Sa panulukan ng Pinpin at Escolta
Habang ikaw ay sabik na hinihintay,
Nanunuot sa aking lalamunan
Ang sorbetes na kulay puti’t luntian,
Nakasilip sa bintana,
Umaasa.
‘Di masama
Pero alam kong ‘di tama
Ang magpunla ng aking nararamdaman,
Sabayan pa ng sanlaksang kabaliwan
Na nagpamanhid sa pusong walang malay.
Unti-unti nyang tinutunaw ang laman
Ng nanlamig at sumasablay kong buhay.
Bawat dila,
Tikim at nginig ng saya
Ay may sakit, luha sa kinabukasan.
Lumipas ang lamig, init ay bumigla
Sa kalamnan
Kong dinaya ng sarap, tamis, ginhawa.
Gising na nga bang tuluyan
Sa pag-ibig na ‘di pwede maging tunay?
Pagngiti ko’y lumungkot, tumamlay
sa pagbukas ng pintuan
nang dagling magpasyang ika’y hiwalayan.
Alam ko na
Kahit mahirap, wala na’ng magagawa.
Ang hapdi sa ‘king isipan,
‘Di ko kaya
Na umakyat sa jeep kung saan sasakay.
Dapat sa sarili’y ipaunawa
Na tanggapin ang pawang katotohanan.
Palayo na ako sa Calle Escolta,
Tila umalis na rin sa kasalanan
At ilusyon ng maling pagmamahalan.
Nais ko nang humiwalay.
Ayoko na.
#