Sa nakaraang mga taon, hindi naging madali para sa akin ang maghanap ng lugar kung saan ako mananatili, magiging masaya at uunlad para sa aking kinabukasan. Sabihin na nating dahil sa estado ko sa lipunan, pagsubok sa tulad ko ang isang magandang karera na bubuhay sa akin at hindi lang basta magpapataba ng aking bulsa. Magkagayunman, lahat ng mga pangyayaring aking pinagdaanan ay nagbunga ng napakaraming magagandang bagay – mga biyayang hindi ko mararanasan kung hindi ko iniyakan, pinagtawanan, pinagdusahan at kinaaliwan.
Ilang araw na lang at magbi-birthday na ako. 27 years old na ako. Kung tutuusin, dapat ay sumusweldo na ako nang malaki at mas nakakatulong sa pamilya. Sa edad kong ito, baka naroon na ako sa propesyong napaggagamitan ko ng aking mga talento. Kung naiayon sa normal life pattern ang lahat, malamang, wala akong pakialam sa Maynila at sa mga bagay na tungkol sa Maynila. Sa madaling salita, baka mas makasarili ako ngayon kung nangyari ang mga dapat mangyari.
Ngunit kung tatanungin ninyo ako ngayon kung ano ang feeling ng 27, simple lang ang magiging sagot ko – nakakabata. Bakit? Dahil kapag mas sensitibo ang pananaw mo sa mga mahahalagang bagay na kailangan ng paligid mo, pakiramdam mo ay may magagawa ka. Lahat ng nasa utak mo ay nagsisilbing gasolina ng iyong katawan at dagdag na dugong pumipintig sa iyong puso para maging isa sa mga nilalang na nagbibigay-kulay sa mundong ito. Kapag alam mong may nagawa ka, nakakatulog ka nang maayos. Kapag alam mong marami ka pang magagawa, hindi ka makakatulog nang maayos dahil gusto mo nang mangyari ang mga iyon. Ganoon ang pakiramdam ko sa ngayon.
Hindi maiiwasan ang mga sakit o anumang masamang pakiramdam sa katawan. Normal naman iyon dahil kahit tayo ang pinaka-matalinong nilalang ng Diyos, tayo rin ay may kumplikadong sistemang dapat pang-ingatan. Aaminin ko, mas sakitin ako kumpara noon. Masyado raw kasi akong nag-iisip, nagpupuyat at nagdadamdam sa mga bagay-bagay. Maaaring tama ito. Kaya nangako ako sa sarili ko (at hindi ito ang unang beses na nangako ako) na mas aalagaan ko ang kalusugan ko. Salamat na lamang sa mga taong nasa paligid ko dahil patuloy nila akong pinapaalalahanan.
Minsan, iniisip ko na sinadya ng Langit na hindi nasunod ang tamang pagkakasunod-sunod ng aking buhay: ang kagustuhan kong mag-aral sa isang prestihiyosong unibersidad, ang magtapos ng kolehiyo, ang posibleng pagkakaroon ng trabahong kumikita nang higit dahil sa aking kayang gawin, ang maging sobrang mayaman sa batang edad, at ang kagustuhan kong mahalin ang sarili ko lang. Samakatuwid, naririto ako sa isang sitwasyon na ang tawag ng iba kong kaibigan ay pagka-martir.
Nandito ako sa Escolta, isang lugar na kinalimutan ng lipunan at minsang naging makapangyarihan. Nandito ako para boluntaryong ibuhos ang lahat ng aking talento upang muling kilalaning muli ang Escolta bilang isa sa mga pinakatanyag na lugar sa bansa. Nandito ako para pag-aralan ang galaw ng lahat na parang isang estudyanteng nagma-Master’s Degree sa napakalaking pamantasang ang tawag ay Maynila. Nandito ako para pagyamanin ang aking katauhan, hindi ng pera kundi ng mga natatanging karanasan.
Kaya siguro ako galit sa Math ay dahil sa katotohanang nagpatanto sa akin na hinuhusgahan ng mga numero ang kakayahan natin bilang tao. Kung teenager ka pa, limitado pa lang ang kaya mong gawin pero kung matanda ka na, humiga na lang sa kama at hintayin ang nalalabi mong oras. Ito ang isang bagay na ayaw kong isabuhay. Age is just a number, but thinking of many ways to make a difference is better than counting your age.
Ngayong nalalapit na ako sa aking ika-27 kaarawan, unang-una kong pinapasalamatan ang Panginoong Hesukristo dahil ibinigay Niya sa akin ang isang buhay na kapaki-pakinabang, isang buhay na maipagmamalaki ko sa susunod naming salinlahi. Hangga’t hindi pa Niya binabawi ang buhay na pinahiram Niya sa akin, nangangako akong patuloy na magsisilbi at magmamahal sa Bayang Kanyang pinagpapala.
Maraming salamat sa mga kaibigan at sa mga taong patuloy na nagtitiwala sa akin. Paumanhin sa aking mga kabaliwan. Maraming salamat din sa mga kaaway at sa mga taong hindi ako maunawaan. Naniniwala akong magkakaintindihan din tayo sa tamang panahon.
Maraming salamat sa mahal kong Escolta at sa tinatangi kong Maynila. Lalo ninyong akong binigyan ng kahulugan ang aking buhay. Marami pa tayong pagsasamahan. Hinding-hindi ko kayo iiwan.
Maraming salamat sa Tatay ko dahil wala ako rito kung wala sila ng nanay ko. Magkikita tayong muli sa Kanyang paraiso. Maraming salamat sa pamilya ko na lubos ang pang-unawa sa isang anak na walang matinong direksyon sa buhay. Nangangako akong gagawin ko ang lahat upang patuloy na maging mabait at produktibong parte ng pamilya.
Higit sa lahat, maraming salamat kay Lem. Sa kabila ng aking mga kakulangan noon, ikaw ang naging simbulo upang ipakita sa lahat na may magagawa ako at karapat-dapat pa rin akong tanggapin ng lipunan sa kung ano ako. Magtutulungan tayo para hindi natin pagsawaan ang mga gusto natin para sa ating sarili, para sa ating mga minamahal, para sa ating bayan at para sa Panginoon nating minamahal. Happy 27th birthday sa’yo. Happy 27th birthday sa akin.
mga ganyang edad talaga ay transition stage… belated happy birthday!