nakaupo sa paborito kong pwesto. Paupo pa lang ako ay nakita ko nang nakatitig siya sa akin at nakangiti. Tulad ng ipinangako ko sa kanya ay ngumiti ako pabalik na alam kong na-appreciate niya.
Habang abala ako sa pagche-check ng email sa laptop ko ay dumating na ang cafe mocha ko. Hindi ako kaagad na nakalingon pero may nakita ako kaagad na kakaibang nakasulat sa aking coffee cup.
“For my favorite coffee star: Renzo. From Kira, the barista.”
Mula sa isa ay naging lima na ang puso sa tabi ng pangalan ko. Dahan-dahan akong lumingon at nakita kong si Kira pala ang naghatid ng order ko. Sa unang pagkakataon ay nakangiti siya sa harap ko bilang barista. Hawak niya rin ang sweater ko na pinasuot ko sa kanya.
“Here’s your coffee and sweater, sir! May perfume ko yan kaya mabango,” masaya niyang pagbati.
Alam kong ngumiti ako nang pagkalaki-laki dahil hindi na lang isang barista ang nasa coffee shop na ito kundi isa nang bagong kaibigan. Ayaw kong sabihing ispesyal dahil ayokong magtiwala sa ganitong pakiramdam. Mas mabuti na yung ganito kaysa maging mas wirdo pa ang sitwasyon. Hindi na kaya ng utak ko ang intindihin pa ang susunod na sakit na pwedeng danasin ng puso ko. Kumbaga, nagiging praktikal lang ako.
Nagtuloy-tuloy ang ganitong setup sa sumunod na anim pang buwan. Hindi na ako nagiging madalas sa coffee shop pero sa tuwing pupunta ako ay sinisigurado ni Kira na nakatitig sa akin at nakangiti siya sa akin, nakaharap man sa akin o yung hindi ko namamalayan dahil busy ako.
Dumating ang isang araw na nagpunta ako doon kasama si Vincent, ang ex-partner ko na nanatili pa ring kaibigan ko kahit naghiwalay kami. Makulit kami ni Vincent kapag nagkikita kami na para bang “kami” pa rin. Hindi ko noon napansin si Kira dahil nga masaya ang kwentuhan namin ng isa. Pumunta ako sa cashier para um-order ng cheese cake nang makita ko si Kira na siyang kukuha ng order ko. Normal lang ang lahat ngunit kumuha siya ng tissue at tila may isinulat doon. Inabot niya ito kasama ng sukli at wi-fi access sa coffee shop. Binasa ko ang nakasulat sa tissue habang pabalik sa upuan namin.
“Tingin ka naman sa akin o. :)”
Medyo binalewala ko ang nasa tissue nang may ipakita sa akin si Vincent sa smart phone niya. Tuloy ang tawanan namin ng mokong kong ex at sinagad ang aming bonding dahil hindi naman kami madalas na nagkikita nito. Umalis kami ng coffee shop at noong pag-uwi lang ay doon ko naalala si Kira at ang sinabi niya sa tissue. Dinatnan ako ng guilt dahil hindi ko siya napansin pagkatapos ng matagal na beses na hindi ako nakadaan sa coffee shop. Itinulog ko na lang ang pag-aalala dahil napagod ako sa trabaho noong araw na iyon.
Lumipas ang dalawang buwan. Ilang araw bago mag-Pasko. Nagmadali akong pumunta sa coffee shop bago pa ito magsara dahil nag-crave ako sa chocolate. Umabot naman ako at doo’y nakita ko si Kira na abalang-abala sa paggawa ng mga order. Hindi ko na kinuha ang atensyon niya at umupo sa paborito kong pwesto habang hinihintay ang order ko. Ilang saglit lang ay dumating ang chocolate cake ko at ang lagi kong order na cafe mocha. Alam kong siya ang gumawa ng kape ko pero walang dekorasyon ang baso ko hindi tulad ng mga dating coffee cup ko. Nalungkot akong bigla dahil parang first time na makalimutan iyon ni Kira.
Ako naman ang sumubok na sumulyap sa kanya pero busy pa rin siya sa mga ginagawa niya at halos walang sandali yatang hindi siya sumaglit ng tingin sa akin. Hindi tulad ng dati, hindi ko na sigurado ngayon kung tiningnan niya ako habang nakatuon ang atensyon ko sa ibang bagay.
Nag-text ang isa sa mga kaibigan ko na nasa coffee shop sa mall ding iyon. Bago ako lumabas ay muli kong tiningnan si Kira at ganoon pa rin ang sitwasyon niya. Hindi na ako tuluyang nang-abala at umalis papunta sa isang coffee shop.
Inabot kami ng closing time sa dami ng pinagkwentuhan namin ng kaibigan ko. Naglakad ako papunta sa sakayan para makatiyempo ng jeep. Bago pa man ako makarating sa terminal ay biglang pumatak ang malakas na ulan at napuwersa akong sumilong sa waiting shed sa tapat ng isang bangko. Wala akong dalang payong o sweater dahil kanina naman ay wala namang senyales ng masamang panahon. Wala akong choice kundi hintayin itong huminto. Inaliw ko ang sarili ko sa paglalaro ng games sa phone ko at lahat ng atensyon ko ay napunta sa laro. Saktong naubos ang lives nang naramdaman kong may katabi ako na nakasilong din sa waiting shed.
Sa kanan ko ay nakatayo si Kira, naka-sweater at may hawak na coffee cup sa kaliwang kamay at payong sa kanang kamay. Nakangiti siya sa akin habang nakatingin pero tila may kakaiba sa ngiting iyon.
“Hindi na kita inabala kasi mukhang busy ka sa games.”
“Oo nga e. Sorry hindi rin kita napansin.”
“Ayos lang. Ilang minutes kitang tinitingnan kaya alam kong hindi mo ako naramdaman.”
“Ikaw din naman kanina.”
Medyo nagmaktol ako nang sabihin iyon. Nabigla na lang ako nang ma-realize ko na sinabi iyon ng bibig ko at hindi lang ng isip ko. Nakita ko rin ang pagkabigla rin ni Kira at parang gusto ko na lang mahiya.
“Ha? Anong kanina?” tila pagtatakang tanong ng binata.
“Ano… kasi… nandoon ako kanina sa coffee shop… pero masyado kang busy. Feel ko naman, alam mong nandoon ako dahil ikaw ang gumawa ng cafe mocha ko pero hindi ka tumingin o sumulyap man lang.”
“Hala, sorry! Sa dami kasi ng ginagawa kong mixes, hindi ko na alam kung sino ang ginagawan ko ng kape dahil hindi ko na rin nakukuhang makita yung pangalan ng umo-order,” alibi niya. “Pero… oo, alam kong nandun ka. Kaya nga patago kitang hinintay.”
Ano kaya sa tingin niya ang dapat kong maramdaman?! Bigla akong na-bad trip sa sinabi niya at nagtangka nang sumugod sana sa ulan. Parang alam niyang gagawin ko iyon kaya mabilis niyang hinubad ang suot na sweater, nilagay sa balikat ko at humakbang sa labas ng waiting shed. Mabilis siyang nabasa habang hawak pa rin ang coffee cup.
“Ako na lang ang magpapakabasa para sa’yo, Renzo.”
Ito ang unang beses na tinawag niya ang pangalan ko nang walang “sir”. Nagulat ako sa sinabi niya at hindi ko akalaing may magsasabi ng ganun sa akin.
“Basa yung labas ng cup na ‘to pero sigurado akong mainit pa yung nasa loob. Para sa’yo to, idol. From Kira, your barista.”
Inabot niya ito sa akin habang tuloy-tuloy na nababasa ng malakas na ulan. Wala akong karapatang tanggihan ang kapeng iyon lalo pa’t dama kong ginawa iyon sa napaka-ispesyal na paraan.
“Alam kong may mali sa atin ngayon. Hindi ko iyon intensyon. Sorry kung ganito ang kinalabasan. Pero pakiusap ko, sana walang magbabago.”
Hindi ko naitago ang pagkadismaya pero bago pa masakop ng inis ang kabuuan ko ay pinakiusapan ko siyang sumilong na.
Bumalik siya sa waiting shed, hinubad ang gray polo shirt at sinuot ang hawak kong sweater niya.
“Ikaw muna ang uminom,” utos niya nang abutin ko sa kanya ang kapeng bigay niya. Sinunod ko naman siya at humigop nang kaunti.
Inabot ko sa kanya ang baso at bago siya uminom ay tiningnan niya muna ako. Alam niyang bigla akong nairita kaya napahagikgik siya. Inikot niya ang baso sa parte kung saan ako uminom at doon siya humigop. Tulad ng dati ay hindi ko alam ang reaksyon ko sa ginawa niya. Isa lang ang sigurado sa ngayon: tuloy ang aming pagkakaibigan.
Oo, pagkakaibigan. Kahit pa pareho kami ng wirdong pakiramdam ngayon, alam naming dalawa na hindi para “doon” ang koneksyon ng kape sa aming dalawa. Hindi namin ito idineklara nang pormal dahil nagkakaunawaan na kami sa titig pa lang. Natapos ang gabing iyon na naging malinaw at maayos. Nanatili na ang nalalaman ko lang kay Kira ay isa siyang barista. Ayoko nang may malaman pang iba.
Natapos ang Pasko at nagsimula ang bagong taon. Nagsimula ang totoong pagkakaibigan sa pagitan ng isang mahilig uminom ng kape at sa isang mahilig gumawa ng kape. Hindi humantong sa “tamang” pag-ibig ang pag-ibig namin sa kape, ngunit dahil kay “Kira, The Barista”, pakiramdam ko’y naging mas masaya ang pakahulugan sa akin ngayon ng kape. Mainit man o malamig, ang mahalaga ngayon ay may isang taong nakakonekta sa akin sa pamamagitan ng kape, at tulad ng napakaraming sleepless nights, hindi ko pinagsisisihan ang koneksyon ko sa kanya dahil naging produktibo ako sa napakaraming bagay.