“Ang puso ko’y nagpupuri, nagpupuri sa Panginoon. Nagagalak ang aking espiritu sa ‘king Tagapagligtas.”

Ang Santo Papa, Pope Francis at Pangulong Benigno Aquino III sa pagdating niya sa bansa noong Enero 15. (Mula sa CNN)
Mailalarawan ang damdamin ng bawat Katolikong Pilipino sa kilalang awit ng papuri ni Birheng Maria (Lukas 1:46-55) ang apat na araw na pagdalaw ng Mahal na Santo Padre, Pope Francis sa Pilipinas.

Si Pope Francis kasama ang matalik na kaibigan at Arsobispo ng Maynila, Inyong Kabunyian Luis Antonio G. Cardinal Tagle (Kuha mula sa Internet)
Punong-puno ng kagalakan ang pagsalubong sa kanya ng marami mula nang lumapag ang Sri Lankan Airline sa Villamor Airbase patungo sa Apostolic Nunciature na kanyang opisyal na tahanan sa bansa hanggang sa kanyang mga dadaanan patungo sa Manila Cathedral Basilica, Mall of Asia Arena, Tacloban Airport, Palo Cathedral, Quirino Grandstand at sa pag-alis nito bago pumasok sa Shepherd One plane ng Philippine Airlines.
Itinuturing na mapalad ang mga taong nakakita sa kanya, lalo na sa mga nakahawak ng kamay niya, nakahalik sa singsing, nakausap at personal niyang nabasbasan ng panalangin.
Ang pagbisita niya ay tila malaking pagpapala ng Panginoon sa bansa nating patuloy na sinusubok ng napakaraming dagok.
Sa kabila ng iilang pumupuna sa pananampalatayang pinalakas ng Papa, ang Pilipinas ay naging tunay na sambayanan ni Hesus sa maikling panahon. Sa kanyang pagbabalik sa kabisera ng Santa Iglesia sa lungsod ng Vatican, marami ang umaasang mas titibay ang Katolisismo sa Asya kung saan ang Pilipinas ang mangunguna dito.
Sa dinala niyang di matatawarang ngiti sa mga naging gawain niya, makakasigurado siyang mas gagabayan siya ng Maykapal sa Kalangitan dahil sa dadaming Pinoy na magdarasal para sa kanyang kaligtasan at mabuting kalusugan.

Ang matamis niyang ngiti habang binabasbasan ang mga biktima ng Bagyong Yolanda (Haiyan) na dumalo sa kanyang misa sa Tacloban Airport (Kuha ng Dailymail)
—
Panalangin para kay Papa Francisco
Panginoon,
Maraming salamat po sa pagkakataong dalawin ng Santo Padre ang Iyong bayang Pilipinas.
Isang biyaya para sa aming bansa ang makapunta sa aming bansa ang gabay Mong hinirang.
Pinagpala kaming marinig ang Iyong Mensahe gamit ang kanyang tinig
At hinayaan kaming masilayan ang Iyong Ngiti gamit ang kanyang labi.
Panginoon,
Hinihiling ng Iyong sambayanan ang laging kabutihan ng Kahalili ng disipulo Mong si Pedro.
Ilayo Mo siya sa sakit o anumang pisikal na karamdaman.
Nawa’y matanggap niya ang Iyong proteksyon mula sa sinumang gagawa ng masama
O magtatangka ng akto ng kawalang respeto sa kanya.
Panginoon,
Ibigay Mo sa kanya ang patuloy na kalakasan, karunungan at kababaang loob
Upang ipalaganap ang pananampalataya sa daigdig na Iyong nilikha.
Gabayan Mo siya sa lahat ng kanyang mga gawain
At gawing ligtas ang anumang paglalakbay na kanyang tatahakin.
Panginoon,
Ang aming puso bilang isang bansa ay tunay na nagpupuri
Dahil sa pagbibigay Mo sa amin kay Papa Francisco
Nagpapasalamat kami’t nagagalak sa pagdadala Mo ng kaligtasan
Sa pamamagitan niya na ang aming pontipikado at ang Iyong Mabuting Pastol.
Itinataas namin ang lahat ng ito sa pangalan ng Iyong anak na si Hesukristo, kasama ni Inang Maria at ng Espiritu Santo.
Amen.