PANAHON NG PAG-IBIG #01: March Three

NOTE: Kung mapapansin ninyo dito sa Aurora Metropolis, matagal-tagal na rin na hindi nakakapagsulat ng love story ang inyong lingkod. Hindi ko alam kung kulang lang ako sa inspirasyon o sadyang tamad lang akong maghabi ng mga salita para gawing kwento ng pag-ibig. Kaya ngayon, sa mismong araw na pinakaimportante sa akin, ay binigyan ko ng regalo ang aking sarili sa pamamagitan ng pagsusulat ng isang istorya. Mula sa kwentong ito at sa mga susunod pa, lahat ng ito’y mapapaloob sa segment na tatawagin kong “PANAHON NG PAG-IBIG”.

At ang una kong handog para sa “Panahon ng Pag-ibig” ay inaalay ko para sa sarili ko na sa araw ring ito’y nagdiriwang ng aking kaarawan. Gayundin ang pamagat na inspirado ng petsa ngayon. Sana’y magustuhan ninyo.

“March Three”

Nakabibinging tugtugan, nakakabulag na mga liwanag na may iba’t ibang kulay at hiyawan ng mga kaluluwang sabog sa kasiyahang tila walang katapusan. Isang eksenang sa tuwing Sabado ng gabi’y kanlungan ni Avel. Ngunit ngayong Sabado, ikalawa ng Marso, bukod sa kaibigang alak na panandaliang makapagpapalimot ng kanyang mga kalokohan at mga misteryosong mata na nakatingin at naghihintay na mapansin nya, gusto nyang gawing iba ang pagsalubong ng pinakamahalagang araw ng kanyang buhay – ang kanyang kaarawan.

Tatlumpung minuto bago mag-alas dose ng hatinggabi ng Marso a tres, hindi kinaya ng mga mata ni Avel ang usok kaya tumambay muna siya sa labas ng bar, umupo sa sidewalk para manigarilyo. Bawat kababaihan o alanganing kalalakihan na dumaraan sa kanyang harapan ay napapasulyap at napapangiti. Sa di kalayuan, habang siya’y humihithit ng yosi, ay nakita niya si Freeda na may kasamang ibang lalaki. Buti naman, ika niya sa kanyang isip at saka napabungisngis. Parang noong isang linggo lang ay umiiyak sa labas ng kanyang condo unit ang babaeng ito na nagmamakaawang huwag tapusin ang tatlong buwan nilang “love affair”. Ayaw nyang itrato itong isang pormal na relasyon dahil aminado siyang hindi nya alam ang tunay na pakahulugan nito mula nang minsan siyang mabigo sa pag-ibig, limang taon na ang nakakaraan.

Natapos niya ang kanyang pangalawang stick ng sigarilyo nang makita niya sa di kalayuan na nakaupo rin sa bangketa ang isa pang pamilyar na mukha – tahimik at malayo ang tingin na tila malalim ang iniisip. Si Adi, ang kanyang unang minahal nang tunay at ang taong nag-iisang sumira ng pilosopiya niya sa tunay na pag-ibig. Nagkaroon siya ng napakaliit na pag-aalinlangan na lapitan ito, pero sa kanyang nakikita kay Adi ay gusto nya itong damayan sa kung anumang pinagdaraanan nito.

“Hello Pepot,” nakangiting pagbati ni Avel kay Adi na ngumiti lang, ni hindi man lang nagulat nang masilayan siya kahit matagal na silang di nagkikita. “Uhm… pwede bang makisindi?”

Agad namang kinapa ni Adi ang kanyang bulsa para sa lighter. Nang pagkakuha nya nito’y doon siya inalok ni Avel ng isang stick ng sigarilyo na hindi naman niya tinanggihan.

“Patabi ako ha.” Hindi na hinintay ni Avel ang pag-oo ng dating iniibig. Umupong muli sa bangketa, kinuha ang lighter sa kamay ni Adi, sinindihan ang isa at saka inalok ang nakasinding yosi sa kanyang katabi. Isang eksenang pumitik sa alaala ni Adi, isang eksenang lagi nilang ginagawa ni Avel noong sila pa. Kinuha niya ito, inikot sa hawak nitong di nakasinding sigarilyo, hinipan na parang kandila at saka sinilaban ang kanyang sariling yosi. Natawa si Avel sa ginawa ni Adi. Hindi pa pala nya nakalimutan yon.

“Bakit mag-isa ka lang? Nasaan si Led?”

“Ayun… we broke up just last week. After two long years of retrofitting our relationship, ang ending, hindi na raw niya ako mahal. Masyado ko na raw pinipilit ang sarili ko sa kanya kahit hindi na kinakaya. She can’t blame me for that. She demanded for my love and I gave it 100 percent. Tapos…”

“I know…” Biglang nagsalita si Avel sa kalagitnaan ng pagsasalita ni Adi. “… kaya nga… iniwan mo ako.”

Natahimik silang pareho nang sabihin ito ni Avel. Halos sabay pa silang napahithit ng yosi at hindi nagkakalayo ang ekspresyon ng kanilang mga mata, may lungkot at panghihinayang na iniisip ang nangyari sa kanilang dalawa, limang taon na ang nakalilipas.

Parehong 19 years old sina Avel at Adi nang maramdaman nila ang tunay na pagmamahal. Mula noong bata pa’y matalik na silang magkaibigan. Ang tawagan nila’y “Pepot” na laging magkasangga sa anumang problema’t pagsubok. Sabay pa nga silang nanligaw ng babae pero itinadhana yatang pareho silang mabigo, hanggang matanto nilang kalakasan nila ang isa’t isa. Noong una’y nag-alangan silang subukan ito, ngunit dahil sila’y napapalibutan ng isang mahiwagang pag-ibig, napagkasunduan nilang ituloy ang tinitibok ng kanilang puso. Bagama’t lihim sa lahat, lalong tumatag ang pagsasamahan nilang dalawa na para bang hindi na sila mapaghiwalay. Minsan ay natutulog si Avel sa bahay nina Adi at minsan nama’y nag-o-overnight si Adi kina Avel, at ito’y wala namang problema sa kani-kanilang mga magulang. Pareho nilang tinuklas ang agham ng pag-ibig, kasama na ang kanilang unang pagniniig. Umabot ng isang taon ang masasayang sandaling iyon hanggang bigla na lang nanlamig si Adi at kalauna’y humiling na ihinto ang kanilang relasyon. Hindi madaling natanggap ni Avel ang hininging setup ni Adi kaya’t hindi ito tumigil na makuha ang sagot sa huli. Marso a tres noon nang makita niya mismo na may babaeng kaakbay si Adi, si Led, ang kaklase nilang babae na crush ng bayan sa kanilang college batch, isang senaryong naging dahilan para hindi na kailangang komprontahin ni Avel ang kanyang minamahal. Iyon ang kanyang pinakamalungkot na kaarawan at mula noon ay hindi na niya nakita si Adi. Sinasadya ni Adi na hindi magpakita kay Avel dahil nahihiya siya sa ginawa nito sa unang taong nagpakilala sa kanya ng pag-ibig.

“I’m sorry, Machiavelli. I’m really sorry.”

Sa wakas. Sa isip at sa puso ni Avel, eto na ang pagtatapos ng napakatagal niyang paghihintay na kung tutuusin ay ayaw niyang maganap. Para sa kanya, sampung minuto bago ang kanyang kaarawan, ang kanyang kauna-unahang seryosong relasyon ay pormal nang nahinto. Napangiti na lamang siya, pero ang totoo, kinikimkim nya ang pakiramdam na hindi nya maipaliwanag. Parang nakahinga na siya nang maluwag.

“You don’t need to be sorry. Matagal na ‘yun. Wala na ‘yun para sa akin. After all, you are still a friend for me, Prince Adolf,” may ngiting bigkas ni Avel sabay akbay kay Adi na nagpangiti na rin sa huli.

Sa pag-akbay nyang iyon ay napansin niya ang suot na kuwintas ni Adi. Dalawang singsing ang nakapalawit dito. Dalawang singsing na ikinabigla ng kanyang mga mata, at ang reaksyong iyon ay nakita ni Adi.

“March 03, ala-diyes ng gabi, five years ago, hindi kita malapitan nun sa playground ng subdivision dahil sa sobrang guilt ko. Umiiyak ka nun kaya alam ko nang nabasa mo ang text message ko. Nakatago lang ako sa isang sulok habang pinagmamasdan ka. Sa sobrang galit, tinapon mo yung singsing mo na binigay ko noong napagkasunduan nating maging tayo. Pagkaalis mo, hinanap ko agad iyon kahit sobrang dilim nung lugar kung saan lumapag ang singsing,” pagbabalik-tanaw ni Adi habang hawak ang mga singsing.

“Ilang beses naming pinag-awayan ni Led ang kuwintas na ‘to, lalo na nung nag-uumpisa pa lang kami. Kesyo mahal pa rin kita, na ayaw kitang kalimutan, na babalikan kita kahit may relasyon kami at kung ano-ano pa. Hindi naman totoo yun. As I’ve said earlier, I gave her 100 percent of my love, but I believe that I have 150 percent. 100 for her, 25 percent for God, 12.5 percent for my family… and 12.5 percent for you. Best friend kita e. Kahit alam kong hindi mo ako papatawarin pagkatapos ng ginawa ko, hindi ko rin pinapatawad ang sarili kong nagmahal pa ako ng iba kahit ramdam kong sapat ka na para sa akin. Kaya kapag lagi kitang nakikita rito sa bar, hindi talaga ako makalapit sa’yo and until now, I still feel sorry for what I did. As much as I want to regain our friendship, I don’t have enough courage to approach you and tell you how much I miss my bestfriend Pepot.”

“Wait. Alam ni Led na naging tayo?” gulat na gulat na tanong ni Avel.

“Oo. Matagal kong tinago yun. Sinasabi ko lang na kay Lolo at Lola etong singsing na binigay sa akin. Pero dahil nga mahal ko siya eh ni-reveal ko na rin.”

“Uhm… pwede ko bang mahiram yung mga singsing?” hinihinging pabor ni Avel na nagpataka kay Adi. Tinanggal niya ang kuwintas at inabot kay Avel. Nagulat si Adi nang pinilit na tanggalin ni Avel ang mga singsing, pinaghiwalay at agad na kinuha ang kanyang kaliwang kamay.

“Uhm Avel… teka teka…” Tila may pagpalag ang tono ni Adi sa ginagawa ni Avel habang sinusuot sa kanya ang singsing ngunit agad na sumingit ng mga salita ang huli.

“Bago ka mataranta dyan, first of all, I am wearing this to you not because I want to be your partner again. We are now walking in different paths and at this moment, I already accepted that we are not meant for each other as lovers. Matagal ko ring pinasakitan ang sarili ko dahil sa nangyari sa atin, pero ngayon, I’ve realized that I love you more as my bestfriend and that’s more important than being a lover. Sinusuot ko sa’yo ngayon ang singsing na ‘to hindi para manligaw. Binabalik ko ito ngayon sa daliri mo para ibalik ang ating pagkakaibigan… Pepot.”

At tuluyan na ngang naisuot ni Avel ang singsing sa palasingsingan sa kaliwang kamay ni Adi. Nakita sa mukha ni Adi ang sayang bumuwag sa lahat ng kalungkutan dahil sa kanyang ginawang kasalanan sa taong tunay na nagmamahal sa kanya.

“O ikaw naman ang magsuot sa akin. Ang pangit naman kung ako ang magsusuot sa sarili ko.”

Natawa si Adi sa biro ni Avel. Kinuha nito ang pares at sinuot ang singsing sa palasingsingan ng kaliwang kamay ng kaibigan. Pagkatapos nito ay hinawakan ni Adi ang kamay ni Avel nang sobrang higpit na nakapagbigay ng ngiti sa kanilang dalawa.

“Birthday ko ngayon, Pepot.”

“Alam ko.”

Saktong alas-dose ng hatinggabi. Marso a tres. Nag-alarm ang phone ni Avel… at nag-alarm din ang phone ni Adi. Nagulat si Avel nang marinig ang alarm na yun. Ang theme song nilang magkaibigan. “Dahil Minahal Mo Ako” ni Sarah Geronimo.

“Four years na ganyan ang alarm ko kapag ganitong date kasi yan ang kakornihan nating dalawa. Happy birthday Pepot.”

Niyakap ni Avel si Adi, ang kanyang long lost bestfriend. Lahat ng pasakit na naramdaman niya sa pag-ibig ay nawala sa gabing iyon. Ang kanyang kinasanayang pilosopiya sa pagmamahal ay unti nang nabuwag dahil sa pagkakatuldok ng lahat ng pait ng nakaraan. Natupad ang kanyang hiling, tatlumpung minuto lang ang nakakaraan, na maging iba ang pagsalubong ng kanyang ika-25 taong kaarawan. Hindi man itinadhang maging magkasintahan, itinadhana naman na sila’y maging tunay na magkaibigan habambuhay.

Nakakabinging tugtugan ng mga kampana at nakakasilaw na liwanag ng mga ilaw sa loob ng simbahan at mga hiyawan ng mga taong masasaya dahil sa isang bagong kabanata ng isang kaibigan, lalong lalo na si Adi, ang bestman ni Avel. Limang taon ang dumaan at kinasal si Avel sa kanyang kasintahang sineryoso niya ng dalawang taon. Si Adi rin ang number one ninong ni Adolf Macky Escudero Jr., ang panganay na anak ng kanyang bestfriend. At biro nga ni Avel, hahanapan niya raw si Adi ng napakagandang babaeng magiging Mrs. Buencuseso para maikasal na rin ito at siya naman ang maging bestman.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s