Rated PG: Timplahan ng Disiplinang May Kurot na Pang-unawa

Ang rebyu na ito ay ipinasa sa National Youth Commission (NYC) bilang bahagi ng paggunita sa Children’s Month ngayong buwan ng Oktubre. Malugod kong binabahagi rito sa Aurora Metropolis ang pananaw sa isang makabuluhang pagtatanghal sa entablado ukol sa pagpapalaganap ng adbokasiyang “positive discipline” sa mga kabataang Pilipino.

Ang entablado ng PETA bago magsimula ang Rated PG.

Ang entablado ng PETA bago magsimula ang Rated PG.

Ang PETA Phinma Theater kung saan ginanap ang dulang Rated PG.

Ang PETA Phinma Theater kung saan ginanap ang dulang Rated PG.

Ang PETA Theater Center sa New Manila, Quezon City,

Ang PETA Theater Center sa New Manila, Quezon City. Napakahirap hanapin. Haha!

Marami sa ating mga Pilipino noon at ngayon ang dumaan sa pisikal na pagdidisiplina ng magulang noong panahon ng ating pagkabata. Habang tayo’y lumalaki, marami naman sa atin ang naintindihan ang gustong iparating ng nanay, tatay o mga tagapag-alaga natin sa tuwing nagagawa nila ito. Dahil dito, maaga tayong natuto sa pagkakakilanlan ng tama o paggawa ng nararapat para sa ating sariling kapakanan. Sa kabila nito, nakakalungkot isiping may mga iilang ang epekto ng ganitong disiplina ay nagdudulot ng tila matagalang bangungot na nadadala nila sa kanilang puso habambuhay. Binubunga nito ang isang pagkataong puno ng poot, pangamba at kawalang pag-asang nagsimula sa maagang pagkamulat sa karahasan sa loob mismo ng tahanan, paaralan o pamayanan.

Bilang magulang ng bansa, may mga ligal na probisyon at mga panukalang batas ang ating pamahalaan upang tumugon sa masamang epekto sa kabataan ng ating nakasanayang pagdidisiplina na kilala bilang “corporal punishment”. Pinapaalala nito sa mga magulang at tagapag-alaga ang kanilang mga limitasyon sa pagbibigay ng parusa. Bukod dito, inaatasan rin sila ng batas na ipaliwanag sa bata ang mga aral o akmang dahilan na kaakibat ng kanilang pagdidisiplina. Sa pamamagitan ng mga polisiyang ito, iginigiit ng estado na mabura sa lipunan ang “corporal punishment” at sa halip ay maisalin sa mas kaaya-ayang katawagang tinatawag na “positive discipline”.

Sinisikap ng ilang organisasyon at pribadong institusyon na tulungan ang mga ahensiya ng gobyerno upang ipalaganap ang kaalaman ukol sa adbokasiya ng “positive discipline” para sa kapakanan ng kabataang Pilipino. Nagsasagawa ang mga ito ng mga gawain at programang nagpapamulat sa lahat, bata man o matanda, sa karapatan ng mga kabataang sumasakop sa loob ng pamilya, barangay, eskwela at sa lipunang kanilang ginagalawan. Isa sa mga grupong tumataguyod sa pagpapahayag ng mga karapatang ito ay ang mga nasa larangan ng sining, partikular sa industriya ng teatro. Dito aktibo ang Philippine Educational Theater Association o PETA.

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Children’s Month ngayong Oktubre, ang PETA, sa pamamagitan ng PETA Advocate Right to Safety Zone for Children (PETA ARTS Zone Project) kasama ang terre des Hommes-Germany (international children’s right organization) at German Federal Ministry for Economic Cooperation and Development ay naghandog ng isang makabuluhang pagtatanghal na nagpapakita na ang tamang pagdidisiplina sa bata ay magdudulot ng kabutihan, hindi lang sa kanyang katauhan kundi sa lahat ng aspeto ng pamilya at komunidad.

Pinamagatang “Rated PG”, ito ay kuwentong umiikot sa isang pamilyang hindi naiiba sa tipikal na pamilyang Pilipino. Si Joselle, bilang inang nagnanais ng magandang kinabukasan para sa pamilya, ay nagbabalak na magtrabaho sa ibang bansa upang masiguro ang pagtatapos ng pag-aaral ng mga anak na sina Rosalie at Tonton. Hindi maiiwasang mag-alala ni Joselle sa pagsubaybay sa gawi’t pag-uugali ng mga ito dahil masyado ring tutok sa pagha-hanapbuhay ang asawang si Romy. Napaka-kaunti ng oras na ama ng pamilya upang panatilihin ang magandang moral ng kanyang mga anak na sa panahon ngayon ay mas nangangailangan ng tamang paggabay. Sa pagkamulat niya sa mundo ng pagdadalaga, si Rosalie, ang panganay sa pamilya, ay nakakaranas na ng mga pangyayari kung saan bukas siya sa mga di-kaaya-ayang gawain. Dahil sa sobrang paghihigpit at pagdududa ni Joselle sa mga ginagawa niya, hindi na naging malapit ang loob ni Rosalie sa kanyang ina na sa kanyang isipan ay hindi siya naiintindihan nito. Si Tonton naman, ang bunso ay nagiging sobrang pilyo na umaabot sa sitwasyong hindi niya na alam na ang kanyang ginagawa ay hindi na tama. Dahil sa pagiging pasaway, napapasabak si Tonton sa mga away at napapagaya sa hindi magagandang gawi ng iba nyang mga kaklase tulad ng pagmumura o pagsuway sa kanilang guro. Sa mga tulad nito’y nasusubukan ang kakayahan ni Joselle bilang nanay na mas nakatuon sa pagdidisiplina ng mga anak nang hindi gumagamit ng pisikal na parusa tulad ng pamamalo, pangungurot at iba pa. Lumaki man sina Joselle at Romy sa ganitong pagpaparusa noong sila’y bata pa, ayaw niyang gayahin ang naranasan nito sa kanyang mga magulang.

Bukod sa problema ng pamilya ni Joselle, ipinakita rin dito ang mga posibleng resulta sa mga kabataan ng pagiging salat sa patnubay ng mga magulang dahil sa sobrang pagtatrabaho, pagkaabala sa pag-aalaga ng napakaraming supling at hindi pag-alam sa aktibidad o mga lugar na pinupuntahan nito. Ipinapakita rito ang iba’t ibang klase ng pagrerebelde ng mga kabataan tulad ng paninigarilyo o pag-inom ng alak, paghahanap ng atensyon ng iba sa pamamagitan ng pakikipag-text, pakikipag-away sa kalaro o kaklase o yung hindi na sinusunod ang utos ng kanilang magulang.

Dumaan ang mga pagsubok sa pamilya ni Joselle kung saan kinailangan na niyang gawin ang huling paraang naisip nila ni Romy, ang kausapin nang masinsinan sina Rosalie at Tonton. Dito narinig ng mag-asawa ang saloobin ng mga anak, lalo na ang panig ni Rosalie na lumala ang pagtatampo nang hindi siya payagan ni Joselle na sumali sa isang school dance competition. Ang pag-uusap na ito ang naging susi upang masolusyunan ang mga problema ng pamilya. Sa pagtatapos ng kanilang pag-uusap ay napagkasunduan nilang mag-uusap nang mas madalas kung may problemang kailangang solusyunan at hindi dadaanin sa mainit na komprontasyon ang anumang bagay na hindi pagkakasunduan. Nagtapos ang mga suliranin sa pagpapakita ni Joselle na ang bata ay mapapatino sa mahinahong disiplina nang hindi gumagamit ng marahas na pagpaparusa.

Tipikal man ang istorya ng Rated PG, sinasalamin ng 2010 Carlos Palanca Memorial Award for Literature awardee ang lahat ng mga pinakamahalagang isyung pang-pamilya at panlipunan na nakatuon sa mga kabataan. Sa pangunguna ng direktor na si Mae Quesada-Medina, manunulat nitong si Liza Magtoto, at likhang musika’t komposisyon ni Vincent de Jesus na idinerehe ni Dodjie Fernandez, naging magaan ang pagtatanghal ng Rated PG, marapat upang mapanood ng mga kabataan kasama ang kanilang mga magulang at guro. Higit sa lahat, epektibo ang naging pagganap ng mga tao sa ibabaw ng entablado na nagpatawa sa atin at nagbigay ng malinaw na larawan na nais iparating sa atin ng palabas na ito. Pinatunayan ng Rated PG at ng iba pang pagtatanghal ng PETA-ARTS Zone Project na ang kabataan ay hindi lang basta mga bata, sila’y mga buong tao na at may karapatang mabuhay nang maayos sa mundong nilikha Niya.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s