Maynila, kabihasnan nga ba ng mga bigong pangarap?

2015-category-title-dear-manila2016-post-featured-image-dear-manila-maynila-bigong-pangarap copy

Noong 1571, pormal na iniangat ng mananakop na si Miguel Lopez de Legazpi ang Maynila bilang isa sa mga pinakaunang lungsod ng noo’y kakatuklas lang niyang lupain na kalauna’y tatawaging Pilipinas. Ilang taon pagkatapos niyon, sa basbas ni Haring Felipe II, iniatas dito ang taguring “Insigne y Siempre Leal Cuidad” o “Most Distinguished and Ever Loyal City”, isang patunay ng napakalaking kumpyansa ng Espanya sa Maynila bilang kabisera ng kanyang kaharian sa Silangan. Mula noon, nabuo ang mas maraming pangarap ng bawat taong naging bahagi ng komersyo at pamumuhay sa lungsod. Sa loob ng mahigit tatlong siglo, marami sa mga pangarap na ito’y namunga at nagtagumpay, ngunit marami rin sa mga ito ang nabigo’t itinapon sa kawalan ang mga nasirang ninanasa.

Nang tuluyan nang ipinasa ng Espanya ang pamumuno ng Pilipinas sa Estados Unidos, natanaw ng marami na maisasakatuparan ang mga naudlot na pangarap sa pagpasok ng bagong panahon. Simbulo ng mga pangakong ito ang Maynila kung saan nasaksihan ang unti-unting pagbabago ng lipunang Pilipino. Umusbong ang komersyalisasyon at nakisabay din ang mga Pilipinong punong-puno ng ambisyon sa pagtatanim ng mga bagong binhi ng pag-asa. Tulad ng dati, marami ang nagsitagumpay pero marami pa rin ang nabigo’t patuloy na nilalabanan ang hamon ng modernismo.

Ngunit tulad ng pinaniniwalaan nating lahat, sadyang mapagbiro talaga ang tadhana. Huminto ang napakaraming pangarap sa pagdating ng mga Hapon. Halos nagdilim ang siyudad sa ilalim ng namumulang araw na nakaguhit sa watawat ng mga bagong mananakop. Hindi nagtagal, halos lahat ng mga pangarap na naging matayog ay natumbang parang tinangay ng alon ng pinagsamang tubig at dugo. Nawasak ang Maynila. Ang dating sagisag ng matagumpay na lipunang Pilipino, di kalauna’y naiwang durog, halos walang buhay, nanlulumo at bigo.

Saglit na tinanggal ang korona sa dating reyna noong 1948 habang dahan-dahan nitong ibinabangon ang mga pangarap na minsa’y naging simbulo ng iba pang pangarap. Maraming nagsasabing unti-unti na itong nanunumbalik, pero mas marami ang hindi sumasang-ayon. Dumating ang 1976 na hindi naisakatuparan ang pagtatayo ng isang bagong kabisera kaya’t nanumbalik sa Maynila ang dakilang karangalan bilang kabisera ng Republika na noo’y itinago sa mapanlinlang na “bagong lipunan”. Dumami ang mga nangarap na iniwan ang kani-kanilang mga sinilangan para mamuhunan ng ambisyon sa Maynila. Hindi nagbago ang pattern: marami ang nagtagumpay ngunit mas marami ang nabigo. Ang masakit na katotohanan sa senaryong ito: silang mga bigo ay naging parte na rin ng unti-unting pagkabigo na maibalik sa realidad ang mga bagay na sa mga aklat ng kasaysayan na lang nakikita. Patuloy ang rehabilitasyon. Patuloy ang pagpipilit na ibalik ang modelo ng isang tunay na lungsod. Patuloy ang paglalagay ng mga kolorete na para bang reynang inaayusan para sa mga haring gustong manligaw dito. Patuloy ang buhay, ngunit tila panahon na rin ang sumuko sa kanyang pagbabalik-karangalan.

Sumiklab ang makasaysayang pag-aaklas noong 1986, naupo ang limang pangulo, apat na alkalde at kung sino-sinong mga opisyal ng gobyernong nangakong ibabalik ang tinagurian nilang “old glory” ng Maynila. Lahat ay nauwi sa plano, sa mga pangako at di nagtagal ay naging panaginip na lang. Hindi tumigil ang pagdagsa ng mga nangangarap at nabibigo na maikukumpara sa malinis na tubig na nahuhulog mula sa tuktok ng bundok pero mauuwi lang sa maburak at mabahong ilog. May mga pangarap na patuloy na nagtatagumpay pero di kalaunan ay iiwan ang nagsilbing lupang yumakap sa kani-kanilang mga binhi noong sila’y papalago pa lang. May mga pangarap ding nananatili pang nakatindig ngunit sa nagmamadaling pagbabago ng panahon ay tila wala nang kasiguraduhan kung magtatagal pa sila’t patuloy pang masisilayan ang susunod na salinlahi. Sa bilis ng pag-ikot ng mga kamay ng orasan ay ganun din kabilis ang kanilang pag-agnas, pagkalaglag ng pira-piraso nilang mga parte at unti-unting pagkalusaw dahil sa paglimot. Ang kabihasnang minsang kasabay na nangarap ng mga tao ay nagiging libingan na ng mga nabigong pangarap at pangako.

Sa kabila nito, marami pa rin ang mga nagmamahal sa Maynila. Sila ang mga taong buong ingat na naglalakip ng mga pangarap ng Maynila sa kanilang puso’t isipan. Para na raw silang tanga sa paningin ng mga nagpapanggap na nagpapakatotoo, pero ang totoo, silang mga ‘eksperto’ ang tanga sa katotohanang ang mga pangarap na binuo para sa Maynila ay hindi kailanman mabibigo. Ang mga pangarap na ito’y dapat mahigpit na pinaninindigan ng sinuman, pamahalaan man o kanyang mamamayan hanggang dumating ang panahong may kakayahan na silang maisakatuparan. Ang mga pangarap ay hindi nabibigo, bagkus, ito’y nananatili’t naghihintay sa ihip ng hanging may dala ng tamang pagkakataon.

May panibagong tatlong taon na naman na paparating. Marami pa rin ang naniniwalang sa pagkapanalong muli ng bagong alkalde at mga kapwa pulitiko nito ay mananatili ang kabisera sa dilim at kawalang pag-asa. Sa panahong ito, magsilbi nawang maliliit na sigla ng liwanag ang mga nagmamahal sa Maynila, lalong lalo ang mga mismong ipinanganak, lumaki at bumuo ng sariling pangarap dito. Habang hindi pa dumarating ang katuparan ng kanyang mga bigong pangarap, iakibat nawa ng mga kislap na ito ang pagganap sa mabigat na tungkulin bilang makabayan, makatao at marangal na Pilipino. Tulad ng anumang ambisyon ng bawat tao, umuusad lamang ang mga pangarap na ito kung pinapaandar ng gawa’t determinasyon at iyon ay magmumula mismo sa mga taong ipinagmamalaki ang kanilang sarili bilang Manilenyo.

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

Isang Aral Mula Kay Leni

2015-category-title-milestone copy2016-post-featured-image-vice-president-leni-robredo copy

May 30, 2016, Lunes.  Mapalad ako na matunghayan ang proklamasyon ng mga nagwagi sa dalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan ng Pilipinas sa loob mismo ng Batasan Pambansa. Sinelyuhan na ng mga kinatawan ng bayan ang tagumpay ng halalan na siya ring sagisag ng tagumpay ng demokrasya at tagumpay ng malayang mamamayan.

Tunay ngang kakaiba ang pakiramdam kapag naroon ka’t opisyal nang tinatapos ang kaganapang halos naghati sa atin nang pira-piraso bilang sambayanan at sumira ng relasyon at pagkakaibigan ng napakaraming tao. Ngunit mas nakakataba ng puso na masaksihan ang matamis na pagkapanalo ng isang taong pinaglaanan namin ng panahon, pagod, pagmamahal at pagtitiwala upang ipakilala sa lahat ang pinunong karapat-dapat para sa mga Pilipino.

Para bang iniadya ang apat na buwan kong pagsali sa kampanya ni dating Camarines Sur representative Maria Leonor Sto. Tomas Gerona-Robredo o mas kinikilala natin ngayon bilang Vice President Leni Robredo. Sinakripisyo ko ang personal kong adbokasiya para sana tumulong sa kampanya ng isang pulitiko sa Maynila pero tila may mas malaking inihain sa akin ang tadhana para pagkunan ng mas malaking inspirasyon. Natuto ako sa mga bagong nakilala ko – ang bumubuo ng Team Leni – na nanggaling sa iba’t ibang larangan na naglaan din ng kani-kanilang oras para sumali sa kampanya. Higit sa lahat, isang pambihirang karangalan ang makatrabaho, makausap at mapagkunan ng aral at inspirasyon ang dakilang babaeng dahilan ng pagsasama-sama namin bilang Team Leni.

Sa limang taon kong karanasan bilang youth leader, government intern at volunteer ay nakakilala na ako ng mga pulitiko o mga taong nasa matataas na pedestal sa lipunan. Marami sa kanila ang iba sa harap ng masa, iba kapag natututukan ng kamera at iba ang ugali sa mga katrabaho. Marahil, alam nyo na ang ibig kong sabihin, at tulad ng marami, akala ko ay normal iyon sa mga personalidad na nasa tuktok. Akala ko ay ganoon silang lahat… hanggang nakadaupang-palad ko nang personal ang noo’y Cong. Leni.

2016-post-image-vp-leni-02

Kasama si dating DILG secretary at Liberal Party presidential bet Mar Roxas.

October 5, 2015, sa dati kong opisina sa Escolta, Maynila, ay pinapanood ko sa laptop ko ang live stream ng deklarasyon ng isang Cong. Leni Robredo na tatakbo bilang pangalawang pangulo. Alam ko sa sarili ko na nararapat siya sa boto ko, ngunit hindi pala ito ang gusto ng tadhana para sa akin. Fast forward to February 2016, nang makita ko na ang sarili kong nakasuot ng yellow vest na may nakasulat na “(#5) Leni Robredo for Vice President”. Hindi ko na lang siya iboboto kundi ikakampanya pa nang buong puso.

Si Leni ay hindi lang basta kandidato para sa grupo. Hindi lang siya sa harap ng maraming tao o mga botante mahilig magkwento, makipagkumustahan, makipagtawanan at makipagbiruan. Si Leni ay hindi isang pulitiko na ngingiti lang kapag may kaharap na media o aarte para makakuha ng simpatiya. Si Leni ay hindi ipokrito, hindi plastik at hindi mang-aagaw ng atensyon.

2016-post-image-vp-leni-03

Ang Leni na kilala nyo at ipinakikilala namin noong kampanya ay hindi malayo sa Leni na walang media o sinumang umuusyoso sa buhay nya. Humalakhak sa mga joke, nakikinig sa mga kwento namin o di kaya’y nakikiasar sa mga private jokes. Kakausapin ka nya at makikipag-picture na para lang kayong mag-tropa. Sa karamihan nga ng mga selfie ko kasama siya, aakalain mong parang closest tita ko lang siya. Hahaha! Pero pwera biro, ang Leni na hinangaan ng buong mundo ngayon ay ang parehong Leni na nagpalakas sa amin ng loob na pagpursigihan ang malinis na laban para mailuklok ang tulad niyang marangal na lingkod bayan.

Sa apat na buwang pagsama sa mga sortie at caucus, pamimigay ng mga flyers, stickers at iba pang collaterals at pakikipag-usap sa iba’t ibang klase ng botante para mangampanya, ipinakita sa akin ng karanasang ito ang mas malawak na perspektibo ng ating pulitika, kultura at maging ng Internet na nagpabago ng pagtingin ko sa ating lipunan. Ngunit ang isa sa mga aral na tumatak sa akin at patuloy kong isasabuhay ay nanggaling mismo kay Leni.

2016-post-image-vp-leni-01

“Stay humble.”
Patuloy na magpakumbaba.

Nag-umpisa siyang halos hindi kilala ng buong bansa pero kahit dala siya ng malaking partido ay naging mapagkumbaba. Unti-unting umangat sa survey ratings ngunit nanatiling mapagkumbaba. Nanaig sa CNN Philippines Vice Presidential Debate at ABS-CBN Halalan ng Bise pero nanatiling mapagkumbaba. Tumabla sa mga survey frontrunners ngunit patuloy na nagpakumbaba. Nanguna sa partial unofficial election results pero nagpakumbaba pa rin. Inakusahang mandaraya, pinagmumura at inalipusta sa social media ngunit nanatiling nagpakumbaba. Idineklara nang nagwaging bise presidente pero patuloy pa ring nagpapakumbaba.

Ang kanyang karakter bilang mapagkumbabang tao ang naglapit sa kanya sa puso ng mahigit 14.4 milyong Pilipinong bumoto sa kanya. Sa lahat ng pagkakataon, sa gitna man ng mga pagsubok o sa rurok ng tagumpay, sinasabi sa atin ni VP Leni na manatili ang paa natin sa putik at patuloy na abutin ang kamay ng mga taong lumalapit sa atin. Si Leni, ang bagong ating bise presidente ang magsisilbing solidong imaheng nagpapaalala sa atin na tayong mga Pilipino, taas noo man sa anumang pagkapanalo ay walang alinlangang yuyuko para iabot ang tulong sa sinuman sa mundo.

Mapalad ang bayan sa pagkakaroon ng isang bagong mukha ng makatuwiran at maayos na pamamahala. Bagaman hindi (pa) kumbinsido ang pangulo sa pangalawang pangulong hinalal na bayan, naniniwala ako na si VP Leni ay magsisilbi sa administrasyong Duterte nang naaayon sa kagustuhan ng bayan, sa kagustuhan ng batas at sa kagustuhan ng ating kasaysayan. Magiging mapanghamon ito para sa kanya, ngunit ako, sampu ng mga taong naging parte ng Team Leni at ng milyon-milyong naghalal sa kanya, ay nananalig na si VP Leni at ang mga aral na dala niya para sa atin mula sa dekadang karanasan sa paglilingkod ang magsisilbing katuwang sa pagbabalanse ng ating gobyerno sa susunod na anim na taon.

Mabuhay ka, VP Leni! Patuloy kaming katabi mo sa panibagong yugto ng ating mapanubok na kasaysayan. Tuloy ang laban para sa bayan!

13404026_10206095785015182_6663634027745045256_o

Kuha namin pagkatapos ng kanyang pinakahihintay na proclamation rites sa Batasan Pambansa. (Instagram)

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

 

Animahinasyon

2015-category-title-tambuli copy2016-post-featured-image-tambuli-animahinasyon copy

Kailan nagiging makabuluhang gawa ang libo-libong mga salita? Kailan nagiging tao ang manunulat at kailan nagiging manunulat ang isang makabayan? Kailan nagiging armas ang mga talata at kailan nagiging maimpluwensya ang mga artikulong inilathala?

Aaminin ko, hindi madali sa akin ang panatilihing aktibo ang isang blog na tulad ng Aurora Metropolis. Sa loob ng anim na taon, nabibilang ko gamit ang lahat ng aking daliri ang mga pagkakataong kaya kong maging mataimtim sa pagsusulat. Sa ibang mga tsansa ay puro biglaan lang, yung tipong binibigla ng emosyon saka makakapagsulat para matandaan ko ang dapat kong matandaan sa hinaharap. Walang hinto ang pagduwal ng mga salita sa utak ko pero karamihan sa mga ito’y hindi ko matahi bilang mga piyesa. Samakatuwid, ang mga salitang ito’y naiipon sa aking banga, dinadala sa kung saan at ginagamit upang maipamahagi sa mga tao sa porma ng mga payo, plano o proyektong makakatulong sa sinumang may kailangan nito. Ang anim na taon ng Aurora Metropolis ay isang paglalakbay ng manunulat na sumusulat hindi lang sa pamamagitan ng kamay kundi pati na rin sa pagpasok sa buhay ng mga taong dumadaan sa buhay nya.

Ako, ang manunulat ay kakatapos lang na makiisa sa isang kakaibang hamon – ang sumali sa kampanya ng isang bagong pulitiko. Sa loob ng apat na buwan ng paglilibot, pag-aabot ng mga pulyetos at pagbida sa taong tunay na magsisilbi nang tapat sa bansa, napakaraming realization at lesson ang nagbalik sa aking gunita. Sa mga panahong iyon, bumalik ang pakiramdam ko ng pagiging normal na taong gagawin ang lahat para maging ekstraordinaryo ang mundo. Sa mga panahong iyon, lumakas ang damdaming makabayan ko dahil alam kong sa mga susunod na taon ay mabibigla ang bansa ko sa isang hindi inaasahang pagbabago. (Hayaan nyong ibahagi ang karanasang ito sa susunod kong artikulo.)

Normal ang pagbabago dahil yun talaga ang buhay ng tao. Tayong lahat ay buhay na sagisag na imahinasyon. Tayo ang nagpapagalaw sa mga bagay-bagay para maging makatotohanan, o mas malala, para manlinlang ng mata ng iba. Ngunit ano pa man ang idulot ng mga ito, lagi nating isaisip na ang pagbabago ay isang bagay na ginawa hindi lang para mag-iba ang perspektibo natin, kundi upang maibalik ang nawala sa atin na tayo mismo ang lumimot.

Mas nawiwili akong magsulat ngayon sa aking Facebook account. Dahil siguro sa maraming nakakabasa, halos nakalimutan kong may tahanan pala ang aking diwa na dapat doon ko ipinapaskil ang aking mga reklamo, ideya at ano pang mga salitang tuloy-tuloy na binubuhos ng aking isip at puso.

Ngayon ay muli kong sinilip ang Aurora at siya’y nakangiti pa rin tulad ng ipinanganak ko siya noong June 10, 2010. Tila sinasabi nya sa akin: Welcome home, Kuya Lem. Hinihintay kitang magkwento. Ang sagot ko naman: Sorry, Aurora. Huwag kang mag-alala, kahit hindi makapagkwento nang madalas si Kuya, ibinabahagi naman kita sa mga taong nakakausap ko. Ang mga payo ko ay payo mo, ang mga salita ko ay salita mo. Ang diwa ko ay diwa mo. Bigla kang tatawa at sasagot: Ang drama mo talaga. Dali na, sulat ka na! Excited na ako!

Salamat sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa Aurora Metropolis. Bagaman hindi ko maipapangako na magiging sobrang aktibo ko ulit sa blogging, hinihingi ko ang inyong dasal at pampalakas ng loob para manatiling makulay ang blog na ito, at para manatiling makapagbigay ng inspirasyon sa inyo. Hindi umabot ang Aurora ng anim na taon nang walang dahilan. Naniniwala akong si Aurora ay mabubuhay hangga’t hindi namamatay ang ningas ng inyong lingkod para makapagsulat habang naglilingkod, naglalakad at higit sa lahat, naniniwala sa mas magandang Maynila, sa mas maayos na lipunang Pilipino.

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small