Isang Aral Mula Kay Leni

2015-category-title-milestone copy2016-post-featured-image-vice-president-leni-robredo copy

May 30, 2016, Lunes.  Mapalad ako na matunghayan ang proklamasyon ng mga nagwagi sa dalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan ng Pilipinas sa loob mismo ng Batasan Pambansa. Sinelyuhan na ng mga kinatawan ng bayan ang tagumpay ng halalan na siya ring sagisag ng tagumpay ng demokrasya at tagumpay ng malayang mamamayan.

Tunay ngang kakaiba ang pakiramdam kapag naroon ka’t opisyal nang tinatapos ang kaganapang halos naghati sa atin nang pira-piraso bilang sambayanan at sumira ng relasyon at pagkakaibigan ng napakaraming tao. Ngunit mas nakakataba ng puso na masaksihan ang matamis na pagkapanalo ng isang taong pinaglaanan namin ng panahon, pagod, pagmamahal at pagtitiwala upang ipakilala sa lahat ang pinunong karapat-dapat para sa mga Pilipino.

Para bang iniadya ang apat na buwan kong pagsali sa kampanya ni dating Camarines Sur representative Maria Leonor Sto. Tomas Gerona-Robredo o mas kinikilala natin ngayon bilang Vice President Leni Robredo. Sinakripisyo ko ang personal kong adbokasiya para sana tumulong sa kampanya ng isang pulitiko sa Maynila pero tila may mas malaking inihain sa akin ang tadhana para pagkunan ng mas malaking inspirasyon. Natuto ako sa mga bagong nakilala ko – ang bumubuo ng Team Leni – na nanggaling sa iba’t ibang larangan na naglaan din ng kani-kanilang oras para sumali sa kampanya. Higit sa lahat, isang pambihirang karangalan ang makatrabaho, makausap at mapagkunan ng aral at inspirasyon ang dakilang babaeng dahilan ng pagsasama-sama namin bilang Team Leni.

Sa limang taon kong karanasan bilang youth leader, government intern at volunteer ay nakakilala na ako ng mga pulitiko o mga taong nasa matataas na pedestal sa lipunan. Marami sa kanila ang iba sa harap ng masa, iba kapag natututukan ng kamera at iba ang ugali sa mga katrabaho. Marahil, alam nyo na ang ibig kong sabihin, at tulad ng marami, akala ko ay normal iyon sa mga personalidad na nasa tuktok. Akala ko ay ganoon silang lahat… hanggang nakadaupang-palad ko nang personal ang noo’y Cong. Leni.

2016-post-image-vp-leni-02

Kasama si dating DILG secretary at Liberal Party presidential bet Mar Roxas.

October 5, 2015, sa dati kong opisina sa Escolta, Maynila, ay pinapanood ko sa laptop ko ang live stream ng deklarasyon ng isang Cong. Leni Robredo na tatakbo bilang pangalawang pangulo. Alam ko sa sarili ko na nararapat siya sa boto ko, ngunit hindi pala ito ang gusto ng tadhana para sa akin. Fast forward to February 2016, nang makita ko na ang sarili kong nakasuot ng yellow vest na may nakasulat na “(#5) Leni Robredo for Vice President”. Hindi ko na lang siya iboboto kundi ikakampanya pa nang buong puso.

Si Leni ay hindi lang basta kandidato para sa grupo. Hindi lang siya sa harap ng maraming tao o mga botante mahilig magkwento, makipagkumustahan, makipagtawanan at makipagbiruan. Si Leni ay hindi isang pulitiko na ngingiti lang kapag may kaharap na media o aarte para makakuha ng simpatiya. Si Leni ay hindi ipokrito, hindi plastik at hindi mang-aagaw ng atensyon.

2016-post-image-vp-leni-03

Ang Leni na kilala nyo at ipinakikilala namin noong kampanya ay hindi malayo sa Leni na walang media o sinumang umuusyoso sa buhay nya. Humalakhak sa mga joke, nakikinig sa mga kwento namin o di kaya’y nakikiasar sa mga private jokes. Kakausapin ka nya at makikipag-picture na para lang kayong mag-tropa. Sa karamihan nga ng mga selfie ko kasama siya, aakalain mong parang closest tita ko lang siya. Hahaha! Pero pwera biro, ang Leni na hinangaan ng buong mundo ngayon ay ang parehong Leni na nagpalakas sa amin ng loob na pagpursigihan ang malinis na laban para mailuklok ang tulad niyang marangal na lingkod bayan.

Sa apat na buwang pagsama sa mga sortie at caucus, pamimigay ng mga flyers, stickers at iba pang collaterals at pakikipag-usap sa iba’t ibang klase ng botante para mangampanya, ipinakita sa akin ng karanasang ito ang mas malawak na perspektibo ng ating pulitika, kultura at maging ng Internet na nagpabago ng pagtingin ko sa ating lipunan. Ngunit ang isa sa mga aral na tumatak sa akin at patuloy kong isasabuhay ay nanggaling mismo kay Leni.

2016-post-image-vp-leni-01

“Stay humble.”
Patuloy na magpakumbaba.

Nag-umpisa siyang halos hindi kilala ng buong bansa pero kahit dala siya ng malaking partido ay naging mapagkumbaba. Unti-unting umangat sa survey ratings ngunit nanatiling mapagkumbaba. Nanaig sa CNN Philippines Vice Presidential Debate at ABS-CBN Halalan ng Bise pero nanatiling mapagkumbaba. Tumabla sa mga survey frontrunners ngunit patuloy na nagpakumbaba. Nanguna sa partial unofficial election results pero nagpakumbaba pa rin. Inakusahang mandaraya, pinagmumura at inalipusta sa social media ngunit nanatiling nagpakumbaba. Idineklara nang nagwaging bise presidente pero patuloy pa ring nagpapakumbaba.

Ang kanyang karakter bilang mapagkumbabang tao ang naglapit sa kanya sa puso ng mahigit 14.4 milyong Pilipinong bumoto sa kanya. Sa lahat ng pagkakataon, sa gitna man ng mga pagsubok o sa rurok ng tagumpay, sinasabi sa atin ni VP Leni na manatili ang paa natin sa putik at patuloy na abutin ang kamay ng mga taong lumalapit sa atin. Si Leni, ang bagong ating bise presidente ang magsisilbing solidong imaheng nagpapaalala sa atin na tayong mga Pilipino, taas noo man sa anumang pagkapanalo ay walang alinlangang yuyuko para iabot ang tulong sa sinuman sa mundo.

Mapalad ang bayan sa pagkakaroon ng isang bagong mukha ng makatuwiran at maayos na pamamahala. Bagaman hindi (pa) kumbinsido ang pangulo sa pangalawang pangulong hinalal na bayan, naniniwala ako na si VP Leni ay magsisilbi sa administrasyong Duterte nang naaayon sa kagustuhan ng bayan, sa kagustuhan ng batas at sa kagustuhan ng ating kasaysayan. Magiging mapanghamon ito para sa kanya, ngunit ako, sampu ng mga taong naging parte ng Team Leni at ng milyon-milyong naghalal sa kanya, ay nananalig na si VP Leni at ang mga aral na dala niya para sa atin mula sa dekadang karanasan sa paglilingkod ang magsisilbing katuwang sa pagbabalanse ng ating gobyerno sa susunod na anim na taon.

Mabuhay ka, VP Leni! Patuloy kaming katabi mo sa panibagong yugto ng ating mapanubok na kasaysayan. Tuloy ang laban para sa bayan!

13404026_10206095785015182_6663634027745045256_o

Kuha namin pagkatapos ng kanyang pinakahihintay na proclamation rites sa Batasan Pambansa. (Instagram)

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

 

One thought on “Isang Aral Mula Kay Leni

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s