Masyadong mabilis ang mga pangyayari ngayong buwan na ito. Halos hindi ako nakapagsulat para sa ikatlong anibersaryo ng Aurora Metropolis dahil sa biglaang pagdating nito. Hindi ko inaasahan na walang kasing laki ang natanggap kong karangalan bilang isang kabataang lider ng lungsod ng Maynila. Pagkatapos ng panunumpa ng paglilingkod ng Katipunan ng Kabataang Maaasahan (KKM) kung saan ako ang tagapagtatag, inadya ng Panginoon sa pamamagitan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim na ipagkatiwala sa akin ang isang malakihang proyekto na pinondohan ng lungsod sa pamamagitan ng Youth Development and Welfare Bureau. Ito ay ang makabuluhang pagpupulong ng mga kabataan, ang kauna-unahang Manila Young Leaders Assembly, na ginanap nitong ika-22 hanggang 23 ng Hunyo 2013 sa El Cielito Hotel, Boys Scouts of the Philippines Complex, Mt. Makiling National Park, Los Banos, Laguna.
Nais kong ibahagi sa inyo ang pinakamahalagang talumpati ng aking buhay, ang opening speech ng inyong lingkod sa Manila Young Leaders Assembly. Isang karangalang itanghal ang isang programang inihahandog para sa mga piling kabataang lider ng lungsod. Isang karangalang hindi malilimot ng aking puso’t isipan magpakailanman.
Hinihiling ko na tayo’y tumayong muli sa ikatlong pagkakataon. Alam nyo naman po kung bakit natin ipinagdiriwang ang araw na ito. Ano po ba ang meron sa Lunes? (Sumagot ang mga kalahok nang sabay-sabay ng “Araw ng Maynila”) Bilang pagdiriwang, pakikiisa at pagmamahal sa pinakadakilang lungsod sa buong bansa, kantahin po natin ang Awit ng Maynila.
(Muling nagsabay-sabay na umawit ang lahat ng “Awit ng Maynila”)
Tanging lungsod naming mahal,
tampok ng Silanganan
Patungo sa kaunlaran
at kaligayahan.
Nasa kanya ang pangarap,
dunong, lakas, pag-unlad.
Ang Maynila’y tanging perlas
ng bayan, ngayo’t bukas.
Maynila, O Maynila!
Dalhin mo ang bandila.
Maynila, O Maynila!
At itanghal itong bansa.
Maynila, O Maynila!
Dalhin mo ang bandila.
Maynila, O Maynila!
At itanghal itong bansa.
Maraming salamat po. Pwede na po kayong magsiupo.
Arch. Dunhill E. Villaruel, direktor ng Youth Development and Welfare Bureau. Kgg. Nino M. dela Cruz, konsehal ng Unang Distrito ng Maynila. Sa officers at coordinators ng Youth Development and Welfare Bureau. Sa kapwa ko kabataan ng Maynila, sabi nga ni Jeorna, isang napakagandang umaga po sa inyong lahat.
Natutunan ko lang ito noong Thursday, kausapin po ninyo ang katabi nyo. Sabihin po ninyo, “be a blessing for me”. (Sabay na sasabihin ng mga kalahok sa kanilang katabi ang nasabing kataga.)
Yung nangyayari sa atin ngayon, ang Manila Young Leaders Assembly, isa siyang blessing para sa akin. Hindi lang para sa akin kundi para sa kabataan ng Maynila. Isang biyayang ipinagkaloob ng Panginoon at ginamit niya ang pamahalaang lungsod ng Maynila, at siyempre pa, ang ating pinakamamahal na ama, Kgg. Alfredo S. Lim.
Napakaraming pinagdaaanan bago marating ang event na ito. 2011, ise-share ko lang, nang simulan namin ang Samahan ng Kabataang Maaasahan o SKM. Hindi ganoon kadali para sa akin na isang taong ayaw maglingkod sa gobyerno, na pamunuan ang isang organisasyong maglilingkod para sa gobyerno at para sa mga kabataan. Maraming testigo at naririto ang mga testigo sa kung gaano kahirap na bumuo ng isang pagkakaibigan, at sa kabila ng pagkakaibigan na iyon ay mabubuo ang isang organisasyong magtataguyod sa gusto ng ating mahal na Alkalde Alfredo S. Lim. Maraming nag-away, maraming nagkatampuhan, maraming hindi nagkaunawaan pero akala ko doon matatapos iyon. Akala ko, wala na. Akala ko, hopeless na. Naging active pa rin ako, hindi naman ako huminto doon. Naging personal ang advocacy ko kasi hindi naman nahihinto sa iisang grupo ang pagmamahal mo sa iyong bayan. Pwede mong dalhin sa pansarili mo. Naging active ako sa social media through Facebook. Sinimulan ko ang isang fanpage, ang Manila Youth Interactive na ako lang ang nagpapatakbo just to inform them sa mga impormasyon at mga balitang kailangan nilang malaman. At noong 2012, October, nang kumatok si Bb. Jeorna sa aming tahanan upang magpatulong sa closing G.I.P. Batch 02-2012. Doon ko lang naalala na meron pala akong naiwanang misyon sa buhay. Naging member rin ako ng isang international organization pero masyado akong lumingon sa global perspective na nakakalimuan ko na mayroon pala akong naiwanan sa sarili kong lungsod. Dito na nabuhay ang SKM, pero naisip ko na gusto ko ng mas matatag pang pundasyon para sa organisasyon kong ito. Kaya sa konsultasyon ko kay Konsehal dela Cruz at Arch. Villaruel na ibahin nang konti ang pangalan ng organisasyon at yun ay naging Katipunan ng Kabataang Maaasahan. Blessing-in-disguise na 150th birth anniversary ni Gat. Andres Bonifacio ngayon, so I want to make this year a memorable year for me and for the organization. Maraming nangyari, politically, sa lungsod ng Maynila. Very sad, pero sabi ko, hindi mahihinto sa isang napakasaklap na katapusan ang pagtulong sa Inang Bayan. Pagkatapos ng eleksyon, masakit man ang kalooban ng marami, ay kailangan naming ipagpatuloy ang kung ano ang nasimulan namin.
Sana mapaabot ng dalawa nating gwapong pinuno ang pasasalamat kong muli kay Mayor Alfredo S. Lim. Isang malaking biyayang 15 times ang laki ng ibinalik ng lungsod ng Maynila sa pagod, determinasyon at paghihirap ng mga kabataan ng Maynila upang itayo ang Katipunan ng Kabataang Maaasahan. At napakaswerte talaga ninyo, napakaswerte, na kasama ko kayo sa biyayang ito kaya narito po kayo ngayon sa lalawigan ng Laguna para maging participant ng Manila Young Leaders Assembly. Palakpakin nyo naman po ang mga sarili ninyo. (Nagpalakpakan ang mga kalahok.)
Ang purpose po ng Manila Young Leaders Assembly ay napakasimple lang. Marami sa atin ang nakalingon sa mga pananaw na masyadong malawak o masyadong malayo tulad ko noon na masyadong nakatingin sa perspective ng ibang kultura at perspective ng ibang lahi. Pero maiisip natin na pwede tayong maging huwarang kabataan kung maglo-localize tayo. That means, pwede tayong maging magaling sa sarili nating perspective dito sa sarili nating lupa at iyon ay ang lungsod ng Maynila.
Ang purpose nito, unang-una, imulat ang lokal na pananaw tungo sa sitwasyon na magpapaunlad ng kabataan. Hindi na tayo lalayo, sa Maynila pa lang, maraming delinkwenteng mga kabataan. Sad to say, marami sa kanila ang nalulugmok sa bisyo, nalulugmok sa kawalan ng pormal na edukasyon. Dito pa lang sa puntong ito, ay makakakuha tayo ng ideya kung paano tayo makakatulong bilang mga susunod na lider ng ating bansa at ng ating lungsod.
Pangalawa ay iangat ang kasaysayan para maging basehan upang makakuha tayo ng mga solusyon. Marami sa atin ang umaamin na hindi magaling sa History. Na nagte-tres sa Philippine History and Government at pumapasang-awa sa Heograpiya, Kasaysayan at Sibika. Hindi ba natin naisip na lagi nating sinasabi, “history repeats itself”, pero kung di maganda ang pinanggalingan nating kasaysayan, gugustuhin pa ba nating maulit ito? Sa pamamagitan ng Manila Young Leaders Assembly, gusto naming ipamukha na napakahalaga ng kasaysayan ng Pilipinas, specifically ng kasaysayan ng lungsod ng Maynila. Masyadong malaki at masyadong mahalaga ang kasaysayan ng ating lungsod sa kasaysayan ng ating bansa. Tandaan natin na tayo ang nagdadala ng bandila ng Pilipinas. Tayo ang korona ng Republika. Kaya’t napakahalaga na tayo mismong mga kabataan ay nagpapahalaga sa sarili nating kasaysayan dahil sigurado ako na nandoon ang solusyon. Nandoon ang solusyon sa lahat ng problema, nandoon ang mga pinakamahalagang factors para makaahon tayo sa kahirapan, makaahon tayo sa kung anong meron tayo at patuloy pa rin nating nararamdaman na naroon pa rin tayo sa kasaysayang iyon.
Ang pangatlo, ang hangarin ng Manila Young Leaders Assembly ay matuto ang kabataan sa kapwa kabataan. Usually, nakikinig tayo sa mga lecture ng mas matatanda pa sa atin. Yung mga tipong fetus ka pa lang, sila, nagtatrabaho na sa professional world. Hangarin ng pagpupulong na ito ang matuto tayo sa isa’t isa. Matuto tayo sa kaalaman ng katabi natin, nasa likod natin, nasa harap natin. Tayo mismo ang matututo sa karunungan ng isa’t isa. Gusto ko, dito sa bulwagang ito, ay iikot ang karunungan, at paglabas natin, ang karunungang ito ay lalaki pa nang lalaki at makakaapekto hindi lang sa animnapung kabataang napili. Maaaring sa inyong mga unibersidad, maaaring sa inyong mga komunidad at maaaring mismo sa inyong mga sariling pamilya ay makakaapekto ang kung anumang natutunan nyo sa katabi ninyo, sa kapwa niyo kabataan na minsa’y stranger sa inyo, pero alam ko, pagtapos ng dalawang araw na ito, magiging kaibigan ninyo sila, magiging kasama nyo sila sa pag-unlad, at magiging kapwa lider nyo sila ng inyong mga organisasyon, sa mga komunidad at sa pamantasan.
Sobrang thankful ako sa City Hall sa napakalaking opportunity na ibinigay sa Katipunan ng Kabataang Maaasahan. Hindi naman hangad na maging miyembro kayong lahat ng organisasyon, bagkus, gusto namin na paglabas natin ng assembly na ito, kami ay magiging maliit ngunit mahalagang instrumento upang ipaalala na ang “TUNAY” na kabataan ay tunay na pag-asa ng Lungsod ng Maynila at ng Republika ng Pilipinas. Maraming salamat po.