FAST POST #28: Ang Abolisyon ng Kongreso At Pagsupil ng Political Dynasty sa Pilipinas

Ang Batasan Pambansa Complex kung saan ginaganap ang session ng mga Kinatawang Pang-distrito sa buong Pilipinas. (Larawan mula sa Yahoo News)

Ang Batasan Pambansa Complex kung saan ginaganap ang session ng mga Kinatawang Pang-distrito sa buong Pilipinas. (Larawan mula sa Yahoo News)

Nagiging matinding usapan ang panukala ni election lawyer Romulo Macalintal hinggil sa pagsuspinde ng operasyon ng Senado at Kamara mula 2016 hanggang 2022. Ayon sa kanya, ang pagsasara ng Kongreso sa loob ng anim na taon ay magreresulta ng malaking katipiran sa budget ng pamahalaan na maaaring gamitin sa pagpapalawak ng mga serbisyo ng gobyerno. Samantala, iaatas sa mga pinuno ng highly-urbanized cities and municipalities ang pagpapaunlad at pagpapatupad ng mga batas dahil sila ang mas nakakaalam ng mga isyu’t problema sa kanilang nasasakupan. Ipapatawag lamang sila sa isang malakihang pulong kapag may mahalagang batas pambansa ang dapat na italakay at pagkaisang sang-ayunan. Kumbaga, umaakma sa sistema ng pamahalaang pederal ang ganitong klaseng sistema, na sa palagay ni Macalintal at mga grupong nagtutulak nito, ay makakapag-organisa nang mas maayos sa pulitikal na iskema ng Pilipinas. Ang panawagang ito ay malakas na ipinapalaganap ng maraming sektor upang marinig ng Pangulo at ng mga kaalyado sa dalawang Kapulungan ang kagandahan nito para sa ikalilinis ng ating bureaukrasya.

Sakali mang ipatupad ang suhestiyong ito ay maaaring maapula ang kumakalat na kabulukan sa loob ng mga bulwagan ng gobyerno. Sa kabilang banda, hinahayaan ng panukalang ito na tumakbo pa rin ang ilang mga trapo (traditional politicians) at bimpo (mga anak at kamag-anak na itinulak ng mga trapo para pumasok sa pulitika) sa mga lokal na posisyon. Limitado man ang alokasyon ng budget sa local government units ay mapapalakas nito ang nananaig pa ring political dynasties na maaaring mag-kompromiso sa taumbayang kanilang dapat paglingkuran. Mawala man ang Kongresong isinulat ng kasaysayan bilang ugat ng katiwalian, nariyan pa rin ang mga angkan na pilit na sinisiksik ang kanilang kapangyarihan para manipulahin ang pamahalaan.

Bilang solusyon, bumulaga sa aking isipan ang isang aspetong sa tingin ko’y susuporta sa mabilisang pagsira sa maruming sistema kung saan wala tayong magawa kundi ang masanay. Kung mangyayari man ang abolisyon ng Kongreso, oras na rin siguro upang ayusin ang sistema ng pagpili ng mga uupo sa ating gobyerno, ANG SISTEMA NG HALALAN. Bagama’t hindi ako political science student na sagad ang kaalaman sa mga terminolohiya’t metodolohiyang ginagamit sa pagpapatakbo ng anumang gobyerno sa daigdig, hindi ko minamaliit ang tawag ng aking utak at puso na makisali sa pagbabago sa pamahalaan. Para sa akin, maililigtas tayo ng maliliit na suhestiyong ito na nagsususog sa ating electoral system laban sa mga ganid na nagpapakilala bilang pulitikong Pilipino.

Barangay Chairman / Kagawad – 1.) Anumang edad, marunong bumasa’t sumulat, at unang beses pa lang na tatakbo sa posisyong ito ang maaaring kumandidato. 2.) Nanirahan sa barangay ng dalawang taon o higit pa at rehistradong residente/botante ng barangay. 3.) May certificate of eligibility sa civil service. 4.) Walang anumang criminal record. 5.) Maglilingkod ng anim na taon ngunit hindi na pwedeng tumakbo sa posisyong ito. 6.) Walang kamag-anak na nakaupo sa anumang posisyon sa pamahalaan (hanggang 3rd degree of consanguinity) sa panahon ng pagsusumite ng kandidatura.

SK Chairman / Kagawad – 1.) Kabataang nasa edad 18-25 taong gulang, marunong bumasa’t sumulat at unang beses pa lang na tatakbo sa posisyong ito ang maaaring kumandidato. 2.) Nanirahan sa barangay ng dalawang taon o higit pa at rehistradong residente/botante ng barangay. 3.) May certificate of eligibility sa civil service. 4.) Walang anumang criminal record. 5.) Maglilingkod ng anim na taon ngunit hindi na pwedeng tumakbo sa posisyong ito. 6.) Walang kamag-anak na nakaupo sa anumang posisyon sa pamahalaan (hanggang 3rd degree of consanguinity) sa panahon ng pagsusumite ng kandidatura.

City Councilor / Municipal Board Member – 1.) Anumang edad at marunong bumasa’t sumulat ang maaaring kumandidato. 2.) Nanirahan sa distrito ng tatlong taon o higit pa at rehistradong residente/botante ng distrito. 3.) May certificate of eligibility sa civil service 4.) Walang anumang criminal record. 5.) Maglilingkod ng tatlong taon ngunit hindi pwedeng tumakbo sa loob ng anim na taon pagkatapos ng termino sa parehong posisyon. 6.) Walang kamag-anak na nakaupo sa anumang posisyon sa pamahalaan (hanggang 3rd degree of consanguinity) sa panahon ng pagsusumite ng kandidatura.

Governor / Vice Governor / Mayor / Vice Mayor – 1.) Anumang edad at marunong bumasa’t sumulat ang maaaring kumandidato. 2.) Nanirahan sa lungsod o munisipalidad ng tatlong taon o higit pa at rehistradong residente/botante ng lungsod o munisipalidad. 3.) May certificate of eligibility sa civil service 4.) Walang anumang criminal record. 5.) Maglilingkod ng tatlong taon ngunit hindi pwedeng tumakbo sa loob ng anim na taon pagkatapos ng termino sa parehong posisyon. 6.) Walang kamag-anak na nakaupo sa anumang posisyon sa pamahalaan (hanggang 3rd degree of consanguinity) sa panahon ng pagsusumite ng kandidatura.

President / Vice President – 1.) Pilipinong may edad 40-70 taong gulang pataas, marunong bumasa’t sumulat at unang beses pa lang na tatakbo sa posisyong ito ang maaaring kumandidato. 2.) Ipinanganak sa Pilipinas, nanirahan sa Pilipinas ng sampung taon o higit pa at rehistradong botante ng Pilipinas. 3.) May certificate of eligibility sa civil service. 4.) Walang anumang criminal record. 5.) Maglilingkod ng anim na taon ngunit hindi na pwedeng tumakbo sa kahit anong posisyon pagkatapos ng kanyang termino. 6.) Hindi pwedeng magpatakbo o magtalaga ng kamag-anak (hanggang 3rd degree of consanguinity) sa anumang posisyon o ahensiya sa pamahalaan habang siya ay nasa panunungkulan.

Huli sa lahat, sa pagbabalik ng Lehislatura pagkatapos ng anim na taon, ito ang magiging kwalipikasyon nila:

Senator – 1.) Pilipinong nasa edad 30-65 taong gulang at marunong bumasa’t sumulat ang maaaring kumandidato. 2.) Ipinanganak sa Pilipinas, nanirahan sa Pilipinas ng limang taon o higit pa at rehistradong botante ng Pilipinas. 3.) May certificate of eligibility sa civil service. 4.) Walang anumang criminal record. 5.) Maglilingkod ng anim na taon ngunit hindi pwedeng tumakbo sa parehong posisyon sa loob ng labindalawang taon pagkatapos ng kanyang termino. 6.) Walang kamag-anak na nakaupo sa anumang posisyon sa pamahalaan (hanggang 3rd degree of consanguinity) sa panahon ng pagsusumite ng kandidatura.

District Representatives – 1.) Anumang edad at marunong bumasa’t sumulat ang maaaring kumandidato. 2.) Nanirahan sa distrito ng tatlong taon o higit pa at rehistradong residente/botante ng distrito. 3.) May certificate of eligibility sa civil service 4.) Walang anumang criminal record. 5.) Maglilingkod ng tatlong taon, pwedeng tumakbo para sa re-eleksyon ngunit hindi pwedeng tumakbo sa loob ng anim na taon pagkatapos ng ikalawang termino sa parehong posisyon. 6.) Walang kamag-anak na nakaupo sa anumang posisyon sa pamahalaan (hanggang 3rd degree of consanguinity) sa panahon ng pagsusumite ng kandidatura.

Para sa party-list, mangyaring hindi na maghalal ng mga ganitong kinatawan dahil tulad ng NGO, nagagamit din ang party-list representation sa mga kahina-hinalang agenda ng mga pulitiko, negosyante, maka-kaliwa o sinumang nagpapanggap na sila ay kumakatawan sa isang sektor. Sapat na ang mga district representative upang katawanin ang mga kinikilalang sektor ng lipunan dahil sila’y maaatasan sa mga komiteng tututok at tatalakay sa mga isyu sa mga sektor na ito.

Ang panukalang pagsasara sa Kongreso ay isang matinding prosesong nakikita ng marami bilang solusyon sa pagputol sa sistema ng political dynasty. Dahil sa pagiging mas mulat ng mga Pilipino tungkol sa mga nagaganap sa ating lipunan, nagiging mas agresibo ang kasalukuyang administrasyon at ng iba pang nananahimik na Pinoy upang ipalaganap ang pagbabago para sa hinaharap ng pambansang pulitika. Nagsisimula pa lamang ang sinasabing tuwid na daan, at sa pamamagitan nito ay matuto pa sana ang marami sa atin na magpahayag ng mga saloobin at mungkahi, at makiisa sa mga epektibong aksyon tungo sa pag-unlad ng nag-iisa nating bayan.

One thought on “FAST POST #28: Ang Abolisyon ng Kongreso At Pagsupil ng Political Dynasty sa Pilipinas

  1. Carla Duran ay nagsasabing:

    Update: Ayon sa huling balita, nag-isyu na ng warrant of arrest ang National Bureau of Investigation kay Janet Napoles at sa kanyang kapatid na si Reynald “Jojo” Lim dahil sa isinampang kaso ni Luy. Sisimulan na ring imbestigahan ang scam upang malaman ang iba pang dawit sa panlolokong ito. Harin awa’y magkaroon ng hustisya sa pangyayaring ito at hindi lamang sina Napoles ang maparusahan kung hindi pati na ang mga senador, kongresista at iba pang taong nasa posisyon na nanloloko sa bayan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s