Bilang biktima ng bullying noong high school, alam ko kung anong klaseng sakit ang pinagdaraanan ng mga kabataang kinakaharap ang ganitong karanasan sa kasalukuyan. Masuwerte lang talaga ako na malakas ang kapit ko sa Diyos.
Pero hindi lahat ng mga tulad kong nakaranas ng bullying ang masasabi kong tiniis ang pangmamaltratong gaya nito. Ang iba’y umaabot sa pagkabaliw o kaya’y pagpapakamatay.
Hindi ganoong kainit ang isyu ng bullying noon sa Pilipinas. Karaniwan itong parte ng mga pelikula’t panoorin sa telebisyon. Ang terminong ito ay tinatawag na “underdog”. Una kong na-encounter ang ganito kay Princess Sarah at kalaunan ay kay Mara na inaapi ni Clara. Gayundin sa mga superhero at sa napakaraming karakter na naging tampulan ng atensyon ng sambayanan, paraan upang sumikat ang mga artistang gumaganap nito.
Pero nung ako na ang “underdog” sa sarili kong teleserye, hindi ko inaasahan na ganun pala kasakit ang alipustahin ng iyong kapwa sa halos apat na taon. Dahil sa maitim na batok (dahil nga mataba ako mula noong bata ay hindi ganoon kahaba ang leeg ko kaya naiipit ang mga kung anuman) ay naging bigat iyon sa aking puso na araw-araw kong pinaghahandaan. Hindi naman ako palaban noon kaya maapi man ako’y walang paraan para makalaban sa kanila. Ang nasa isip ko lang noon ay ang mag-aral nang mabuti dahil sa ganoong aspeto ko lang sila madadaig.
Batok. Ang itim ng batok mo. Ambaho mo. Wala akong matandaang iniyakan ko ang panunuksong ito (o kung tutuusi’y bullying na sa kategorya sa kasalukuyan) dahil iyon ang katotohanan. May mga pagkakataong pumalag ako, nagtagumpay eh hindi doon natatapos. Siguro, kung di lang ako nakakapit sa Diyos noon at sa pangako ko sa aking mga magulang na sa pag-aaral lang tumutok, malamang, nagpakamatay na ako.
Oo. Napakasuwerte kong buhay pa ang tulad kong biktima ng napakalupit na dilang espada ng aking mga kamag-aral. Ipinagpasalamat kong ginabayan ako ng Panginoon na gamitin ang mga ito na hamon upang hasain ang sarili at hindi makita ng ibang tao kung paano ako tingnan ng mga kaklase ko noon. Mataba pa rin ako. May improvements pero ako pa rin ang matabang nerd na walang alam kundi matuto nang tuloy-tuloy sa hamon ng buhay. May kakayahan na akong labanan ang kanilang mga nakakamatay na salita, pero hindi ko gagawin yun. Hindi ako pinalaking naghihiganti.
Ang isyu ng bullying ay isa nang malawakang isyu ngayon sa bansa. Mas lumalala ito sa mga kabataan dahil sa easy access ng kung ano-anong impormasyon gamit ang makabagong teknolohiya. Malaki ang impluwensiya ng kanilang pag-uugali sa kung ano ang nakikita, naririnig at nababasa nila kaya malaking hamon sa mga magulang, mga paaralan, mga simbahan at ng pamahalaan na baguhin ang ganitong pananaw ng kabataang Pilipino. Mababait ang mga kabataang Pilipino, higit sa ibang lahi. Huwag natin hayaang magdusa ang ating kabataan dahil sa kapabayaan ng ating henerasyon. Huwag nyo silang hayaan na maging tulad ko noon.