– WAKAS –
Nitong hapon lang ay matagumpay na naisagawa ang isang pagdiriwang ng pasasalamat ng mga kabataan ng lungsod ng Maynila sa mga empleyado ng Youth Development and Welfare Bureau (YDWB) na naging magulang nila’t kapatid nang sila’y naging bahagi ng Government Internship Program (GIP) at Special Program for Employment of Students (SPES). Napagkatiwalaan ang inyong lingkod na pangunahan ang pag-oorganisa sa kaganapang ito kaya kahit nakakapagod ay naging masaya naman ako habang pinaplano ang gawaing ito.
Aaminin ko, hindi madali para sa akin ang gumawa ng programang magtatapos sa isang maligayang kabanata ng buhay ng maraming kabataang tulad ko. Sa loob ng dalawang taon, malaki ang naging impluwensiya sa akin ng pagiging youth leader at government volunteer kung saan nakakilala ako ng napakaraming kaibigan, at sumubok ng napakaraming karanasan. Sa mga panahong ito’y umunlad ang aking kakayahan at kamalayan sa mga isyung nakakaapekto sa mga kabataan, dahilan upang maging ako’y produktibong kasapi ng lipunan. Ngunit dahil sa hindi inaasahang pagkakataon noong eleksyon ay natapos ang makabuluhang sandaling ito para sa akin sa apat na sulok sa loob ng Manila City Hall.
Kung iisipin, hiindi ako makapaniwalang ako ang mamamahala sa palatuntunang ito. Ilang beses na rin akong umiyak at nalungkot dahil dito. At sa palatuntunang ako ang isa sa mga pangunahing humabi, tila opisyal ko na ring tinutuldukan ang aking responsibilidad sa ahensiyang pangkabataan ng lokal na pamahalaan.
– SIMULA –
Isang linggo pagkatapos ang pagkatalo ni Mayor Alfredo Lim laban kay dating Pangulong Joseph Estrada sa pagka-alkalde ng lungsod, napagdesisyunan kong sumama sa leadership camp ng mga kabataan ng ikalawang distrito. Bukod sa kailangan ko na rin ng bakasyon sa labas ng kalungsuran ay gusto ko ring magkaroon ng pagkakataong makapagnilay sa mga kaisipang bumagabag sa aking kaluluwa na dulot ng pagkatalo ng partidong aking kinabibilangan. Hindi ito ang unang pagkakataon na sumali ako sa naturang leadership camp na ginanap sa Pangil, Laguna ngunit may isang lugar akong pinagkaitan kong puntahan. Isang paraisong hindi ko akalaing magbibigay ng kasagutan sa aking di kumportableng puso.
At sa aking pagbabalik sa Ambon-Ambon ay panimula ng isang bagong pahina ng aking buhay — mga bagong kaibigan at pagtawid sa panibagong lugar na ituturing kong tahanan. Sa maiksing panahong ito’y napuno ng halakhakan, kwentuhan at pagtatanto ang dalawang araw na camp kung saan nakagaanan ng loob ang ilan sa mga kabataang may alab ng pagkakaisa at pagbabago para sa kanilang kapwa. Sila ang mga kabataan ng “D2 Organisasyon ay Sikat” (DOS), ang isa sa mga pangunahing youth organization sa District 2 ng Maynila. Sa kanila ako nakakuha ng panibagong inspirasyon at panghikayat na huwag tumitig sa kabiguan ng pagkatalo, bagkus, ay humabi ng simula mula rito.
Nakakabigla man ang mga pangyayari sa mga nagdaang araw, inadya marahil ng Maykapal na lumikha ng dagdag kabanata para sa aking buhay bilang kabataang lider ng lungsod. Tulad sa mga panulat, hindi iisang tuldok lamang ang maaaring tumapos sa isang makabuluhang talata. At kung ihahambing sa sitwasyon, ang pagkatalo ay hindi hudyat ng katapusan, kundi posibleng magbuo ng panimulang tagumpay tulad ng mga bagong kaibigan.
– SUSUNOD –
Sa huling bahagi ng programa’y nagbanggit ng isang kataga ang aming direktor, Arch. Dunhill Villaruel, na tila nagpabigat sa aking pakiramdam, pakiramdam na talagang tapos na nga ang lahat. “Signing off”. Pero sa kalagitnaan ng kabigatang ito ay may pumitik sa aking hinuha. Nakalimutan kong hindi pa talaga tapos ang tunay na dahilan ng palatuntunang ito. Pansamantalang tapos na ang terminong may tapat at malinis na paglilingkod sa lungsod, ngunit kung ibabalik ko ang aking realisasyon habang ako’y nagninilay sa ilalim ng bumabagsak na tubig mula sa talon ng Ambon-Ambon, sa aking puso at sa aking isip, tuloy-tuloy pa ang aming laban.
Tulad ng aking sinabi, posibleng binuklat na ng Diyos ang susunod na libro ng aking kasaysayan at ayokong biguin ang tadhana sa pagkakataong ito. Nariyan ang DOS, ang panibagong mga kabataan at kaibigan, at mga bagong sitwasyon na iikot sa aking mundo. Batid kong may kadahilanan ang mga ito at kung anuman ang mga pangyayaring ito, susi iyon na dapat kong panindigan ang pagbabagong sinimulan ko, dalawang taon na ang nakararaan. Hindi magiging sagabal ang itinuring kong wakas upang hindi magpatuloy sa paglalakbay na ito.
Narito ako, ang inyong manunulat, ang inyong lingkod, na nagsasara ng lumang wakas at mag-uumpisa sa bagong simula, at susunod sa tuloy-tuloy na pangako para sa Panginoon, para sa Inang Bayan at para sa kinabukasan ng kapwa ko kabataan.