
Ang panawagang nag-udyok sa lahat para manawagan sa pagtatanggal ng pork barrel sa sistema ng pamahalaan.
Sa nakalipas na linggo ay naging malakas ang panawagan ng mga nagmamalasakit na mamamayan para ibasura ang Priority Development Assistant Fund (PDAF) ng mga mambabatas. Ang PDAF, o mas kilala bilang ‘pork barrel’, sa mga nagdaang panahon ay naging malaking dahilan ng maraming senador at mga kinatawan upang samantalahin ang pondo ng gobyerno na dapat ay napupunta sa mga serbisyong makakabuti sa mga nasasakupan nilang distrito o sektor. Matagal na itong putik na ibinabato sa lehislatura ngunit dahil wala namang konkretong patunay sa mga alegasyong ito ay nananatili itong patay na iskandalo sa loob ng kani-kanilang mga bulwagan. Pero dumating sa eksena ang pangalang Janet Lim Napoles, ang sinasabing may-ari ng napakaraming non-government organizations (NGOs) na ginagamit upang maka-kulimbat ng pondo mula sa pork barrel ng mga mambabatas. Ang masakit pa rito, lumalabas na si Napoles ay may direktang koneksyon sa mga ito, sapat upang malaya siyang nakakakuha ng napakalaking halaga ng pera sa pamahalaan para sa kanyang pansariling interes. Sa pagsabog ng kontrobersiyang ito ay nagsimula nang mag-init ang maraming mamamayan, at sa pamamagitan ng social media, ang hinaing ng iilan ay naging nakakabinging hiyaw ng sambayanan, sapat upang ang pork barrel ay tuluyan nang ilibing sa kasaysayan ng sistema ng pamahalaan.
Ngayong araw na ito, ika-26 ng Agosto 2013, Araw ng mga Bayani, ay ginaganap ang #MillionPeopleMarch sa Luneta at sa iba pang kabisera ng Pilipinas. Ang pagtitipong ito ang naging tugon ng mga pribadong indibidwal, sa tulong ng mga tunay na nagmamalasakit na grupo sa mas matindi pang sigaw upang i-abolish ang PDAF. Hindi man dapat tawaging isang ‘political rally’ o isa na namang ‘people power’ para patalsikin si Pangulong Noynoy Aquino, ang #MillionPeopleMarch ay isang pagsasama-sama upang iparinig sa kasalukuyang administrasyon at sa mga mambabatas ang tinig ng iisang bansa hinggil sa isang realidad na harap-harapang sumasampal sa kanila. Isa itong panawagan na maging ang Presidente ay nakikiisa sa diwa upang maging malinis at gawing mas kapita-pitagan ang istruktura ng gobyerno pagdating sa paggamit ng kaban ng bayan. Isa itong pamamaraan upang ilihis ang kinabukasan ng Pilipinas sa mas marami pang buwayang tulad ng ilang senador, kongresista o isa pang ganid na Napoles na umaabuso sa kaluwagan ng sistema ng pagpapaabot ng tulong sa mga Pilipino.
Binalak kong pumunta sa Luneta ngayon, pero biglang sumagi sa isip ko na huwag na lang pala. Hindi ako pumunta sa #MillionPeopleMarch dahil alam kong mas magiging maingay ang aking utak at mga daliri sa panawagang ito gamit ang Internet at social media. Maaaring ang magiging presensiya ko roon ay makakaapekto sa ingay ng maraming nagmamalasakit na Pilipino, sa tingin ko, mas makakatulong akong ilantad sa mas marami nating kababayan ang adbokasiyang ito sa paraaang maaabot ko sila gamit ang aking Facebook account.
Hindi ako pumunta sa #MillionPeopleMarch para lang makakita ng mga sikat na personalidad. Hindi ako pumunta ng #MillionPeopleMarch hindi dahil ayokong makasama ang mga aktibistang may pansariling interes na lagi na lang galit o gusto laging pinapatalsik ang kung sinumang nakaupo sa Malakanyang. Hindi ako pumunta sa #MillionPeopleMarch para lang masabing bahagi ako ng kasaysayan pero ang totoo’y nakatayo lang ako roon at magmaganda.
Hindi ako pumunta sa #MillionPeopleMarch dahil mas makakabahagi ako ng mga taong nasa Luneta bilang isa sa milyon-milyong nagmamartsa sa loob ng online community. Mula rito, kaya kong makatindig sa paglaban sa pork barrel sa pamamagitan ng pagmamartsa ng aking mga daliri at pagsigaw ng aking isip. Sana lang, sa mga hindi pupunta ng #MillionPeopleMarch, maging bahagi sana kayo ng ating online march upang maging konektado ang martsa ng mga nasa Luneta laban sa pagtatanggal ng pork barrel, isang labang babago sa mukha ng gobyerno at isang labang magliligtas sa magandang kinabukasan ng susunod nating salinlahi sa hinaharap.
#AbolishPDAF #AbolishPorkBarrel #MillionPeopleMarch
Saan magtatapos o ano ang dulo ng #MillionPeopleMarch,? Ang naganap sa Luneta bagamat marami ang dumating ay magkakaiba ang mga pananaw at paninindigan sa usapin ng PDAF.