Dear 28-Year-Old Lem,
Paniguradong wala ka pang natatandaan, 28 years ago. Pero sigurado akong alam mo na nung pinanganak ka noong March 3, 1988, ala-una y kinse ng hapon, may misyon kang dapat gampanan sa mundong ito.
Dumating ka sa puntong ito ng buhay na matatag pero masaya at puno ng pag-asa. Marami kang pinagdaanan na ikaw mismo ay di makapaniwalang naranasan o nalagpasan mo ang mga iyon.
Sa pagkakatanda ko, pinalaki kang tama at hindi nagkulang ang pamilya mo para dalhin ka sa landas na ang alam ng lahat ay doon ka paroroon. Ngunit sabi nga nila, walang sinuman ang magmamaneho ng biyahe mo kundi sarili mo. Nag-iba ka ng kalyeng pinasukan – malubak, malapit sa bangin, paliko-paliko. Kasama mo akong dumuyan-duyan sa bawat pagsubok at nasiraan ng bait dahil pareho nating hindi alam kung tama ang tinatahak natin. Nakita kitang nadismaya, nagalit, umiyak, at naglupasay sa mga pagkakataong kahit ikaw mismo ay hindi na naniwala sa sarili mo. Minsan ko ring nalaman na may balak kang mapabilis ang lahat. Buti na lang at napigilan kita at sinabihang huminahon sa paglalakbay dahil hindi naman kailangang magmadali.
Subukan mong balikan ang mga magagandang pangyayaring iyon. Tama ako, ‘di ba? Hehe!
Naalala ko rin yung mga nakaaway at nakasamaan mo ng loob. Nahuhuli kita na iniisip mo sila minsan. Gustuhin man kitang sawayin pero na-realize ko na hindi kita pipigilang alalahanin sila dahil isa sila sa mga dahilan kung bakit ka malungkot, at kalaunan ay dahilan kung bakit ka malakas. Hayaan mo na lang sila! Nagawa ko ang magagawa mo at alam nating pareho na di nila kayang gawin iyon. Inggit lang sila! Hahaha!
Pero Lem, sa lahat ng pagkakataong kasama kita, masasabi kong naging makabuluhan ang buhay mo. Nakarating ka sa mga lugar hindi dahil tinahak mo ang tamang daan kundi dahil pinatunayan mong mas maraming dunong ang binibigay ng mga karanasan ng buhay kaysa sa mga leksyong nanganganak ng diploma. Kinilala ka ng mga tao dahil sa mga karanasan mo at mga natutunan mo sa mga taong nagtiwalang dapat sa’yong ipasa ang mga kaalamang iyon. Higit ka pa sa mga taong ang tingin sa mundo ay isang malaking unibersidad, imbes na isang paraisong puno ng excitement, learning at kababalaghan. Proud ako sa’yo. Proud na proud.
28 years old ka na at natutuwa ako kapag naririnig sa iba na hindi ka mukhang 28. Totoo naman yun! Nakakabata talaga ng pagkatao ang pagtawa at yun ang isa sa mga pinaka-ispesyal mong katangian. But please keep in mind na kahit mukha kang bagets ay hindi na tayo bumabata. You know what I mean. Masarap kumain. Masarap uminom. Pero sana, kung kakayanin nating pareho, subukan na nating magbawas. Alam ko namang ayaw mong magpapayat nang sobra kaya kahit konting effort lang. Hehe!
Hay naku, Lem. Time flies so fast. Masaya akong nakakasabay pa rin tayo, pero sana, magkaroon tayo ng mas maraming oras na mas mabagal ang galaw ng lahat.
Yung may panahon tayo para ipahinga ang isip, yakapin ang katahimikan at mahalin ang sarili nang higit sa lahat. Marami na tayong nilaan na panahon para mahalin ang bayan natin kaya sana, sa ika-28 taon natin sa daigdig ay magkaroon tayo ng maraming pagkakataon na alagaan at intindihin ang nag-iisa nating puso, nag-iisang katawan at nag-iisang katauhan.
Sige, hanggang dito na muna! Pilitin mong maging makabuluhan ang araw na ito ha? Happy birthday, Lem!
Nagmamahal,
The Invisible Mature Lem