Natutunan natin sa kasaysayan na hindi tumigil ang mga nakalipas nating salinlahi para makamit ang kalayaan. Sa pagdaan ng maraming siglo, hindi mabilang ang mga kababayan nating nagsakripisyo para sa isang pangarap na noo’y itinuturing na suntok sa buwan. Marami sa kanila ang nabigo, unti-unting sumuko’t naghintay na lamang sa isang himala hanggang sa kanilang huling hininga.
Ngunit sabi nga natin, ang lahat ng pagdurusa, pagtitiis at pakikibaka nila ay may kapalit na naaangkop na kahihinatnan. Isang daan at labing pitong taon ang nakakaraan, sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinagdiwang natin bilang isang bayan ang kasarinlan. Mula noon, unti-unting naipalasap sa lahat ng panig ng bansa ang pagiging malaya at pagtamasa sa pantay na karapatan at oportunidad.
Tayo ngayon ay isang lipunang ganap ang kalayaan, ngunit aminin natin, ang kalayaang ipinamana sa atin ng mga ninuno ay tila hindi nagagamit sa paraang nararapat. Ang kasarinlang dapat ay magbibigay ng pagkakataon sa bawat isa na maging produktibong mamamayan ay nauuwi sa paglaganap ng iba’t ibang klaseng kawalan ng karapatan at katarungan. Ang Pilipinas na lumaya sa tatlong banyagang mananakop ay tila ba nagiging alipin ng kahirapan na tayo mismo ang may sala.
Para saan ba talaga ang kalayaan? Karapat-dapat ba tayo sa pribilehiyong ito?
Hindi hangad ng artikulong ito na idikta ang mga posibleng dahilan. Madali nating masasagot ang mga ito, at marahil, kahit sino’y makakapagbigay ng mga pinakamatatalinong sagot. Pagnilayan natin ang mga tanong na ito at sabihin ang mga sagot sa ating mga sarili nang taos sa puso at may bukas na pag-iisip.
Maligayang Araw ng Kalayaan, Republika ng Pilipinas! Mabuhay ang malayang Pilipino!
#