Kaibigan, Baka Nakalimutan Kitang Pasalamatan

Inspirado ng kantang “Best Friend”, mula sa bagong album ni Jason Mraz ngayong taon na pinamagatang “YES”:

Album cover ng YES ni Jason Mraz.

Album cover ng YES ni Jason Mraz.

Love is where this begins | Thank you for letting me in | You’ve always known where I stand | I’ve never had to pretend

And I feel my life is better | Because you’re a part of it | I know without you by my side | That I would be different

Thank you for all of your trust | Thank you for not giving up | Thank you for holding my hand | You’ve always known where I stand

And I feel my life is better | So is the world we’re living in | I’m thankful for the time I spent | With my best friend

Thank you for calling me out | Thank you for waking me up | Thank you for breaking it down | Thank you for choosing us | Thank you for all you’re about | Thank you for lifting me up | Thank you for keeping me grounded | And being here now

My life is better | Because you’re a part of it | I know without you by my side | That I would be different | Yes I feel my life is better | And so is the world we’re livin’ in | I’m thankful for the time I spent | With my best friend

You’re my best friend

Hindi ako nahihiyang aminin na kung anuman ako sa pagkakakilala ninyo ngayon, ang mga iyon ay gawa ng mga naging bahagi ng buhay ko – ang aking mga kaibigan. Sila ang nagbigay ng karamihan sa mga pagkakataong sumubok sa aking kakayahan at humubog sa aking katauhan. Sila ang tumulong sa akin na gamutin ang mga sugat ng sariling pagkakamali at umalalay sa pagkapilay ng kabiguan. Sila yung mga nakahandang mag-drowing ng mga bituin at planeta sa mga panahong ang langit ng aking mundo’y kasingdilim ng itim na kartolina.

Nang marinig ko ang kanta ni Jason Mraz, parang nagkaroon ako ng guilt sa mga taong tinuring kong totoong kaibigan pero nakalimutan ko nang alalahanin. Parang nakaligtaan ko silang pasalamatan, lalo na yung mga kaibigang dumaan lang sa buhay ko. Nang dumaan sa aking mga tenga ang awiting iyon ay napakaraming bumalik na alaala – ang mga alaala ng kaibigang tunay pero hindi nagtagal dahil hanggang doon lang sila sa buhay ko.

Tanggap ko naman sa aking sarili na may mga taong darating at mawawala sa paligid natin. Tulad natin ay may kanya-kanya rin silang tadhanang sinusunod o nilalabag para sa ikabubuti ng kanilang buhay. Naiinis ako kapag pakiramdam ko’y iniiwan nila ako at dito ako nagi-guilty. May mga panahong itinatakwil ko sila bilang kaibigan dahil sa pagiging makasarili ko. Mali iyon pero huli na ang lahat bago ko pa matanto ang kamaliang iyon. Ngunit pagkakataon na rin ang gumagawa ng paraan upang ang mga nasunog na tulay ay dapat palitan at ilipat sa ibang parte ng magkabilang pampang. Sila naman ang mga kaibigang binigay sa akin bilang mga kayamanang dapat ingatan, gaano man sila ka-sensitibong intindihin at alagaan.

Nagbalik-tanaw ang aking utak sa nakalipas na dalawampu’t anim na taon. Maraming mukha ang bumalik sa aking gunita, bagama’t marami sa kanila ang hindi ko na maalala ang pangalan. Magkagayunman, sa mga mukhang iyon ay naaalala ko ang kanilang partisipasyon at paano sila naging tagahabi ng aking pagkatao. Ang manatili sila sa aking alaala ang isa sa mga pinakamahahalagang bagay na pinagpapasalamat ko sa Panginoon.

Pangalawa sa pamilya, ang mga matalik kong kaibigan ang pinakamahalagang handog ng Langit sa akin. Kung makakarating man sa kanila ang sulating ito at ako’y naaalala pa rin nila, nais kong sabihin ang taos pusong pasasalamat. Sa mga nananatili sa aking tabi at ginagampanan pa rin ang kanilang misyon bilang kaibigan ng imperfect na nilalang tulad ko, maraming maraming salamat at pagpasensyahan ninyo na ako. Huwag kayong magsasawa, at kung magsasawa man kayo, handa akong maghintay sa inyong pagbabalik kung gusto nyo pa.

(P.S.: Sa mga kaibigan ko, malamang ang una nyong reaksyon ay… “Hala! Nag-i-emo!” Hahaha!)

FAST POST #31: Kape | Pader

aurora - kape pader copy

Nitong hapon lang ay napagdesisyunan namin ng aking kaibigan na magkape sa sweets shop sa hotel na pinapaandar ng isang unibersidad sa Intramuros. Sa harapan ng daan-daang estudyanteng naglalakad sa labas ng salamin, ang pagnamnam sa kapeng iniinom ko ay siya na ring pagnamnam ko sa gandang taglay ng pader ng lumang lungsod.

Masarap ang churros at ang caramel dip. Masarap din ang kape. Kaya na-inspire akong sumulat nito. :) (Kuha ni Diane Denise J. Daseco)

Masarap ang churros at ang caramel dip. Masarap din ang kape. Kaya na-inspire akong sumulat nito. 🙂 (Kuha ni Diane Denise J. Daseco)

Hindi kasing-tamis ng caramel dip ng churros ang dinanas ng Maynila pagkatapos ng kanyang pagkawasak noong digmaan, pitumpung taon na ang nakararaan. Magkagayunman, tulad ng pagkagat ko sa churros ay nalalasap ng aking isip ang mga kuwentong sa mahigit apat na raang taon ay pinatamis ng karangalang pinanghawakan nito.

Kahit malamig, ang tapang ng kapeng hinihigop ko’y aking nararamdaman. Ngunit pumitik sa utak ko ang realidad – ramdam pa ba o pinapahalagahan pa ba ng henerasyong ito ang katapangang itinaglay ng pader ng Intramuros? Ito na raw ang panahong kung kailan ang dakilang kalasag na nagtanggol sa kabisera noon ay isa na lamang simpleng pader sa paningin ng marami. Sa kabila niyon, marami man ang hindi nakakaalam ng kanyang natatanging nakaraan ay binubuhay pa rin nito ang puso ng Maynila. Ang mga kabataang masayang tumatambay, naglalaro, gumagala o nagbabasa ng kanilang mga aralin dito – silang mga kabataan ang nagpapanatili sa ating isip ng dahilan kung bakit itinayo ang pader ng Intramuros. Ito ay ang protektahan ang kapayapaan para sa kaligayahan ng kanyang bayan.

Ang kape at ang pader ng Intramuros ay parang pag-ibig – makisig pero mapagmahal.

Pagbabalik-Tanaw: July 17, 2005

Kung magkaklase tayo noong kolehiyo, siguradong pagtatawanan ninyo ako sa kuwentong ito.

Habang naghihintay ng kuryente na pinaralisa ng bagyong Glenda ay sinubukan kong maghalungkat ng mga bagay-bagay sa isa sa mga cabinet namin. Sa hindi inaasahan ay natagpuan ko ang isang kulay brown na notebook na nakaipit sa tinago kong mahahalagang papel noong kolehiyo. May titulong “Daily Journal”, ang notebook na ito ay nagsilbing diary ko noong kalagitnaan ng 2005. Pinakahuling entry sa notebook na ito ay may petsang July 17 at habang binabasa ko ito’y natawa ako. Biglang bumalik sa aking gunita ang eksaktong “kilig” nung araw na iyon habang sinusulat ang mga pangyayaring iyon. Hayaan ninyong ibahagi ko ang mga ito.

(May konting editing lang dito para mas okay basahin. Hindi pa gaanong conscious sa sentence construction ang inyong lingkod noon. Hehe!)

Maganda ang handwriting ko noong college. Ngayon... anyare? LOL!

Maganda ang handwriting ko noong college. Ngayon… anyare? LOL!

July 17, 2005, Sunday

It’s Cinemalaya Day! Grabe! Excited na akong makapasok sa CCP dahil first time kong pumasok dito. Mag-isa lang akong pumunta doon dahil hindi ko na mahintay si Roselle. Ang usapan kasi namin, pupunta siya sa bahay para sabay kaming pumunta doon.

Tinanong ko na lang kay Tatay kung saan bababa kapag pupunta doon. After almost an hour ng biyahe, nakarating din ako doon at ako yata ang pinakaunang taga-PLM na dumating. Siguro mga quarter to 12:00 noon ay naroon na ako. Sa 30 minutes kong paglilibot sa CCP eh hindi ko na napansin ang pagdami ng tao at pagdating ng aking mga kaklase. Habang naglilibot ako para hanapin sila, nakita ko si Rogie… at kasama na naman niya si Wenno. Naka-pink shirt at naka-gel ang buhok (palagi kasi siyang naka-sumbrero eh!), ang guwapo-guwapo talaga ng bagong crush ko. Nang makita ko siya’y pinakilala ni Rogie si Wenno sa iba naming kaklase at nang nakita ako ni Wenno ay binati niya ako. Ilang sandali lang ay pinapila na kami para pumasok sa Little Theater kung saan gaganapin ang screening ng ICU Bed #7 at ng short film na “Blood Bank”.

After two hours ng panonood, matapos ang sobrang pagtawa sa palabas at panlalamig sa loob ng sinehan ay lumabas na kami. Hinintay ko sina Kaye Ann at DJ sa labas ng ladies CR at habang naghihintay ay nakita kong kumukuha ng kape si Wenno sa Nescafe booth. Pinuntahan ko siya’t tinanong ko siya kung libre at um-oo naman siya. Pinilit kong kumuha pero napakaraming tao ang gusto rin nito kaya humingi ako ng favor sa kanya na ikuha ako ng isang baso. Kinuha naman niya ako at binigyan niya rin ako ng sugar na nasa sachet. Nag-suggest pa siyang lagyan ko ng pinaghalong magkaibang cream (nakalimutan ko yung mga flavor) dahil masarap daw. Habang umiinom ng kape ay nagkuwentuhan muna kami. Talagang “chill na chill” raw siya sa sobrang lamig sa loob ng theater kaya siya uminom ng kape. Nang matapos siya sa first cup niya ay kumuha pa siya. Nasa kalagitnaan na siya ng kanyang second cup nang kumuha pa ako ng isa, and now with his suggestion of coffee with two cream flavors. Pero in fairness, masarap siya. Patuloy pa rin kaming nag-uusap at nasa 1/4 pa lang ng second cup ay kumuha na naman si Wenno ng kanyang third cup. Grabe siya magkape! Ang reason niya naman, nilalamig daw talaga siya at sa awa naman ng Diyos, bumalik na raw ang kanyang sigla at kulay. At salamat naman, lumabas na rin ang aking mga kasamang umuwi at lumabas na rin si Rogie na hinihintay ni Wenno. Kahit magkaiba na kami ng kakuwentuhan, nakita kong kumuha pa siya ng 4th cup.

Ilang minuto bago kami lumabas ng CCP at habang nakikipagkuwentuhan sa ibang kaklase ay bigla siyang lumapit sa akin para yayain akong magkape. Natawa na lang ako’t nagbiro dahil nakaapat na siya. Pero dahil sa totoong napakasarap ng kape ay nakatatlo pa ako. Nakita ako ni Wenno na nakaupo sa isang gilid at umiinom ng kanyang panglimang cup. Tinawanan ko siya, muling biniro at nagpaalam na. Ilang minuto lang ay lumabas na kami’t umuwi na. Ang iba nama’y pumunta pa sa Robinson’s para maglakwatsa, at siyempre, kasama si Wenno. Hindi na kami sumama ng iba naming kaklase dahil may pasok bukas at wala kasi akong pahinga kahapon dahil sa rally.

Hay naku! Ang gandang araw talaga nito kahit rest day! Sulit naman ang panonood ng ICU Bed #7 at napaka-momentous ng event na ito dahil first time kong nakapasok dito sa CCP. At siyempre, nakausap ko nang malapitan si Wenno. Hehe!

Mahilig akong mag-attach ng mga bagay na nakuha ko sa diary. At eto ang nakalagay para sa July 17, 2005.

Mahilig akong mag-attach ng mga bagay na nakuha ko sa diary. At eto ang nakalagay para sa July 17, 2005.