(Para Sa Hari Ng Komedya Sa Pilipinas, SLN)
I. biro
ang batang Tundo
na nagtitinda
ng mani’t pakwan
sa harapan ng
isang sinehan,
nasa gitna ng
dusa at luksa
ng kahirapan,
pero siya ay
nagsumikap na
malagpasan ang
mga biro ng
mundo’t tadhana.
II. ngiti
sya nga si Golay,
ang namamayat
na mananayaw
at mang-aawit
sa entablado,
dugo ay bayan
ang unang labas
sa pelikula,
at kalauna’y
nagpasimulang
magpangiti sa
telebisyon sa
buhay artista.
III. bungisngis
sya nga si Pidol,
isang artistang
sumimbulo ng
bumubungisngis
na Pilipino,
ang manggagawang
nagmamahal sa
kanyang pag-arte,
tatay ng bayan,
baklang palaban,
at sagisag ng
realidad ng
ating lipunan.
IV. tawa
si Pacifica,
Fefita’t Omeng,
John Puruntong man
o Kevin Cosme,
si Markova at
Father Jejemon,
artistang walang
limitasyon sa
pagpapatawa,
walang inindang
anumang pagod
sa sambayanan.
V. halakhak
higit kumulang
na ngang pitumpung
taong halakhak
ang iniambag
sa mga Pinoy
mula pa noon
hanggang sa ngayon,
ang komedya nyang
inihain sa
Pilipinas ay
mananatiling
kayamanan at
kasaysayan.
VI. komedya
haring tunay ng
komedyang Pinoy,
hindi luha ang
aming pabaon
sa’yong pagpanaw,
dahilan ka ng
aming pagbiro,
ng pagpapangiti,
ng pagbungisngis
at ng pagtawa,
pagdiriwang ng
iyong buhay ang
aming pagtanaw.
VII. alamat
ang Panginoon
ay sobrang saya
sa’yong pagbalik
sa Kanyang piling,
isa kang tunay,
walang kapantay
na ngang alamat
ng pinilakang
tabing ng Pinas,
kami’y saludo
sa’yong dakilang
kontribusyon sa
iyong larangan.
MABUHAY KA, MANG DOLPHY.
MARAMING SALAMAT!
MANANATILING KAMING NGINGITI
AT PANANATILIHING BUHAY
ANG MASAYA MONG ALAALA.
Rodolfo “Dolphy” Vera Quizon, Sr. (July 25, 1928-July 10, 2012)
Photo courtesy of ABS-CBN News Online