Noong 1571, pormal na iniangat ng mananakop na si Miguel Lopez de Legazpi ang Maynila bilang isa sa mga pinakaunang lungsod ng noo’y kakatuklas lang niyang lupain na kalauna’y tatawaging Pilipinas. Ilang taon pagkatapos niyon, sa basbas ni Haring Felipe II, iniatas dito ang taguring “Insigne y Siempre Leal Cuidad” o “Most Distinguished and Ever Loyal City”, isang patunay ng napakalaking kumpyansa ng Espanya sa Maynila bilang kabisera ng kanyang kaharian sa Silangan. Mula noon, nabuo ang mas maraming pangarap ng bawat taong naging bahagi ng komersyo at pamumuhay sa lungsod. Sa loob ng mahigit tatlong siglo, marami sa mga pangarap na ito’y namunga at nagtagumpay, ngunit marami rin sa mga ito ang nabigo’t itinapon sa kawalan ang mga nasirang ninanasa.
Nang tuluyan nang ipinasa ng Espanya ang pamumuno ng Pilipinas sa Estados Unidos, natanaw ng marami na maisasakatuparan ang mga naudlot na pangarap sa pagpasok ng bagong panahon. Simbulo ng mga pangakong ito ang Maynila kung saan nasaksihan ang unti-unting pagbabago ng lipunang Pilipino. Umusbong ang komersyalisasyon at nakisabay din ang mga Pilipinong punong-puno ng ambisyon sa pagtatanim ng mga bagong binhi ng pag-asa. Tulad ng dati, marami ang nagsitagumpay pero marami pa rin ang nabigo’t patuloy na nilalabanan ang hamon ng modernismo.
Ngunit tulad ng pinaniniwalaan nating lahat, sadyang mapagbiro talaga ang tadhana. Huminto ang napakaraming pangarap sa pagdating ng mga Hapon. Halos nagdilim ang siyudad sa ilalim ng namumulang araw na nakaguhit sa watawat ng mga bagong mananakop. Hindi nagtagal, halos lahat ng mga pangarap na naging matayog ay natumbang parang tinangay ng alon ng pinagsamang tubig at dugo. Nawasak ang Maynila. Ang dating sagisag ng matagumpay na lipunang Pilipino, di kalauna’y naiwang durog, halos walang buhay, nanlulumo at bigo.
Saglit na tinanggal ang korona sa dating reyna noong 1948 habang dahan-dahan nitong ibinabangon ang mga pangarap na minsa’y naging simbulo ng iba pang pangarap. Maraming nagsasabing unti-unti na itong nanunumbalik, pero mas marami ang hindi sumasang-ayon. Dumating ang 1976 na hindi naisakatuparan ang pagtatayo ng isang bagong kabisera kaya’t nanumbalik sa Maynila ang dakilang karangalan bilang kabisera ng Republika na noo’y itinago sa mapanlinlang na “bagong lipunan”. Dumami ang mga nangarap na iniwan ang kani-kanilang mga sinilangan para mamuhunan ng ambisyon sa Maynila. Hindi nagbago ang pattern: marami ang nagtagumpay ngunit mas marami ang nabigo. Ang masakit na katotohanan sa senaryong ito: silang mga bigo ay naging parte na rin ng unti-unting pagkabigo na maibalik sa realidad ang mga bagay na sa mga aklat ng kasaysayan na lang nakikita. Patuloy ang rehabilitasyon. Patuloy ang pagpipilit na ibalik ang modelo ng isang tunay na lungsod. Patuloy ang paglalagay ng mga kolorete na para bang reynang inaayusan para sa mga haring gustong manligaw dito. Patuloy ang buhay, ngunit tila panahon na rin ang sumuko sa kanyang pagbabalik-karangalan.
Sumiklab ang makasaysayang pag-aaklas noong 1986, naupo ang limang pangulo, apat na alkalde at kung sino-sinong mga opisyal ng gobyernong nangakong ibabalik ang tinagurian nilang “old glory” ng Maynila. Lahat ay nauwi sa plano, sa mga pangako at di nagtagal ay naging panaginip na lang. Hindi tumigil ang pagdagsa ng mga nangangarap at nabibigo na maikukumpara sa malinis na tubig na nahuhulog mula sa tuktok ng bundok pero mauuwi lang sa maburak at mabahong ilog. May mga pangarap na patuloy na nagtatagumpay pero di kalaunan ay iiwan ang nagsilbing lupang yumakap sa kani-kanilang mga binhi noong sila’y papalago pa lang. May mga pangarap ding nananatili pang nakatindig ngunit sa nagmamadaling pagbabago ng panahon ay tila wala nang kasiguraduhan kung magtatagal pa sila’t patuloy pang masisilayan ang susunod na salinlahi. Sa bilis ng pag-ikot ng mga kamay ng orasan ay ganun din kabilis ang kanilang pag-agnas, pagkalaglag ng pira-piraso nilang mga parte at unti-unting pagkalusaw dahil sa paglimot. Ang kabihasnang minsang kasabay na nangarap ng mga tao ay nagiging libingan na ng mga nabigong pangarap at pangako.
Sa kabila nito, marami pa rin ang mga nagmamahal sa Maynila. Sila ang mga taong buong ingat na naglalakip ng mga pangarap ng Maynila sa kanilang puso’t isipan. Para na raw silang tanga sa paningin ng mga nagpapanggap na nagpapakatotoo, pero ang totoo, silang mga ‘eksperto’ ang tanga sa katotohanang ang mga pangarap na binuo para sa Maynila ay hindi kailanman mabibigo. Ang mga pangarap na ito’y dapat mahigpit na pinaninindigan ng sinuman, pamahalaan man o kanyang mamamayan hanggang dumating ang panahong may kakayahan na silang maisakatuparan. Ang mga pangarap ay hindi nabibigo, bagkus, ito’y nananatili’t naghihintay sa ihip ng hanging may dala ng tamang pagkakataon.
May panibagong tatlong taon na naman na paparating. Marami pa rin ang naniniwalang sa pagkapanalong muli ng bagong alkalde at mga kapwa pulitiko nito ay mananatili ang kabisera sa dilim at kawalang pag-asa. Sa panahong ito, magsilbi nawang maliliit na sigla ng liwanag ang mga nagmamahal sa Maynila, lalong lalo ang mga mismong ipinanganak, lumaki at bumuo ng sariling pangarap dito. Habang hindi pa dumarating ang katuparan ng kanyang mga bigong pangarap, iakibat nawa ng mga kislap na ito ang pagganap sa mabigat na tungkulin bilang makabayan, makatao at marangal na Pilipino. Tulad ng anumang ambisyon ng bawat tao, umuusad lamang ang mga pangarap na ito kung pinapaandar ng gawa’t determinasyon at iyon ay magmumula mismo sa mga taong ipinagmamalaki ang kanilang sarili bilang Manilenyo.