Ito ay isang mensaheng ipinahatid para sa Publication Staff 2012-2013 ng Ang Pamantasan, ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) nang ganapin ang kanilang team building activity noong July 29 sa Cavite.
***
Magandang araw sa ating lahat. Unang-una, nais kong humingi ng paumanhin sa hindi ko pagdalo ngayon dahil sa ilang mga naiwang gawain dito sa Maynila. Maaaring sa mga darating na araw ay makikita ko kayo’t makakausap nang personal tungkol sa maraming bagay.
Binabati ko kayong mga nakapasa bilang mga bagong mamamahayag at manunulat ng Ang Pamantasan. Hindi sa naglalagay ako ng pangamba sa inyong mga puso, pero ang pagiging kasapi ng isa sa mga pinakaaktibong organisasyon sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila ay hindi isang medalyang dapat ipagyabang sa lahat. Ang AP ay isang pagsubok para sa isang estudyanteng ang hangarin ay ihatid sa kanyang kapwa estudyante ang nangyayari sa kanilang paligid at kung ano ang kanilang magagawa para sa kapakanan ng unibersidad.
Ang pagiging bahagi ng AP, bilang mata, tenga, ilong, dila, balat at puso ng lahat ng mag-aaral, ay isang pagkakataon upang ibahagi ang iyong dedikasyon, hindi lang para sa mga kapwa estudyante o para sa mga tao sa loob ng Pamantasan. Bilang iskolar ng Maynila, kayo ay naglilingkod sa mamamayan tulad ng isang tunay na journalist. Tangan ninyo ang panulat na makakapagpabago o makakapagpatatag sa pananaw, paniniwala, pag-iisip at panlasa ng mga kabataang sa kasalukuyan ay walang pakialam sa mga nangyayari sa kanyang kapaligiran. Ang AP ay binuo hindi lang para ihayag ang saloobin ng PLMayer sa mga hinaing at opinyon sa institusyon, kundi para maging salamin ng isang PLMayer sa mga bagay na dapat nyang gawin bilang produktibong parte ng Pamantasan at ng bayan.
Gayundin, ang AP ay isang organisasyong ang hangarin ay magkaroon ng iisang puso, hindi lang bumuo ng pagkakaibigan kundi magkaroon ng iisang puso para paglingkuran ang Pamantasan. Ang organisasyon ay hindi tatakbo dahil lang sa galaw ng isang tao. Ang AP ay isang pangunahing organisasyon na nagpapakita ng tunay na pagkakaisa at disiplina sa tinatamasang kalayaan. Ang responsableng panulat ay kailangan upang maging kapaki-pakinabang ang salita ng bawat isa. Kasama nito ang pagtuturingan ninyo bilang magkakapamilya at magkakapatid na magtutulungan at magdadamayan sa bawat gawain.
Umaasa sa inyo ang mga mag-aaral. Kayo ang magiging tagapagpatupad ng hiling ng marami na marinig ang boses ng kabataan at mag-aaral sa administrasyon ng unibersidad o sa tagapamuno ng ating pamahalaan. Maging responsable, maging mapanuri, maging isang tunay na modelo ng disiplina at ng katotohanan.
Sa walong taon kong konektado sa AP ay nasaksihan ko ang mga pagbabago. Naririto kaming mga kuya’t ate ninyo upang bigyan kayo ng mga payong maaaring makatulong sa pamamahala ninyo ng AP. Hindi kami mangingialam sa kung paano ninyo pamamahalaan ang AP, bagkus, pipilitin namin maging tagapangaral ng aming mga karanasan bilang mga batang mamamahayag na minsang nagalak, naiyak, nakipaglaban, nakiisa at nakipagtawanan sa mga nangyayari sa loob ng ating eskuwelahan. Ito lang ang aming magiging parte, dagdag pa ang aming panalangin na bigyan kayo ng Diyos ng karunungan upang magampanan ninyo ang tungkulin sa Pamantasan at sa bayan.
Sa ika-33 taon ng paglathala, nawa’y maging instrumento kayo ng katotohanan, kagalingan, pagkamalikhain at karangalan sa loob ng Pamantasan. Uulitin ko, ang AP ay hindi isang medalyang iyong ipagmamalaki sa lahat. Ang AP ay isang pagkakataon upang ipakita sa lahat na ikaw, bilang estudyante at kabataan ng Maynila, ay may magagawa para sa Diyos, para sa bayan at para sa kinabukasan.
Sa ngalan ng daan-daang patnugot at manunulat sa nakalipas na 33 taon, tinatanggap namin kayo nang buong puso, ang Editorial Board at ang lahat ng mga bagong manunulat, sa institusyong aming patuloy na minamahal at ikinararangal, ang tunay na tagapagbantay ng katotohanan at demokrasya para sa PLM, para sa Maynila, para sa Pilipinas.
Para sa malayang pamamahayag, MABUHAY KAYO , ANG PAMANTASAN PUBLICATION STAFF 2012-2013.