Aurora Metropolis Year 2: Ang Ikalawang Taon Ng Paglalakbay At Ang Ikatlong Taon Ng Panibagong Pagsubok

“… Yung totoo, wala akong ideya kung anong isusulat ko. Kung anuman ang lumabas sa aking utak sa mga oras na ito, iyon ang inyong mababasa.”

Nag-umpisa ang Aurora Metropolis noong June 2010 upang ibahagi sa buong mundo kung ano ang mga nasa isip at damdamin ko na hindi ko maaaring ilabas gamit ang pansarili kong katauhan. Hindi ito pagtatago ng aking identity. Inilalahad ko lang sa isang malikhain at malayang pagsusulat ang mga bagay na nasa loob ko, mga bagay na iniisip kong hindi papakinggan ng mga tao (kasama roon ang mga kakilala’t kaibigan ko) na mas posible nilang intindihin kung ilalatag ko sa ibang pamamaraan.

Umandar ang oras at nakapagbigay ang Aurora Metropolis ng mga artikulong naging salamin ng tunay na lipunan at tunay na saloobin na maaaring saloobin din ng aking kapwa. Kumbaga, hindi na lamang ito paglalabas ng aking sama ng loob o kaligayahan ng aking puso, kundi pagpapakita kung ano ang sama ng loob at kaligayahan sa puso ng maraming tao. At bilang blogger, masaya akong nakikita na pumapasok sa TOP 10 ng mga pinaka-binibisitang site ang Aurora Metropolis sa WordPress Philippines.

Hindi madaling mag-maintain ng blog site, lalo na sa tulad kong laging inaatake ng mental block. Kahit nga ngayon na ipinagdiriwang ko ang ikalawang taon ng Aurora Metropolis,  yung totoo, wala akong ideya kung anong isusulat ko. Kung anuman ang lumabas sa aking utak sa mga oras na ito, iyon ang inyong mababasa. Naging mapanubok na paglalakbay ang magsulat, pero sabi nga nila, hindi pinipilit ang utak na magbahagi sa iba. Kusang lumalabas ang mga ideya at kusa itong naibabahagi sa iba. Para itong bunga sa isang puno, na naghihintay na tumubo, mahinog bago pitasin, at namnamin ang tamis at sarap nito.

Hindi rito nagtatapos ang paglalakbay ng Aurora Metropolis. Hindi man ako makapagbigay ng mga artikulo lagi-lagi, sinisigurado kong sa ikatlong taon nito ay maglalathala ako ng mas makabuluhan pang mga sulatin, hindi lang para maki-epal sa magulong mundo ng mga lantarang manunulat, kundi mag-alok ng mga kaisipang alam kong makakatulong sa lahat: para sa pag-unlad ng sarili, pag-unlad ng kaisipan ng ating lipunan, pag-unlad ng ating pagmamahal sa bayan at pag-unlad ng ating pananampalataya sa ating Panginoon,

HAPPY 2nd ANNIVERSARY, AURORA METROPOLIS!