Huling araw.
Ika-tatlumpung araw ng Hunyo.
Dalawampung taon na ang nakaraan nang maging mahalaga sa kasaysayan ng Pilipinas ang petsang ito. Sa araw na ito, isang beses sa tatlong taon o kaya’y isang beses sa anim na taon, ay nanunumpa ang mga lingkod ng bayan na inihahalal ng bayan upang tapat na maglingkod at maging produktibong bahagi ng pundasyon ng pamahalaan. Itinatanghal sa taumbayan ang isang indibidwal na pinagkatiwalaan ng mga boto sa nakalipas na halalan at mangangakong magiging karapat-dapat siya sa tiwalang ibinigay ng mga botanteng umaasa ng magandang bukas para sa sarili, sa pamilya at para sa komunidad na kanilang panirahan.
Hindi ganito kahalaga sa akin ang araw na ito, lalo na ngayon, ika-30 ng Hunyo 2013. Bagaman tanggap ko na ang isang “hindi inaasahang” pangyayari sa lungsod ng Maynila, may kirot pa rin sa aking puso at pagkabagabag sa aking utak ang pagsisimula ng isang bagong pamahalaan na may mga bahid na ng dungis sa pagkatao. Ang petsang ito magtatapos ang termino ni Manila Mayor Alfredo S. Lim, ang itinuturing na tunay na ama ng lungsod na siyang nagdala ng pamumunong may mataas na moral para sa pagseserbisyo sa mga taga-Maynila. Natalo man, naipakita sa resulta ng halalan ang napakahigpit na laban kung saan napapatunayan pa rin na siya ay lubos na pinagkakatiwalaan ng mga Manilenyo. Malungkot ako hindi dahil nakaanib ako sa kanyang kampanya noong nakaraang eleksyon. Malungkot ako dahil sa gitna ng kanyang edad ay naroon pa rin ang katapangan ng kanyang mga mata, tikas ng kanyang katawan at talas ng kanyang pag-iisip – isang pisikal na kapangyarihang sapat upang bigyan pa ng isang magandang termino ang pangunahing lungsod ng Pilipinas.
Pero sabi ng iba, minsan, gumagalaw ang tadhana ayon sa kagustuhan ng tao, at marahil ay eto na nga ang panahong iyon para sa lungsod. Ang pagkapanalo ni Manila Mayor at dating Pangulo ng Pilipinas Joseph Estrada ay puno ng kontrobersiya dulot ng kanyang masaklap na pagkakatanggal sa pagka-presidente, at mga kinaharap niyang kaso ng pandarambong at pagsira sa tiwala ng publiko. Hanggang sa ngayon ay nakadikit sa kanyang anino ang eskandalong iyon dahil kasalukuyang dinidinig sa Korte Suprema ang disqualification case laban sa kanya. Sa kabila niyon ay hinayaan siya ng Mataas na Hukuman ang kanyang panunumpa ngayong araw bilang bagong alkalde ng lungsod na ilang minuto mula ngayon ay magaganap na.
Unang araw.
Ika-tatlumpung araw ng Hunyo.
Masama ang loob ko sa masaklap na pangyayaring ito sa Maynila, ngunit patuloy akong nananatili sa prinsipyong isinapuso ko at wala akong dahilan upang lumabas sa paninindigang ito. Una kong nabanggit sa aking Facebook post na bilang bahagi ng isang panibagong laban sa maaaring “gawin” ng bagong gobyerno sa lungsod ay una kong lalabanan ang sarili ko. Hinamon ko ang aking sarili na paunlarin ang pisikal kong katangian upang mapaunlad ang aking moral, emosyonal at sosyal na katangian na siyang sandata ko sa paglilingkod sa mga kabataan.
Sabi ko sa isang kaibigan, hindi ako naniniwalang sa Hunyo a trenta ang huling araw ng isang gobyernong nagpatanto sa akin na pahalagahan ang ibinibigay ng pamahalaan at pagkatiwalaan ang mga lingkod-bayan ayon sa kanyang kakayahan at pag-uugali. Hangga’t nasa kalooban pa ng mga taong naninindigan ang kulay dilaw, ang araw na ito ang magiging unang araw ng isang panibagong pagtatayo sa prinsipyong dilaw sa lungsod ng Maynila. Sa pamamagitan nito ay gagamitin kong instrumento ang aking sarili upang ipakita sa sinumang mga “bumaligtad” na pinili nila ang kanilang desisyon para lamang magpadala sa agos ng kasikatan at panandaliang kagandahan. Marahil, kahit mahirap man para sa aking gawin ang bagay na ito dahil ilang beses na akong nabigong ituloy ito, eto na ang tamang panahon ng pagsisimula patungo sa mas matatag na ako. Eto na ang totoong hamon para sa akin bilang isang tao, bilang isang Manilenyo at bilang isang Pilipino.
Hindi ako natatakot na ilantad sa lahat na ako ay patutuloy na nakasuot ng dilaw sapagkat walang nagbigay sa akin ng ganitong klaseng pagtitiwala at pagpapahalaga kundi ang pamahalaang lungsod ng Maynila na pinamumunuan ni Mayor Lim. Ipinagpapasalamat ko sa Panginoon na binuwag niya ang aking kaisipan na walang tamang gagawin ang mga nakaupo sa pwesto kundi mangulimbat sa kaban ng bayan. Dahil sa prinsipyong dilaw mula sa Manila City Hall ay unti-unti kong natutunan ang “tunay na misyon” ko sa buhay na dati’y nagniningas lang sa aking kamulatan. Bilang pasasalamat at pagtanaw ng walang hanggang respeto ay maninindigan naman ako para sa pinaniniwalaan ni Mayor Lim at iyon ay sasalamin sa aking sarili sa susunod na tatlong taon para sa lungsod.
Gayunpaman, binabati ko si Mayor Joseph Estrada, sampu ng kanyang mga opisyal, sa pagtataguyod ng bagong pahina ng kasaysayan. Gamit ang prinsipyong dilaw, gagawin ko pa rin ang aking sinumpaang tungkulin na makatulong sa kabataan at makakatulong ng pamahalaan sa pagsasaayos ng Maynila. Tulad ng natutunan ko sa butihing Mayor Lim, magbibigay ako ng tiwala sa administrasyong ito, at sana lang, huwag nilang sirain ang pagtitiwalang ko na kahalintulad ng milyon-milyong Manilenyong nagtitiwala sa sinasabi ninyong “pagbuhay” sa glorya ng Maynila.
Kasiyahan nawa ako ng Panginoon.