Maraming Pilipino ngayon, dito man sa Pilipinas o sa ibayong dagat, ay lantaran ang suporta para sa 16-year-old na si Jessica Sanchez na posibleng tanghaling ika-11 kampiyon ng “American Idol”. Maraming nagsasabi na malaki ang tsansa niyang mapanalunan ang titulo dahil sa simpatiyang nakuha nito sa kalakaran ng programa.
Napanood ko kanina sa isang panayam sa TV Patrol, sinabi ni Arnel Pineda na pinag-iingat niya si Jessica sa posibleng diskriminasyong kanyang maranasan habang siya ay nasa entablado ng kasikatan. Matatandaang naging frontman ng bandang Journey sa Arnel at hindi basta-basta ang ganoong komento mula sa isang Pilipinong minsang tumuntong sa industriya ng entertainment sa Amerika.
Ang diskriminasyon sa Estados Unidos ay tila kasintanda na ng kasaysayan ng bansang ito. Unang dinanas ng mga African-American na sinundan ng mga Asyano (kasama ang mga Pilipino) ang ganitong klaseng pagturing ng iilang mga Amerikano sa mga tulad nilang kaiba ang kulay. Resulta ito ng mentalidad na mataas ang tingin sa kanilang lahi at ang tingin nila sa ibang lahi ay mas mababa sa kanila. Naging isyu ito na umabot sa pandaigdigang pagtalakay at patuloy na nireresolba ng mga ahensiyang tulad ng United Nations.
Taglay ni Jessica ang katangian ng isang Idol, pero kung matalo man siya’y hindi na ito kaduda-duda. Ang resulta bukas ng umaga ang magpapatunay kung tanggap na ng Amerika ang pagtuntong ng isang Asyano o ng isang Pilipina sa pedestal ng mga sikat na mang-aawit ng kanilang bansa. Si Jessica ay isa nang idol sa puso ng marami, Pinoy man o hindi. May diskriminasyon man o wala, pinapatunayan ng isang tulad ni Jessica na kahit anuman ang lahi mo at kulay mo, hindi namimili ang Diyos ng pagbibigyan ng talento.
Lahat tayo ay Kanyang nilikha at lahat tayo ay biniyayaan ng ganitong mga kakayahan dahil pantay-pantay tayong lahat sa Kanyang paningin.