Lahat tayo ay may kanya-kanyang makukulay na paglalakbay. Bagaman bahagi na nito ang mga madidilim na sandali, hindi mawawala sa atin ang saya, sorpresa, pagtataka at iba pang ekstraodinaryong pakiramdam na nagbibigay kahulugan sa buhay natin. Lahat ng ito, kung hindi man ay karamihan ay malugod nating binabahagi sa ating mga kaibigan at sa ibang taong gutom sa ideya’t inspirasyon.
Ang bawat salita, talata at pangungusap na ating kinukuwento ay nagiging susi sa pagbuo ng iba pang magagandang istorya nang hindi natin namamalayan. Sa pagsusulat, tayo mismo ay nagiging parte ng paglalakbay ng ibang tao at nagiging parte ng kanilang kanya-kanyang halo-halong kulay.
Ipinanganak ko ang Aurora Metropolis noong ika-14 ng Hunyo 2010. Kahit taon-taon ay kumukonti ang mga nailalathala kong artikulo, hindi ko ito magawang pabayaan. Bakit? Dahil alam kong kapag dumating ang oras na wala akong matakbuhan o masigawan, nariyan siya’t handang ilaan ang kanyang blangkong pahina para pakinggan ang sinisigaw ng aking isip gamit ang panulat. Nandito lahat ang pinaka-makukulay kong mga sandali, hindi lang bilang manunulat kundi bilang isang taong malaya, may ipinaglalaban at nagmamahal. Sa 164 na artikulong nakaimbak dito, halos lahat ng kulay ng buhay ko o buhay ng mga taong nakakasalamuha ko ay nailahad ko na. Walang kapantay ang panahong tinitipa ko ang mga istoryang iyon at lahat sila ay labis kong ipinagmamalaki.
Sa ikalimang taong kaarawan nito, nagpapasalamat ang Aurora Metropolis sa mga taong nagbigay-kulay sa lahat ng kwentong ibinahagi nito. Pinapasalamatan ko rin ang bawat emosyong naramdaman ko, mula sa pinakamalungkot at pinakamasaya na nagtulak sa akin para maisulat ang bawat artikulong narito. Higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa Panginoon na nagbigay sa akin ng kakayahang magsulat na hinasa ng mga karanasang bumuo sa aking pagkatao.
Muli akong humihingi ng paumanhin sa sinuman (kung mayroon man) na sumusubaysay sa Aurora Metropolis. Hindi ko ulit maipapangakong makasulit ng mas marami pang artikulo dahil sa ginagawang mahalaga ng inyong lingkod. Ang tanging maipapangako ko lamang ay sa tuwing susulat ko, naroon ang iba’t ibang kulay sa inyong pagbabasa.
Muli, sa ikalimang pagkakataon, maraming salamat po.