Hinihiwalay ko ang mga kaibigan kong Tsino sa kung anumang mababanggit ko ukol sa paksang ito.
West Philippine Sea. Kalayaan Group of Islands. Panatag Shoal.
Mula nang mag-umpisa ang petisyon ng Pilipinas sa karapatan ukol sa teritoryo ay tila nagsimula na rin ang pagbangga natin sa sinasabing susunod na superpower ng daigdig, ang China. Sinasabi ng magkabilang kampo na madadaan sa diplomasya at ligal na pamamaraan ang pagtatalo ng dalawang bansa sa pagpapalit ng pangalan ng South China Sea bilang West Philippine Sea at ang pag-angkin sa Scarborough Shoal na tinatawag nating Panatag Shoal. Hindi ito ang unang beses na nasangkot sa agawan ng teritoryo ng dalawang bansa dahil noon pa ma’y nagtatalo sila sa pagmamay-ari ng Spratly Islands na tinatawag nating Kalayaan Group of Islands. ( na unang tinalakay dito sa Aurora Metropolis – Ang Spratlys Ay Para Sa Pilipinas. Sana Maisip Ito Ng China )
Kung titingnan ang mapa ng Asya Pasipiko, ang lahat ng pinag-aagawang isla ay napakalapit sa baybayin ng Pilipinas. Maging ang South China Sea ay nakatapat nang buo sa ating bansa. Sa kabila nito, iginigiit ng China na sa kanila ang lahat ng islang sakop ng South China Sea.ay sakop ng China, at may nagsabing maging ang Pilipinas ay teritoryo ng China. Kung susuriin ang International Treaty on the Law of the Seas (ITLOS), ang mga islang pinag-aagawan tulad ng Panatag Shoal at karamihan sa mga isla ng Kalayaan Group of Islands ay nasasakop ng soberenya ng Pilipinas, samantalang ang China ay mahigit 500 NM (nautical miles) ang layo sa mga islang ito. Pero ang basehan ng China ay ang kanilang kasaysayan at ang kasaysayang ito ay patuloy nilang tinuturo sa kanilang mga eskuwelahan.
Dahil sa gusot na ito’y pinagbabawalan na ng pamahalaan ng China ang pagpunta ng kanilang mga mamamayan sa ating bansa at pagharang ng mga produkto ng Pilipinas na papasok sa kanilang bansa. Malaking dagok ito sa export industry natin dahil isa sa mga malalaking market ng Pilipinas ay ang China. Naramdaman din agad ang epekto nito sa ating turismo, lalo na sa Boracay kung saan maraming Tsino ang bumibisita rito buwan-buwan.
Tunay na isa ngang David vs. Goliath ang nangyayaring stand-off na ito ng Pilipinas at China. Oo. Tayo ang pinakaapektado sa hidwaang ito dahil ang kinakalaban natin ay isang dragong unti-unting gumagalaw at maaaring kumontrol sa ekonomiya ng mundo sa hinaharap. Sa kabila ng pagiging superpower, tila naninigurado ito sa pagpapalaki ng kanyang teritoryo upang maging lubos ang kapangyarihan na pati ang maliit na islang tulad ng Panatag Shoal at ang Kalayaan Group of Islands ay kanyang inaangkin. Maaaring sa kasaysayan ay kinilala ang sinasabing pagmamay-ari ng China sa South China Sea, pero sa modernong panahon, panahon na upang ipakita sa mundo kung anong bansa talaga ang nakakasakop sa karagatang ito.
Ginagamit ng China ang kanyang lakas upang gipitin tayo, pero sa palagay ko, hindi ito dapat maging hadlang sa atin dahil hindi lang sila ang bansang nakikinabang sa ating pinagmamalaking produkto’t maipagmamalaking mga kakayahan. Marahil ay kaya nilang maapektuhan ang ating turismo at ekonomiya, pero sa palagay ko, mas marami pang bansa ang nagtitiwala’t sumusuporta sa atin. Oo. Tayo si David na bumabangga kay Goliath para sa karangalan ng mga isla at ng karagatan. Tayo ang sumusunod sa diplomasya at ligal na pamamaraan kaya wala tayong dapat ikapangamba sa ating mga hakbangin.
Oo. Tayo si David. At dahil tayo ang nasa tama, darating ang panahon na tayo ang mananaig. Walang maliit na hindi nakakapuwing. Tandaan nila yan.