Eulogy – Tatay

Ayokong umiyak.

Sa pagkakaalam ko, ang isa sa mga pinaka-huling beses na umiyak ako sa harapan niya ay nakunan ng litratong ito.

Larawan noong ako ay mga dalawang taong gulang pa lamang.

Larawan noong ako ay mga dalawang taong gulang pa lamang.

Mahigit dalawampu’t limang taon na ang nakakaraan, may musmos na pilit kumukubili sa bisig ng kanyang ama dahil sa pagkailang sa mga bumibisitang kamag-anak. Pero habang lumalaki ako’t lumalawak ang pagaspas ng mga pakpak, natutunan kong maging matatag sa mga hamon ng buhay. Ang dating payat at sakiting bata na naghahanap ng proteksyon sa tatay niya ay isa nang matapang na nilalang na kaya nang harapin ang mga hamon ng buhay. Hindi na ako muling umiyak sa kanya hanggang sa dumating ang isang umaga – ang umaga ng ika-10 ng Enero 2015.

Sa mga unang minuto ng kanyang tuluyang pamamahinga, habang yakap siya ng umiiyak kong kapatid ay napansin niyang may tumutulong luha sa kanyang mga mata. Pinilit kong hindi maging emosyonal, pinilit kong hindi umiyak, pero nang mangyari iyon, bumagsak ang mga patak ng nagpipigil na luha at tinawag siyang muli sa huling pagkakataong posible pa niya akong marinig.

Dalawang linggo bago siya mawala ay nagsimba ako sa Manila Cathedral sa unang pagkakataon para sa Misa de Aguinaldo. Sinabi ko sa Birheng Maria na bigyan ang aking ama ng kagalingan. Kung hindi man, sinabi kong ibigay na lang sa kanya ang kapayapaaan: isang buhay na walang sakit at walang pagdurusa. Natapos ang misa at dumating ang isang sorpresa – ang makapag-mano, maka-selfie at makasama sa kanyang noche buena ang Arsobispo ng Maynila, Luis Antonio Cardinal Tagle. Pagkatapos ng ispesyal na hapunang iyon ay humingi ako ng basbas sa kanya para kay Tatay. Nag-mano ako. Ngumiti siya, nagpasalamat at saka umalis. May ibang pakiramdam ang mga sandaling iyon kaya nagpasalamat ako sa Panginoon. Alam kong papakinggan niya ang dasal ko.

Pero nang dumating ang araw ng paglisan, hindi ko alam ang mararamdaman ko nung tumugon ang Langit sa aking panalangin. Ang pag-aalaga sa kanya ni Nanay at Kuya Jojo, ang patuloy na paghina ng kanyang katawan, ang mga salitang pilit niyang sinasabi gamit ang gumagaralgal nang tinig at mga gabing pilit niyang maisalba ang lamig at hirap sa paghinga – lahat ng iyon ay tinumbasan ko ng mga dasal sa araw-araw na dumadaan ang pagsubok ang pamilya. Habang inaalala ang mga huling araw ni Tatay sa piling namin, dama kong ayaw na rin talaga niyang pahirapan ang bawat isa sa amin. Kaya umalis siyang tila tinyempuhan na wala ang kuya ko, nakatulog ang nanay ko, at tulog ako at ang mga bunso niyang sina Bruce at Bruce Liit. Tahimik siyang umalis bago pumutok ang bagong araw kassama ang kanyang sundo, ang kapatid niyang si Uncle Rudy na matagal na ring suma-kabilang buhay. Mahirap ito para sa aming lahat, lalong lalo na sa Kuya Jojo ko. Magkagayunman, sa palagay ko, mahirap para sa kanya na makitang nahihirapan ang kanyang pamilya nang dahil sa kanya na kailanman ay hindi naman namin inisip.

Ayokong umiyak sana, pero hindi ibig sabihin nun ay hindi ako mangungulila sa kanya. Ayokong makita ako ng iba na malungkot ngunit hindi ibig sabihin nun ay hindi ako naghihinagpis. May pagkakataong nahihirapan akong sumilip sa kanya sa loob ng puting kahon na iyon pero hindi ibig sabihin nun ay madali para sa akin na hindi na siya makitang muli. Aaminin ko, hindi tulad ng mga kuya ko, hindi ako papa’s boy, pero hindi ibig sabihin nun ay hindi ko siya mahal o hindi niya ako mahal.

Isa lang ang sigurado ko: maaaring kaya kong pigilan ang pag-iyak ng aking mga mata, pero ang puso ko ay mananatiling luluha ng pangungulila sa taong dahilan kung bakit kami nabubuhay at magdadala ng pangalang pinaubaya niya sa amin bago siya lumisan. Sa pagtatapos ng kanyang misyon sa daigdig natin, nagpapasalamat ako sa Panginoong Hesukristo at Inang Maria para sa kanyang paglalakbay sa nakalipas na animnapu’t siyam na taon, pitong buwan at dalawampu’t isang araw. Nawa’y ikagalak ng Kalangitan ang pagbabalik niya sa piling ng mga anghel at banal sa Paraiso.

Si Tatay at kanyang bunso.

Si Tatay at kanyang bunso.

Tatay, sorry kung pasaway ako’t hindi naging mabuting anak sa loob ng ating tahanan. Ngunit hayaan mong gawin kong kapita-pitagan at ikinararangal ng maraming tao ang apelyidong iniregalo mo sa amin. Hindi ko alam kung alam mo, pero sa ginagawa ko ngayon sa trabaho ko sa Escolta, posibleng magkaroon ka ng anak na bayani sa hinaharap. Kami nang bahala kay Nanay. Susubukan kong hindi siya maaburido sa akin. Kami nang bahala kina Bruce at Bruce Liit. Susubukan naming hindi maaburido si Nanay sa kanila. Kami nang bahala kay Rmon. Lagi na siyang magpapaalam sa’yo ‘pag kukuha ng kanin sa kusina at magda-dahan-dahan sa paglalakad para hindi ka mairita. Kami nang bahala sa mga sarili namin nina Abet, Kuya Ramon at Kuya Jojo. Pinalaki mo kaming madiskarte at matapang kaya kakayanin namin ang buhay kaya huwag mo kaming masyadong alalahanin. Alam kong sa iyong pagpapahinga ay magkasama pa rin tayong makikinig ng mga lumang kanta’t mga komentaryo ni Ted Failon sa radyo, at manonood ng TV Patrol at susuporta sa Ginebra kapag may laban ng basketbol sa telebisyon.

Ang isa sa mga masasayang sandali ng pamilya sa panahon ng Kapaskuhan - sa pagitan ng 1995 at 1998.

Ang isa sa mga masasayang sandali ng pamilya sa panahon ng Kapaskuhan – sa pagitan ng mga taong 1995 at 1998.

Dumating na ang panahon para muli Siyang makasama sa Langit. Alam naming patuloy mo kaming gagabayan sa bawat gawain at desisyon namin. Ayaw kong lubusang magpapaalam dahil alam kong magkikita pa tayo nang mata sa mata sa panahong itatakda ng tadhana. Hanggang sa muli, Tatay.

tatay pic small 11

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s