Si Kevin Cosme At Ako: Pagsaludo Ng Aking Henerasyon Kay Dolphy

(Habang tinitipa ang artikulong ito’y naaninagan ko sa aking news feed sa Facebook na muling nakararanas ng pneumonia ang King of Comedy na si Dolphy na ilang araw na ring nananatili sa ospital dahil sa kanyang matagal nang sakit.)

[Lumaki ako sa panahong si Kevin Cosme ang solidong imahe ng napakraming tatay sa lipunang Pilipino. Biro man sa aking nakagisnang kamusmusan ang taguring “Baldo”, sa paraang iyon ay para ko na ring naging tatay si Mang Dolphy, at sa nangyayari ngayon sa kanya, naroon rin ang takot at pag-aalala na anumang oras mula ngayon ay mawawala na sa aming piling ang aking tatay, ang tatay ng henerasyong kinalakhan ko.]

***

Sino ba sa hindi nakakaalala ng sitcom na “Home Along da Riles” sa ABS-CBN Channel 2? Walang sinuman ang makakalimot sa programang ito, lalong-lalo na ang tulad kong namulat sa kasikatan ng telebisyon noong dekada ’90.

Dahil sa palabas na ito’y nagpatuloy ang pagiging simbolo ni Dolphy bilang ama, mula kay John H. Puruntong sa longest-running sitcom na “John En Marsha” hanggang sa  tumawid sa katauhan ni Kevin Cosme. Isa ito sa mga di-mapapantayang programa sa nabanggit na dekada na nagpatatag ng kanyang estado bilang Hari ng Komedya sa Pilipinas. Higit pa roon, halos lahat ng nag-umpisang magkaisip nang panahong iyon ay tinuring si Kevin Cosme bilang kanilang pangalawang tatay… at kasama ako sa mga iyon.

Sa aming pamilya’y walang Huwebes ng gabi na nilagpasan namin ang istorya nito. Sa kasagsagan ng kasikatan ng “Home Along da Riles” ay sumikat din si “Baldo”, ang bunsong anak ni Kevin Cosme na ginampanan ng noo’y matabang bata na si Vandolph Quizon (anak ni Mang Dolphy kay Vanessa Laxamana na kilala bilang si Alma Moreno) , Sobrang taba ko noon (kahit hanggang ngayon) at pareho pa kami ng buhok ni Vandolph kaya’t ang biro sa akin ng lahat ay “Baldo”. Nakasanayan ko iyon dahil sa tuwing manonood kami ng “Home Along” at ipapakita si Baldo ay sa akin sila tumitingin at tumatawa. Nakakainis talaga pero napagtanto ko namang totoo iyon. “Anak ni Kevin Cosme” ang isa sa naging bansag sa akin noon ayon sa aking pagkakatanda, kaya’t minsan ay parang feel ko na anak talaga ako ni Mang Kevin.

Lumaki ako sa panahong si Kevin Cosme ang solidong imahe ng napakraming tatay sa lipunang Pilipino. Biro man sa aking nakagisnang kamusmusan ang taguring “Baldo”, sa paraang iyon ay para ko na ring naging tatay si Mang Dolphy, at sa nangyayari ngayon sa kanya, naroon rin ang takot at pag-aalala na anumang oras mula ngayon ay mawawala na sa aming piling ang aking tatay, ang tatay ng henerasyong kinalakhan ko.

Kung ako ang tatanungin ay hindi magiging kasing-saya ang telebisyon at pelikula ng dekada ’90 kung wala si Mang Dolphy. Isa siya sa mga dahilan para tumawa ang mga Pilipino sa mga panahong iyon kaya’t hindi maitatangging malaki ang naging impluwensiya niya sa mga kasing-edad ko ngayon. Ang kalagayan ngayon ni Mang Dolphy ay masasabi nating “given” na dahil na rin sa palagi niyang pagkakasakit at pagtanda. Pero pilit niyang ikinukubli ito sa mga nakaraang taong patuloy pa rin siyang nagtatrabaho para sa industriya.

Naging bulalas din ng napakaraming mamamayan ang panawagang gawin nang Pambansang Alagad Ng Sining si Mang Dolphy habang siya ay nasa piling pa rin natin. Bagama’t nakatanggap na siya ng maraming makasaysayang pagkilala ay iba pa rin ang pagkilalang binibigay ng larangan ng sining at ng pamahalaang Pilipinas sa mga taong tulad ni Mang Dolphy na nag-ambag ng gabundok na impluwensiya at tuwa sa napakaraming henerasyon ng mga Pilipino. Malamig pa rin ang tugon ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ukol dito kaya’t marami ang nalulungkot sa pahayag na ito ng ahensiya.

Sa kabila nito, hindi man siya magawaran ng National Artist award ay tayo na mismo ang nagluklok sa kanya sa ganitong pedestal. Maaaring pormalidad lang ang pagsusuot ng medalya ng pagiging National Artist, pero tulad ni Jose Rizal, si Dolphy ay isa nang National Artist kahit walang pormal na kasulatan. TAUMBAYAN NA MISMO ANG NAGGAGAWAD SA KANYA NITO.

Kahit minsan ay hindi ko nakausap, ni nakamayan man lang si Mang Dolphy kahit lagi ko siyang nakikita noon sa loob ng bakuran ng ABS-CBN. Pero kung bibigyan ng pagkakataon, gusto kong magpasalamat sa kanya bilang bata noon na kahawig ni Baldo na napatawa niya sa panonood ng “Home Along da Riles”. Gusto kong ibigay sa kanya ang gawad ng pagsaludo mula sa henerasyon ng dekada ’90. Gusto kong sabihin na ako, ang batang napagkakamalang si Baldo, ay nagpapasalamat kay Tatay Kevin sa pagiging mabuti’t responsableng ama sa kanyang mga anak na tagapagtangkilik ng telebisyong Pinoy.

Dumaan man ang tren at magiba man ang bahay mo dahil sa pagyugyog sa riles ay naririto kaming mga anak mo para ipanalangin ang iyong paggaling. Mahal ka ng Diyos, Mang Dolphy! Kaya mo yan, Tatay Kevin!

FAST POST #13: “Anong Drama?”

[“Anong drama?” Ito ang isang comment na natanggap ko kagabi sa isang kaibigan nang mag-post ako sa Facebook tungkol sa “tampo” ko sa isang bagong kaibigan. Nakuha ko pang depensahan ang komento ng kaibigan kong ito, pero pagka-pindot ng enter key ay tila bigla akong nabuhusan ng tubig. Napahinto. Napaisip nang malalim. Bumuntong-hininga. Nauntog sa isang malaking katotohanan.]

***

Hindi ko maibigay yung eksaktong dahilan kung bakit ako naging emo (emotional or read: over sa pag-e-express ng emotions) pero tandang-tanda ko pa na nagsimula ang pagtaas ng drama levels ko noong December 2006. Ito ang unang pagkakataon na sumali ako sa “clan”, isang social networking trend gamit ang cellphone at na-in love sa taong sa cellphone ko lang nakakausap. (Sun Cellular pa lang ang carrier noon ng unlicall at unlitext) Seloso kasi ako kaya’t lahat ng kaartehan ay sinasabi ko at tinetext ko, kaya’t ang epekto nun ay nagagawa kong maging pa-sweet sa text at tawag kapag kausap ko siya.

Kung hindi ako nagkakamali ay nauso ang terminong emo noong mga bandang 2007 o 2008, na patungkol sa isang music format ng tugtog na umusbong mula sa alternative rock genre. Kasabay ng mga senti moment ko ay ang pagkahilig ko sa mga emo music, kaya’t binansagan ko na ang sarili ko na EMO mula noon. Sa paglago ng ganitong klaseng mga kanta, natanto kong unti-unti na rin palang lumalala ang kaemohan ko sa buong katauhan ko. Marami na akong nasirang pakikisama (kaibigan man, ka-flirt, ka-M.U. at mga past romantic relationship ko) dahil sa ganitong behavior ko. Napasama ang imahe ko sa maraming tao kapag umiiral ang pagiging emo sa maling lugar o sitwasyon. Pinilit kong dahan-dahang ibaba ang level ng pagiging emo ko, pero naging mahirap ito para sa akin lalo na noong naging libre ang paglalabas ng aking emo sentiments nang dahil sa Facebook at Twitter. Kahit ang blog kong ito’y nabuo dahil sa kaemohan ko sa pagiging hopeless romantic ko. (nakakatawa, nakakahiya pero yun ang totoo)

“Anong drama?” Ito ang isang comment na natanggap ko kagabi sa isang kaibigan nang mag-post ako sa Facebook tungkol sa “tampo” ko sa isang bagong kaibigan. Nakuha ko pang depensahan ang komento ng kaibigan kong ito, pero pagka-pindot ng enter key ay tila bigla akong nabuhusan ng tubig. Napahinto. Napaisip nang malalim. Bumuntong-hininga. Nauntog sa isang malaking katotohanan.

*PAALALA: Ang susunod na mga pangungusap ay maaaring maglaman ng mga kaemohan ng may-akda. Pakiunawa po. Maraming salamat.*

Malaya tayong nakakapagbulalas ng ating emosyon. Sa pamamagitan ng maraming pamamaraan ay naipaparamdam natin ang ating mga saloobin. Madalas, dahil libre nating gawin ito ay nakakalimutan nating mag-preno ng ating mga salita na ang nagiging resulta ay maaaring sakit o insulto sa mga taong pinatutungkulan/tatamaan nito. Tila para tayong nagiging kotseng sira ang preno na anumang oras ay pwedeng makaaksidente at makasakit ng mga tao.

Hindi naman talaga masamang magpaka-emo. Ngunit sa aking sitwasyon, na-realize ko na maraming beses akong umabuso sa pagiging emo ko. Maaaring naging daan ito upang mabuksan ang aking malikhaing puso’t kaisipan (tulad ng Aurora Metropolis), pero naging mitsa rin ito sa akin na maging sobrang sensitibo sa kung anong mga salita o kilos ang umaapekto sa akin. Tanda kong hindi ako sobrang sensitibo bago pumasok sa akin ang ganitong kaisipan. Marahil na rin siguro sa pagpipilit na magkaroon ng lovelife (hahaha) at pagiging sobrang involve sa pagkatao’t maging emosyon ng mga taong kinakaibigan/kaibigan/nagugustuhan/minamahal ko. Ganito rin ang epekto kapag ako’y binabalewala sa lahat ng bagay at sitwasyon na madalas kong ikinatatampo sa mga kinakaibigan/kaibigan/nagugustuhan/minamahal ko.

“Anong drama?” Naging alarm sa akin ang comment na iyon ng aking kaibigan (dahil na rin siguro na siya’y isa sa mga tumutulong sa akin upang palakasin ang pananampalataya ko sa Panginoon) na hanggang sa mga oras na ito’y malalim kong pinag-iisipan nang paulit-ulit. Dumating sa aking puso ang binabalak kong unti-unting “pagbabago” sa ganitong klaseng aspeto ng aking buhay. Ngunit sa huli, nitong gabi lang ay kinatok ni Hesus ang aking puso at hindi hinayaang masunod ang pagbabalak para sa aking sarili. Hahayaan ko Siyang gumawa ng paraan upang mabawasan ang pag-uugali kong ito.

Muli. Hindi masamang mag-emo. Ito ay nilalagay sa lugar at binabagayan ng sitwasyon. Ipapaayos ko sa Diyos ang preno ng aking puso upang gumanda ang daloy ng aking puso sa puso ng iba. Hindi naman talaga maaalis ang drama sa ating buhay. Ang importanteng pakatandaan natin sa lahat ay ang katotohanang hindi matinding bugso ng emosyon ang nararapat na lumabas sa ating puso, kundi pagmamahal sa kapwa, pag-unawa sa mga bagay-bagay at pananampalataya sa ating unang mahal, ang ating Panginoon.

Aurora Metropolis Year 2: Ang Ikalawang Taon Ng Paglalakbay At Ang Ikatlong Taon Ng Panibagong Pagsubok

“… Yung totoo, wala akong ideya kung anong isusulat ko. Kung anuman ang lumabas sa aking utak sa mga oras na ito, iyon ang inyong mababasa.”

Nag-umpisa ang Aurora Metropolis noong June 2010 upang ibahagi sa buong mundo kung ano ang mga nasa isip at damdamin ko na hindi ko maaaring ilabas gamit ang pansarili kong katauhan. Hindi ito pagtatago ng aking identity. Inilalahad ko lang sa isang malikhain at malayang pagsusulat ang mga bagay na nasa loob ko, mga bagay na iniisip kong hindi papakinggan ng mga tao (kasama roon ang mga kakilala’t kaibigan ko) na mas posible nilang intindihin kung ilalatag ko sa ibang pamamaraan.

Umandar ang oras at nakapagbigay ang Aurora Metropolis ng mga artikulong naging salamin ng tunay na lipunan at tunay na saloobin na maaaring saloobin din ng aking kapwa. Kumbaga, hindi na lamang ito paglalabas ng aking sama ng loob o kaligayahan ng aking puso, kundi pagpapakita kung ano ang sama ng loob at kaligayahan sa puso ng maraming tao. At bilang blogger, masaya akong nakikita na pumapasok sa TOP 10 ng mga pinaka-binibisitang site ang Aurora Metropolis sa WordPress Philippines.

Hindi madaling mag-maintain ng blog site, lalo na sa tulad kong laging inaatake ng mental block. Kahit nga ngayon na ipinagdiriwang ko ang ikalawang taon ng Aurora Metropolis,  yung totoo, wala akong ideya kung anong isusulat ko. Kung anuman ang lumabas sa aking utak sa mga oras na ito, iyon ang inyong mababasa. Naging mapanubok na paglalakbay ang magsulat, pero sabi nga nila, hindi pinipilit ang utak na magbahagi sa iba. Kusang lumalabas ang mga ideya at kusa itong naibabahagi sa iba. Para itong bunga sa isang puno, na naghihintay na tumubo, mahinog bago pitasin, at namnamin ang tamis at sarap nito.

Hindi rito nagtatapos ang paglalakbay ng Aurora Metropolis. Hindi man ako makapagbigay ng mga artikulo lagi-lagi, sinisigurado kong sa ikatlong taon nito ay maglalathala ako ng mas makabuluhan pang mga sulatin, hindi lang para maki-epal sa magulong mundo ng mga lantarang manunulat, kundi mag-alok ng mga kaisipang alam kong makakatulong sa lahat: para sa pag-unlad ng sarili, pag-unlad ng kaisipan ng ating lipunan, pag-unlad ng ating pagmamahal sa bayan at pag-unlad ng ating pananampalataya sa ating Panginoon,

HAPPY 2nd ANNIVERSARY, AURORA METROPOLIS!